vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Monday, November 28, 2011

Waiting for Tomorrow 2


Dumating ang araw ng aming pag-uwi sa Bicol. Tulad ng dati ako na naman ang huling lumabas at nakapagbihis. Mas gusto ni Papa na maaga umalis para hindi kami abutan ng dilim sa daan dahil mahigit pito o walong oras din ang itatagal ng aming biyahe pero dahil nahuli ako ng gising ay medyo mataas na ang araw noong kami ay nakaalis. Naghangda si Mama ng mga makakain kaya naman hindi na namin problema iyun, tumitigil na lang kami kapag kailangan magpagasolina o kaya ay gagamit ng banyo.


Nasa likuran kami ng sasakyan ni Kuya, sa haba ng biyahe ay nakatulog ako at hindi ko namalayang nakasandal na ang aking ulo sa balikat ni Kuya. Noong biglang napadaan sa lubak si Papa ay napamulat ako pero agad din akong pinahiga ulit ni Kuya pero ngayon ay ang kanyang dibdib na ang aking naging unan at ang kanyang kamay ay nakayakap na sa akin. Hindi ko na inalis pa ang kamay ni Kuya sapagkat sa kung ano mang dahilan ay naramdaman ko na parang napaka-safe ng pwesto ko at parang nawala lahat ng mga bagay ng gumugulo sa aking isipan. Lalong napahimbing ang tulog ko sa posisyong iyon.

Mag-gagabi na noong ginising ako ni Kuya.

“Bunso, gising na at naliligo na ako sa laway mo.” Ang pabirong sabi ni Kuya.

Nang marinig ko yun ay biglang nakaramdam ako ng kahihiyan at agad akong napabangon sabay punas sa may labi ko.

“Wala naman eh.”

“Wala nga. kanina pa kasi kita ginigising ayaw mo eh, andito na tayo at hinahanap ka na nina Lolo.”

Nag ayos ako ng sarili at bumaba na din ng sasakyan. Andun na sila Kuya at Mama at Papa at kausp si Lolo. Nagmano ako sa kay Lolo sabay tabi dito.

“Jerome, ikaw na ba yan?”

“Opo. Asan po ang Lola?”

“Ay nasa loob at hinahanda ang pagkain nyo. Tara na sa loob.”

“Lola! Andito na po kami!” sigaw ko sa labas ng bahay.

Sinalubong ako ni Lola at agad ko namang inabot ang kamay nya para magmano at niyakap naman ako ni Lola.

“Anlaki laki mo na, Jerome!”

“Kumusta naman po kayo La?”

“Ayos lang kami, eto malakas pa kami ng Lolo. Tara at kumain muna kayo, naihanda ko na ang mesa.”

Tara na La, Lo, sabay na din po kayo sa amin. Ma, Pa, Kuya tara kain na tayo, gutom na ako eh.”

Habang kami ay nasa hapagkaininan ay tuloy lang ang aming kwentuhan. Nagpalitan ng mga balita sila Lola at Mama at si Papa at Lolo naman ay nag usap tungkol sa mga tanim sa bukid. Kami ni Kuya ay enjoy na enjoy sa pagkain.
“Ayan bunso, hinimay na kita ng laman ng alimango, alam ko namang paborito mo yan kaso tamad kang maghimay nito eh.” sabay lagay nito sa aking plato.

“Salamat Kuya! The best ka talaga!”

Pagkatapos naming kumain ay tinulungan ko si Lola na magligpit ng mga pinagkainan namin.

“La, ako na po ang maghuhugas, dun na lang po muna kayo at ipagpatuloy ang kwentuhan ninyo nina Mama.”

“Sige Jerome.”

Si Kuya naman ay tumulong na din sa pagliligpit, yung mga hugasing plato ay pinagsasama na niya at dinala na sa lababo.

“Ako na dito Kuya, pakidala na lang ng mga gamit ko sa tutulugan natin. Salamat.” At umalis na si Kuya para kunin ang mga naiwan naming mga gamit sa sasakyan.

“Andito na pala kayo? Jerome? Ikaw na ba yan? Kumusta ka na?  ” isang boses mula sa aking likuran ang ikinagulat ko. Napalingon ako sa pinanggalingan ng tinig at andun ang pinsan kong si Anthony. Si Anthony ay anak ng Tita Dolly, nakababatang kapatid ni Mama pero ito ay nasa ibang bansa kaya naiwan muna ito kina Lolo’t Lola. Ang tatay ni Anthony ay matagal na silang iniwan at wala na itong balita sa kung ano ang nangyari dito. Bata ng dalawang taon sa akin si Anthony pero siguro dahil sa lumaki na ito sa piling nila Lolo ay parang matanda na din mag isip, minsan napagkakamalan itong mas matanda pa sa akin base na din sa kanyang pananalita. Medyo kayumanggi ang kanyang kulay dahil lagi itong nasa initan kapag tinutulungan si Lolo sa bukid , may tangkad na 5’ 6 at may hitsura din naman.

“Ton ton? Ako nga to si Jerome, kumusta ka na?”

“Laking pinagbago mo insan ah! Ayus lang ako, kadarating ko lang galing sa simbahan at naghahanda kami para sa gagawin naming senakulo bukas ng gabi.”

“Ay uu nga pala ano, Holy Wednesday na bukas. Cge panunuurin ka na lang namin ni Kuya bukas.”

“Andyan din si Kuya Jomar?” tanong ni Anthony.

“Oo, nag aayos lang ng mga gamit namin. Sya nga pala kumain ka na ba? Meron pa atang natirang pagkain dyan sa lamesa. Kumain ka muna.” Sabay lapag ng plato at kubyertos sa lamesa.

“Oy, ano ka ba, di mo ako kailangang pagsilbihan, kayo ang bisita dito kaya itigil mo na din yang paghuhugas ng plato.”

“Nako, ayus lang, pagagalitan ako nila Mama kapag iniwan ko to dito, saka malapit na naman akong matapos eh.”

“Sige pagkatapos nyan ay magpahinga ka na at tiyak pagod ka sa biyahe.”

Nagpaalam ako kay Tonton matapos kong magligpit sa kusina. Tinungo ko ang kwarto namin ni Kuya Jomar at naabutan ko itong nakahilata sa kama. Hindi ko na ginising si Kuya, kinuha ko na lamang ang aking mga gamit at hinahap ang aking dalang tuwalya at mga pampalit ng damit. Nang bumaba ako ay wala na sa sala sina Mama, Papa, Lolo’t Lola, marahil ay nagsipagtulugan na din. Ito ang isa sa mga pagkakaiba sa lungsod at dito sa probinsya, maagang natatapos ang araw, matapos ang hapunan ay wala na halos tao sa mga kalsada. Kadalasan ang mga tao ay nasa kanila nang bahay pagsapit ng alas otso ng gabi. Madalang na din ang mga sasakyang dumadaan sa kalye. Tanging ang ingay ng mga kuliglig at mga kulisap ang maririnig.

Pagkatapos kong maligo at magbihis ay bumalik ako sa kwarto namin ni Kuya. Tulad kanina ay nakahilata pa din ito at tulog na tulog. Tumabi ako kay Kuya at nagsimulang magbasa ng librong dala ko. Mga dalawang oras din akong nakapagbasa bago ako dinalaw ng antok. Nilapag ko sa may ulunan ko ang libro at natulog na din.
Tirik na ang araw nang bumangon ako. Tinungo ko ang kusina at andun sina Lola at Mama naghahanda ng mga lulutuin para sa pananghalian namin. Laing ang ulam, isa sa mga paborito ko.

“Oh Jerome, mag almusal ka muna” aya ni Lola sa akin sabay abot ng isang plato at kubyertos.

“Salamat po, La!”

Nang matapos akong kumain ay hinanap ko si Kuya at si Tonton. Sabi ni Mama ay namamasyal daw sa bayan at may bagong perya doon.

“Hindi na naman ako nakasama, sige mamaya magpapasama ako kay Tonton pumunta dun.” Bulong ko sa sarili.
Bago mag alas onse ay dumating sina Lolo at Papa dala ang samu’t saring mga prutas. Indian mango, santol at dalanghita, lahat yun tinikman ko. Busog na busog ako nung dumating sina Tonton at Kuya.

“Kuya, di mo man lang ako ginising, sana nakasama din ako sa bayan at nakapaglaro sa perya.”

“Napakahimbing kaya ng tulog mo, saka alam ko pagod ka sa biyahe kaya di na namin ginising. Hayaan mo mamayang hapon babalik tayo doon. Saka may nakaplano na kami ni Tonton na gagawin natin pagkakain ng tanghalian, di ba Ton?”

“Oo Kuya. Tiyak matutuwa ka Jerome.”

“Sige na nga.”

Matapos ang aming tanghalian at ang mga gawain sa kusina ay nagyaya na si Kuya na aalis na kami.
Nagpaalam siya kina Mama at pati na din kina Lolo.

“ Ma, Lo punta lang ko kami dyan sa may batis para maligo. Isasama namin si Tonton.”

“O sige Jomar, ikaw nang bahala sa mga bata ha, mag iingat kayo.”

“Sige po Ma.”

Mga labinlimang minuto din kaming naglalakad mula sa bahay hanggang sa makarating kami sa batis. Dahil mainit ang panahon may nakita kaming ibang mga batang naliligo din doon. Naghanap kami ng pwesto na medyo malalim at hindi batuhan. Natanggal ng t-shirt si Kuya at pati na din si Tonton. Habang ginagawa nila iyon ay saglit akong napatingin sa katawan ni Kuya, napahanga ako sa ganda ng kanyang dibdib at ang flat nyang tiyang. Halatang aktibo sa sports. Kita naman sa katawan ni Tonton ang mga muscle nito. Siguro dahil sa pagtulong nya kay Lolo sa bukid. Biglang tumalon ang dalawa sa tubig at nagbasaan. Nagising naman ako sa pagmamasid at nagtanggal na din ng tshirt at sumama na rin sa kanila sa paliligo.

Mga isang oras din kaming naglalaro sa tubig at nang nilalamig na ako ay umahon na ako at naiwan ko sina Kuya at Tonton. Pinag usapan nila ang mga pwede pa naming gawin habang kami ay nandun sa probinsya. Di ko na lang sila pinansin at pilit kong binalikan ang aking naramdaman nung nakita ko ang kanilang mga katawan.

“Bakit ko nga ba sila pinagmasdan? Bakit biglang nakaramdam ako ng paghanga sa kanilang mga magagandang katawan? Bakit ba gusto ko itong mahawakan at mahagkan?” ang sabi ko sa sarili ko. Napatigil na lang ako sa aking pag iisip kasi tinatawag na pala ako nina Kuya para makagbihis na kami at pupunta na daw kami dun sa peryahan.
Mabilis kaming nagbanlaw at nagpalit ng damit nang makarating kami sa bahay. Halata sa akin na gustong gusto kong makapunta sa perya.  Lahat halos ng laro ay sinalihan ko. Kapag natatalo ako ay humuhingi lang ako ng pera kay Kuya at agad namang nagbibigay ito.

“Kuya nagugutom na ako.”

“Lika na Tonton, Jerome hanap tayo ng makakain.”

Naglibot muli kami sa perya at may nakita kaming nagtitinda ng maruya, bumili si Kuya ng tatlo at sinamahan na din niya ng sago’t gulaman.

Matapos naming kumain ay nagdesisyon si Kuya na umuwi na din para makapaghanda para sa prusisyon. Matagal na din noong huli akong magprusisyon dito sa probinsya. Tulad ng natatandaan ko ay puno ng mga tao ang simbahan at talaga namang nagsisiksikan sila. Andun pa din ang mga naglalakihang mga santo na nakalagay sa kani kanilang mga magagarang karosa na punong puno ng mga palamuti at pailaw.

Magkakasama kami ni Tonton at Kuya na sumabay sa mga tao noong nag umpisa ang prusisyon. Wala talagang pinagbago pati yung mga parang entablado kung saan may mga taong nakapose base na din sa stations of the cross. Mga dalawang oras din inabot ang prusisyon bago nakabalik ng simbahan. Dumiretso na kami nila Kuya at Tonton sa bahay para kumain ng hapunan at sasama pa kami kay Tonton para sa taunang senakulo na ginagawa ng mga kabataan ng  bayan na yun. Nakapangako kasi kami ni Kuya na manunuod kami pati kami din ang official photographer ni Tonton.

Mga alas otso na ng gabi ng magsimula ang senakulo. Magagaling ang mga kabataang nagsipaganap. Madalas ang tingin ko sa mga tagapanuod pati na din sa mga kabataang kasali sa palabas. Napako ang aking tingin sa isa sa mga utusan sa pagtatanghal. Nakasimpleng damit lang siya pero ang lakas ng dating. Medyo matangkad ang binata, at sa taya ko ay halos kasing edad ko din. Napakaganda ng tindig nya, maputi, maaliwalas ang mukha at may misteryosong ngiti. Napayuko naman ako bigla nang mahuli nya akong nakatingin sa kanya. Pinalipas ko ang ilang sandali at saka ko ulit sya tiningnan, laking gulat ko nang makita kong nakatingin pa rin sa akin at bigla nya akong nginitian ng napakatamis. Pakiramdam ko ay parang nawala lahat ng pagod ko sa pagprusisyon namin. Nabalik na lamang ako sa aking katinuan nung kalabitin ako ni Kuya.

“Hoy, tulala ka na naman dyan, ayun na si Tonton!” sabay turo ni Kuya.

Nasa akin kasi yung dala naming camera kaya nagmadali akong lumapit sa may harapan para mas makuhanan ng maayos si Tonton. Mga ilang litrato din ni Tonton ang aking kinuhanan. At nang matapos siya ay ung binata naman na aking nakita kanina ang kinuhan ko ng nakaw na litrato, inayos ko na lang ang pagkakakuha para naman hindi halata na ung binata talaga ang kinukuhan ko.

“Mamaya tatanungin ko si Tonton kung sino yung binata na yun.” Sabi ko sa sarili ko. Nang matapos akong kumuha ng larawan ay bumalik na ako sa pwesto namin ni Kuya at binigay sa kanya ang camera. Bumalik naman ang aking paningin sa entablado sa napako ito sa iisang tao lamang.

“Hay! Sana makilala ko sya.” Napatigil ako sandali, napaisip kung bakit ko biglang nasabi iyon sa sarili ko. Di ko na talaga maintindihan ang aking nararamdaman. Pero bahala na nga, di ko na lang papansinin. Bumalik ako sa panunuod ng senakulo at paminsan minsan ay nadadaanan ng aking paningin ang binata pero di ko na lang pinansin. Matapos ang palabas ay sabay sabay na kaming umuwi nila Kuya at Tonton, at nakalimutan ko na ding itanong ang pangalan nung binata siguro dahil sa napagod ako dahil andami naming ginawa nung araw na yun.

-----

Naging masaya ang sumunod na linggo para sa amin ni Kuya. Naimbitahan kami ni Kuya na sumama kay Tonton sa isang party sa beach, pagdiriwang daw nila para sa matagumpay na pagtatanghal nila ng senakulo. Kahit nahihiya man kami ay sumama na din kami kasi kinulit ko ng kinulit si Kuya. Maaga kaming naghanda nila Tonton at Kuya, ng mga panligo namin at si Mama naman ay naghanda ng kanyang macaroni salad na pinadala sa amin para daw may share din kami dun sa party.

Maagang nagtipon ang mga kabataan na kasali dun sa senakulo pati na din ung mga organizers. Halos mapuno ang dalawang dyip sa mga sumama para sa beach party. Naging tahimik kami ni Kuya sa biyahe na inabot din ng halos 30 minutes. At nung marating namin ang beach, naghanap yun mga organizers ng isang cottage na aming gagamitin at nung makapag ayos na kami ng gamit at nakapag palit na din ng damit panligo ay nakisali na din kami nila Tonton sa mga kabataan na naliligo na sa dagat.

“Wohoo! Ang sarap talaga dito sa dagat!” Ang sigaw ko na sobrang saya at nakapunta ako ng beach.

Si Kuya naman ay abala sa paggawa ng sand castle sa dalampasigan, napansin kong may isang babae ang lumapit sa kanya. Nagkamay sila na sa tingin ko ay nagpakilala sa sila sa isa’t isa. Di ko alam kung bakit parang napako ang tingin ko kina Kuya at yung babaeng ngayon ay tumutulong na din kay Kuya na gawin ang sand castle at tila nagiging malapit sila sa isa’t isa. Bigla rin na parang bumigat ang pakiramdam ko at tila ba nawala lahat ng excitement na nadama ko kanina nung makaligo ako sa dagat. Nabali na lang ang aking tingin nang biglang nabasa ang aking mukha ng tubig.

“Hoy! Kanina ka pa nakatitig dyan kay Kuya Jomar at Ate Shirley! May problema ba?” Tanong ni Tonton

“Ah eh. Wala naman.” Sagot ko.

“Anong wala naman? Kulang na alng ay sugurin mo ung dalawa dun?”

“Wala nga. Tara na nga lang kuha tayo ng makakain.” Aya ko kay Tonton.

Kumuha kami ng makakain at tahimik na kumain. Maya maya ay may mga nagyaya na maglaro daw ng beach volleyball, ngunit dahil di naman ako naglalaro ay pumunta na lang ako sa tabi ng court para manuod. Nakita ko naman si Kuya na nagmamadaling tumakbo papunta sa kinaroonan namin at gusto ding makisali sa laro. Bigla naman nag iba ang mukha ko nang makita kong nakasunod kay Kuya yung Shirley na yun. Parang nawalan ako ng gana na manuod pero dahil na din sa pagsali ni Kuya ay nanuod na rin ako. Habang inikot ko ang aking paningin ay nakita ang binatang utusan na napansin ko noon sa senakulo, pero ngayon dahil nasa beach kami ay wala itong suot na damit na pang itaas. Napahanga ako sa ganda ng hubog ng katawan nya. Defined ang mga muscles nito. Ang ganda ng dibdib at flat ang abs. Biglang nag init ang pakiramdam ko at tila parang namula ang aking pisngi lalo na at nakita nyang tinititigan ko ang kanyang katawan.

Sa hiya ko ay biglang napalingun ako kay Kuya na noon naman ay nakita kong hinahalikan si Shirley. Lalong bumigat ang dibdib ko at parang may kung anong gustong kumawala dito. Unti unti ring nangingilid ang luha sa aking mata. Dali dali akong tumakbo sa dagat upang maitago ang pagpatak ng aking luha. Di ko na talaga maintindihan ang mga nararandaman ko ngayon, nasasaktan ako kapag may kasamang iba si Kuya pati na yung binata ay nakikisali din sa mga bagay bagay na gumugulo sa isipan ko. Matapos kong magbabad sa dagat ay bumalik na din ako sa panunuod ng volleyball, maganda ang laban ng dalawang kupunan parang nagpapalipat lipat lang ang bola sa dalawa. At hindi din nagkakalayo ang kanilang mga scores. Pero sa huli ang team pa din nila Kuya ang nanalo. Matapos ang laro ay nagsikainan na kami at balik swimming yung iba. Ako naman ay naglakad lakad sa beach at namumulot ng mga shells sa dalampasigan.  Dito ko pinilit na inuunawa ang aking mga nararamdaman.

“May nararamdaman ba ako kay Kuya? Doon sa binatang hanggang ngayon ay di ko pa rin alam ang pangalan? Bakit mayroon akong ganitong nararamdaman? Mali ito. Mali!” ang bulong ko sa aking sarili.

[may kasunod]

3 comments:

Anonymous said...

nkkabitin nmn.... san my kasunod agad!!

aqua16 said...

nakakabiting talaga, update please.. more power to the writer..

Anonymous said...

recent stories here is getting better... more power to you.... next part pls

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.