vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Friday, March 16, 2012

Waiting for Tomorrow 19


“Depende sayo, gusto mo ba yun na maging totoo?”

“Ewan, di ko alam…”

“Ah ok.” Kibit-balikat na sagot ni Nick pero napansin ko ang pagkalungkot sa kanyang mukha.

“Ano nga pala ang napag-usapan nyo kanina nina Papa?” Pilit kong pag-iba ng usapan. Ayaw kong lumalim ang diskusyon na iyon dahil hindi ko alam kung ano ang aking isasagot.

“Tulad din ng tanong mo, eh kung totoo daw ba ang nararamdaman ko para sayo?”

“Anong sinagot mo?”

“Eh di yung totoo.”

“Ano nga ba ang totoo?”

“Sinabi ko na mahal kita, na gusto kong makasama ka lagi, na napapasaya mo ako kapag ako ay malungkot, na gusto kong lagi kang kasama. Pero…sabi ko ay ako lang naman ang ganun ang nararamdaman at hindi ikaw. Ayaw ko namang ipilit sayo ang damdaming hindi mo naman nararamdaman. Mahal kita Jerome pero kaya kong pakawalan ka kung yang ang ikaliligaya mo. Ganun kita kamahal na ayaw kitang ikulong sa isang damdamin na magiging obligasyon lang sayo. Pasensya ka na kung lagi akong nagiging mapilit at makulit.”

Hindi ko alam kung ano ang magiging tugon sa mga sinabi ni Nick. Sa isang banda ay alam kong may damdaming umuusbong para sa kanya pero  hindi rin ako tiyak sa nadarama kong iyon. Umupo na lamang ako sa aking kama at hinayaang malayang tumulo ang aking mga luha. Pinagmasdan ako sandali ni Nick at muli itong nagsalita.

“Magpapaalam na ako Jerome. Naisip kong sa bahay na muna matulog. Kasama mo naman andito si Semuel. Kailangan ko lang gawin ko ito para sa sarili ko.  Paalam Jerome.” Pagkasabi nito ay tumalikod na ito at tuluyan nang umalis sa aking silid.

Bigla akong nakaramdam ng pagsisi at galit sa sarili. Bakit nga ba hindi ko kayang ihayag ang dadamin ko para kay Nick. Ilang sandali din ang lumipas nang natigil ang aking pagmumuni-muni nang biglang pumasok si Semuel.

“O bakit aalis yung si Nick? At bakit parang pinagbagsakan ng langit ang mukha nun? Bungad ni Semuel. Pero nang makita nitong ako ay umiiyak ay natigilan ito.

“Bakit anong nangyari? Bakit ka umiiyak Jerome?”

Hindi ko magawang ikwento kay Semuel ang naging usapan namin ni Nick. Tanging katahimikan lamang ang aking naging tugon sa mga katanungan nya. Nang makita nya sigurong hindi ako sasagot ay hindi na ako nito pinilit at umupo na lamang ito at nagsimulang magbasa. Nakahilata lang ako sa kama, nag-iisip sa sarili, takot basagin ang katahimikang bumabalot sa amin ni Semuel.

“Dito ka na lang matulog.”  Sabay tapik ko sa bakanteng espasyo sa aking kama.

“Ah sige, di pa naman ako inaantok.” Kaswal niyang sagot.

“Sabi niya mahal nya daw ako at hindi nya daw hinihiling na suklian ko ito. Naging tahimik ako kaya nasaktan sya dahil parang di ko pinapansin ang kanyang mga tinuran. Kaya umalis na lamang ito para daw sa sarili nya.”

“Ano nga ba ang nararamdaman mo para sa kanya?”

“Ewan ko, di ko alam.”

“Bakit?”

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako muling nagsalita.

“Dahil hanggang ngayon ay andito ka pa rin sa puso  at isip ko. Na kahit anong gawin kong pagpipilit sa sarili ko na dapat ibaling ko na sa iba ang damdamin ko ay hindi ko iyon magawa. Kaya ayaw ko din sagutin ang mga hirit ni Nick dahil ako sa sarili ko ay hindi sigurado. Na baka sa huli ay maging panakip butas lang ang magiging relasyon namin.”

“Pero alam mo namang mayroon nang nagmamay-ari ng puso ko. Mahal ko si Therese.”

“Alam ko naman yan Semuel. Sa tingin mo ba hindi ko nakikita at nararamdaman iyon? Mahirap lang talagang turuan ang isang pusong itinatanggi pa rin at pilit na nagbubulagbulagan sa katotohanan.”

“Akala ko ba ay napag-usapan na natin ito. Akala ko ba malinaw sa ating dalawa kung saan tayo lulugar. Ayaw kong hadlangan ang kaligayan mo Jerome kaya kung kaya mong ibaling yang pagtingin na yan sa iba ay mas nararapat iyon. Gawin ito para sa sayo, para sa atin. Para hindi nagugulo at di masira ang ating pagkakaibigan. Ayaw kong nakikitang nasasaktan ka.”

“Susubukan ko.” Ang naging tugon ko pero di ko alam kung kaya kong panindigan ang mga katagang iyon.

Tumayo si Semuel sa kanyang kinauupuan at lumapit sa kamang hinihigaan ko. Tumabi sya sa akin at bigla na lamang hinawakan ang aking mukha. Ikinagulat ko ang kanyang ginawa at lalong kong kinagulat ang paglapat ng kanyang mga labi sa akin. Sandali akong naguluhan sa nangyari at nang ako ay mahimasmasan sa nangyayari ay patuloy pa rin si Semuel sa paghalik sa akin. Isang halik na puno ng nag-aalab na damdamin. Pero sa mga sandaling iyon ay parang naglaho ang aking pandama. Ang matagal ko nang iniisip na sandali ay nagaganap na pero yung pakiramdam na dapat puno ito ng ligaya ay kulang. Walang espesyal sa halik na iyon.

“Ano may naramdaman ka bang espesyal sa halik na iyon?”

“Wala.”

“Siguro naman malinaw na sayo ang lahat. Tingnan mo na lang ang naging reaksyon ng sarili mong katawan. Matalino ka naman Jerome eh, alam mo naman kung kanino mo dapat ibaling yang nararamdaman mo, natatakot ka lang. Hindi ko alam kung bakit may takot kang nadarama pero sana bigyan mo naman ng pagkakataon ang sarili mong lumigaya. Saka akala mo ba hindi namin napapansin na lumiliwananag yang mukha mo kapag nakikita mo si Nick at lihim kang napapangiti kapag naririnig mo ang pangalan nya.”

“Ha? Anong pinagsasabi mong napapangiti?” Pagkukunwari ko, hindi ko lang lubos maamin na tama nga ang mga sinasabi nya. Na kahit noong hinalikan nya ako ay ang mukha ni Nick ang pumapasok sa isipan ko. Hinahanap ko ang kakaibang sensasyong nakuha ko nung si Nick ang nagbigay sa akin ng halik. Wala akong naramdamang espesyal sa halik nya, wala ang pananabik at ang pagnanais na hagkan siya ng matagal.

“Sige doon muna ako sa baba at hahayaan muna kitang pag-isipan ang mga bagay-bagay pero sana pagbalik ko ay ayos ka na at alam mo na.”

“Dito ka na lang matulog.” Sabay tapik ko sa bakanteng espasyo sa tabi ko. 

Sa paglabas ni Semuel sa aking silid ay nagsimula ding tumakbo ang aking isipan. Muli nitong binalikan ang mga alaala na pinagsamahan namin ni Nick. Ang mga sandaling si Nick ang naging sandalan ko lalo noong pakiramdam ko ay iniwan na ako ng lahat. Noong akala ko ay hinuhusgahan ako ng mga tao. Siya ang naging tagapagtanggol ko sa mga tingin at bulung-bulungan ng mga tao. Siya ang nagsilbing taga-aliw ko sa mga panahong ako ay nangungulila at nalulungkot. Si Nick. Doon ko napagtanto ang halaga nya sa buhay ko. Doon ko naisip na malaking bahagi na ng buhay ko ay kasama ko siya. Siya ang laging nandyan sa aking tabi, hindi ako iniiwan. Noong ako ay nasa ospital ay lagi syang nakabantay. Laging handang umagapay sa akin. Lalong naging mabigat ang pakiramdam ko sa mga alaalang iyon. Parang nakaramdam ako ng hiya dahil sa naging tugon ko sa mga ginawa ni Nick para sa akin. Hindi ko man lang naisip ang kanyang damdamin. Ngayon na binabalikan ko ay natatawa ako dahil sa mga hirit ni Nick tungkol sa pagtingin nya para sa akin. Sa natuklasan kong iyon sa aking sarili ay gumaan ang aking pakiramdam. Ngayon alam ko na kung kanino ko dapat ituon ang aking pagmamahal at ngayon ay sigurado na ako. ‘Paano ko kaya sasabihin tong lahat kay Nick? Sayang nakaalis na kasi sya eh di sana nasabi ko na.’

Napakahimbing ng tulog ko ng gabing iyon. Tila sa tagal ng panahon ay noon ko lamang ulet naramdaman ang ganun ka payapang paghimbing. Nakatulong siguro ang pagkakaroon ng linaw sa tunay kong damdamin. Bukod pa iyon sa katawang kayakap ko. Pamilyar ang amoy na nagmumula rito. Parang may kung anong damdamin ang pinupukaw nito sa akin. Inalis ko ang kamay ko sa pagkakayakap dito at muli akong tumalikod sa kanya. Maya maya pa ay naramdaman ko namang siya na ang nakayakap sa akin. Sa higpit ng yakap ay hindi ko magawang bumangon at tingnan kung sino ang aking katabi. Hinayaan ko na lamang at muli pinilit ang sarili kong matulog sa bisig ng kung sino man ang nakayakap sa akin. Muli kong ninamnam ang sarap ng yakap at ang init na nagmumula sa katawan ng aking katabi. Sa mga haplos at yapos nya ay nadarama ko ang pagkabuo ng aking pagkatao. Muli sa aking pagpikit ay masaya ang aking kalooban. Nang magising ako ay nakayakap pa rin ang aking katabi sa akin at ako ay nakaunan sa kanyang braso. Ramdam ko ang init ng kanyang katawan at ang matigas na bagay na nadarama ko sa aking likuran. Dahil dito ay napakilos ako ay nagising ang aking katabi.

“Good morning, Love!” Bulalas nito sabay gawad ng isang halik sa aking batok. Sa halik na yun ay may kuryenteng dumaloy mula sa bahaging nadikitan ng kanyang labi papunta sa buo kong katawan. Pamilyar ang boses na iyon at para akong binuhusan ng malamig na tubig nang mapagtanto ko kung kanino ang boses na iyon. Mabilis ang naging tibok ng puso ko at napabuntong hininga ako. Nang lingunin ko ang pinanggalingan ng tinig ay nagulat ako sa taong nasa tabi ko.

“Nick?” Nagtataka kong tanong. Gusto pang itanong ng aking isipan kung bakit sya naroon pero wala akong ibang nagawa kung hindi ang titigan ang kanyang maamong mukha. May kislap sa kanyang bagong gising na mga mata. Hindi ko na napigilan ang sarili ko at kinurot ko sya sa pisngi.

“Ang sakit naman ng good morning na yan.” Pagkasabi nya nito ay bigla akong kinabig nito at sinabing huwag daw muna kaming bumangon. Hindi na ako tumanggi at muli ay ikinulong ko ang aking sarili sa kanyang mga bisig.

“Bangon na kayo! Tanghali na. Nakaalis na si Tito.” Pagising sa amin ni Semuel.

“Ten minutes.” Inaantok kong tugon.

Nang ako ay mahimasmasan ay yakap pa rin ako ni Nick. Dahan-dahan kong inalis ang kanyang kamay at bumangon na ako. Dumiretso ako sa banyo upang maghilamos at mag-toothrush. Pagbalik ko ay gising na din si Nick, lumapit ako dito at hinalikan ko sa pisngi.

“Good morning!”

“Sa pisngi lang?”

“Di ka pa nag-toothbrush…ew.” Sabay dila ko sa kanya. Tinungo ko ang kusina kung saan naroroon sina Mama at Semuel.

“Mukhang maganda ata ang gising natin ngayon ah.” Bungad ni Semuel.

“Ma, anong ulam?” Pag-iiba ko ng usapan.

“Meron pang bacon at hotdog dyan.”

“Nagkausap na kayo ni Nick?” Pagsingit ni Semuel.

“Hindi pa pero feeling ko ay okey na kami.”

“Halata nga, Asan na pala sya?”

“Naghihilamos lang, pababa na din siguro.” Pagkasabi nito ay umupo na din ako at nagsimulang kumain at hindi na hinintay ang pagdating ni Nick.

Umupo ito sa tabi ko at tulad ko ay nakangiti din ito. Inabot ko ang sinangag na kanin at ang ulam at hinayaan kong kumaha sya. Pagkatapos ay tahimik ulet akong kumain. Nang ako ay matapos ay niligpit ko ang aking pinagkainan at dumiretso ako sa sala. Nagbukas ng tv at iniwan ko sa kusina sina Mama, Semuel at si Nick. Maya maya pa ay nagpaalam na ang dalawa na uuwi daw muna.

“Oy Jerome alis na kami ha, kita na lang tayo mamaya.”

“May lakad ba tayo?” Nagtatakang kong tanong sa dalawa.

“Basta!” Maiksing sagot ni Nick.

“Ha?” Naguguluhan pa din ako at hindi ko alam kung ano ang tinutukoy nila.

“Basta dadaanan kita dito mamaya. Pinagpaalam na kita kay Tita.” Sagot ni Nick nang makita nitong naguguluhan pa din ako.

“Sya sige bahala ka. Salamat ha.”

“Wala man lang bang kiss?” Pang-aasar ni Semuel.

“Kiss ka dyan! Sige na umalis na nga kayo.”

“Bye Love!” Nakangiting paalam ni Nick na sinuklian ko lang ng isang matamis na ngiti.

Nang nakaalis na silang dalawa ay kami na lamang ni Mama ang naiwan sa bahay.

“Kumusta ka na Jerome?” Tanong sa akin ni Mama, na kinagulat ko.

“Po? Okey naman po, kayo po?”

“Mahal mo ba talaga sya anak?”

“Ho?” Nagulat ako sa tanong na iyon ni Mama, kung pwede lang maglaho sa mga sandaling iyon ay nagawa ko na. Ramdam ko ang pag-init ng aking pisngi habang iniisip ko ang pwedeng maging kasagutan sa tanong ni Mama.

“Mula nang bumaba ka kanina ay pansin ko ang aliwalas ng mukha mo. Di gaya dati na kahit tumatawa ka ay kitang-kita pa din ang lungkot na iyong dinadala.”

“Yung totoo Ma, may konting pag-aalangan pa din ako pero opo. Mahal ko na sya. Antagal ko ding pinag-isipan pero masaya ako kapag andyan siya. Pero natatakot pa din po ako minsan. May mga pagkakataong napapaisip pa rin ako kung tama ba ang ginagawa ko, ang desisyon ko.”

“Basta anak kung saan ka masaya. Saka tandaan mo laging andito lang kami ng Papa mo. Huwag kang matatakot na lumapit sa amin.”

“Opo. Ay sya nga pala ano po yung sinasabi ni Nick na pinagpaalam na daw nya ako sainyo?”

“Ah sabi nya ay lalabas daw kayo mamaya at baka dun ka daw sa kanila matulog. Pumayag na ako kasi bakasyon pa naman pero sa pasukan di na pwede ang ganyan ha.”

“Opo. Sige po Ma, doon muna ako sa kwarto.” Iniwan ko si Mama sa sala at tinungo ko ang aking silid. Naupo ako sa kama, kinuha ko ang aking journal at muli ibinuhos ko ang aking mga saloobin. Nang matapos kong punan ang aking journal ay muli akong nahiga sa aking kama, kumuha ng isang librong nabasa ko na at nilunod ang aking sarili sa mga pahina nito. Hindi ko namalayan ang takbo ng mga oras at nagulat na lamang ako nang tawagin na ako ni Mama para kumain ng tanghalian.

“Jerome, kumain ka na muna at mamaya mo na yan ituloy yang binabasa mo. Saka di ba natapos mo na yang basahin?” Pagpuna ni Mama nang makita nya ang librong binabasa ko.

“Eh paborito ko po ito eh. Sige po sunod na po ako. Anong ulam?”

“Adobong manok. Bilisan mo na habang mainit pa yung ulam.”

“Opo.”

Matapos naming kumain ay niligpit ko na ang aming pinagkainan. Naghanda na din ako para sa pagpunta ko kila Nick. Dahil wala naman akong ideya kung anong meron at biglang nagyaya si Nick ay nagahanda lang ako ng pambahay na damit. Pagkatapos ay nanuod na lang ako ng TV habang pinapalipas ang oras sa paghihintay sa pagdating ng aking kaligayahan.

-----

“Nakahanda ka na ba? Tara na!” Usal ni Nick habang inaanyayahan kong pumasok muna sa bahay.

“Nagmamadali? :Luluwas ka ba? Saglit lang kunin ko lang ang gam it ko saka magpapaalam lang ako kay Mama.”

“Sige samahan na kita.”

Hindi ko sya sinagot, tumungo na lamang ako kwarto ko at kinuha ang aking backpack. Pagkatapos ay tinungo ko ang kwarto nila Mama.

“Ma, andito na po si Nick, alis na po kami.”

“Sige Jerome, Nick ingat kayo ha.”

“Opo, iingatan ko talaga po si Jerome, mahal ko eh.” Walang kagatol-gatol na sagot ni Nick. Sa narinig ko ay nahiya ako bigla kay Mama pero sa kabilang banda ay natuwa din ako sa narinig ko. Di nya kinakahiyang sabihin sa ibang tao na mahal nya ako. Napangiti na lang ako at pilit na tinatago ang kilig na nadarama ko sa mga sandaling iyon.

“Nick!” Pagtawag ko kanya.

“Ha? Bakit?”

“Wala lang. Nick!”

“Bakit nga?”

“Wala lang.” Sabay tawa ko. “Nick!”

“Bakit nga?” Halatang pikon na sya sa tono ng kanyang pagsagot kaya naman nilingon ko syang muli. Nilapitan at biglang hinalikan sa pisngi.

“Love you!”

“Baliw!” Nakangiting tugon nito sa akin.

“Oy kinikilig.” Panunukso ko pa dito.

“Sino? Ako? Hindi ah.” Pero halata namang nag-uumpisa nang mamula ang mukha nito.

“Tara na nga, baka di pa tayo makaalis dahil sa sobrang kilig mo. Ma, alis na po kami.”

-----

“Saan ba talaga tayo pupunta?” Tanong ko kay Nick habang papalabas kami ng aming subdivision.

“Sa supermarket.” Mabilis na tugon nya.

“Ha? Bakit wala nang groceries sa bahay nyo?”

“Hindi naman, meron pa naman.”

“Oh eh bakit pa tayo pupunta sa supermarket?”

“Kasi bibili ako ng lulutuin ko.”

“Bakit ano bang lulutuin mo?”

“Di ko alam, ano bang gusto mo?”

“Ha, bakit ako?”

“Kasi ipagluluto kita at tayong dalawa ang kakakain.”

“Gusto ko yung masarap…hmmm ano kaya gusto ko kainin?”

“Oo nga, ano nga ba ang gusto mo?”

“Gusto ko ng pasta na red sauce at fried chicken, saka madaming chocolate cake.”

“Gutom ka?”

“Hindi naman, paborito ko kasi ang mga yun, at gusto ko kasama kita habang kinakain ko ang mga iyon.” Pagkasabi nito ay kinurot ko ang kanyang pisngi.

“Weh, ang corny mo naman.”

“Ewan ko sayo, sinasabi ko lang naman gusto ko. Eh kung di na lang kaya ako sumama at umuwi na lang ako.” Pagkukunyari kong na nagtatampo ako.

“Eto naman nagtatampo na agad.”

“Ewan.”

“Gusto mo na ba talagang umuwi?” Seryosong tanong nya sa akin. Sa pagkakarinig ko sa tono ng pananalita nya ay bigla akong kinabahan. Baka nagalit na din sya sa akin, eh nagbibiro lang naman ako.

“Ah eh…”

“Kasi kung mas gusto mo nang umuwi kaysa sa sumama sa akin ay hindi kita pipigilan. Kung ang pag-uwi ang mas magpapasaya sayo ay ihahatid na lang ulet kita. Akala ko lang kasi…” Hindi na tinuloy ni Nick ang kanyang sinasabi, yumuko na lamang ito at hinintay ang aking kasagutan.

“Kapag sinabi ko bang gusto ko nang umuwi, ay ihahatid mo talaga ako?”

“Hindi din, pipilitin pa din kitang sumama sa akin.” Nakangiting sagot nito.

“Yun naman pala eh, ano pang ginagawa natin dito. Tara na sa supermarket nang makapagluto ko na. Natatakam na ako sa pasta at chocolate cake.”

“Talaga? Sasama ka talaga?”

“Oo na nga. Kaya bilisan na natin.”

-----

“Matagal pa ba yan Nick? Gutom na ako. Ambango pa yang niluluto mo lalo akong nagugutom?”

“Saglit na lang malapit na ito. Kailangan lang na maging malapot ang sauce para masarap.”

“Patikim na, dali! Amoy pa lang masarap na!”

“Basta doon ka na lang muna sa sala manuod ka ng  TV tatawagin na lang kita kapag tapos na at kakain na tayo.”

“Sige na nga basta bilisan mo ha.” Pagkasabi nito ay pumunta ako sa sala nina Nick at nagbasa ng mga lumang magazine doon. Maya maya pa ay tinawag na ako ni Nick at nakahanda na daw ang lamesa.

Pagdating ko sa hapag kainan ay nakahain na nga ang pasta na niluto nya at yung chicken at chocolate cake. Lalo akong natakam sa nakita ko. Naglalaway at iniisip ko ang sarap ng lasa ng mga paborito kong mga pagkain.

“Dito ko na umupo Jerome.” Paanyaya sa akin Nick.

“Wow parang date lang. Sweet mo naman.”

“Syempre basta para sayo.”

“Tara na kain na tayo. Dito ka na lang sa tabi ko maupo.”

-----

Pagkatapos naming kumain at mailigpit ang aming pinagkainan ay naupo kami sa labas ng bahay nina Nick. Doon sa munting hardin nila naisipan naming tumambay.

“Salamat sa masarap na dinner.”

“Sus yun lang. Basta para sayo, gagawin ko.”

“Salamat.”

“Alam mo bang narinig ko yung usapan nyo ni Semuel kagabi?”

“Talaga? Kaya ka ba dun ka natulog sa tabi ko?”

“Hindi pinilit lang ako ni Semuel, dapat sa kwarto na ako ng Kuya mo matutulog pero makulit itong si Semuel at inunahan ako.”

“Bakit parang masama pa ang loob mo na nakatabi ako?”

“Hindi ah. Masaya nga ako at kasama kita.”

“Talaga?”

“Oo nga. Pero may tanong ako sayo.”

“Ano yun?”

“Sigurado ka ba?”


“Sigurado saan?”

“Dito. Sa sinasabi nito.” Sabay turo nya sa aking dibdib.

“Bakit ano ang gusto mong sinasabi nito?”

“Na mahal mo din ako. Mahal mo nga ba ako?”

“Matagal na. Naguguluhan lang ako dati. Natatakot aminin sa sarili ko na iba na ang tinitibok ng puso ko. Siguro ay masyado lang akong nakulong sa ideya na si Semuel ang gusto ko pero ikaw ang laging nasa tabi ko. Ikaw ang nakakasama ko kapag malungkot ako, ikaw din ang andyan kapag masaya ako. Basta kapag wala ka parang hindi din buo ang araw ko. Eh ako mahal mo ba?”

“Di mo ba nararamdaman? Lagi ko namang sinasabi di ba na mahal na mahal kita.”

“Nararamdaman ko naman, matagal na. Gusto ko lang marinig na sinasabi mo. I love you.”

“I love you din.” Pagkarinig ko nito ay sinandal ko ang aking ulo sa kanyang balikat at nagpakalunod ako sa ligaya na aking nararamdaman sa mga sandaling iyon. Naramdaman ko din ang pagkulong nya sa akin sa kanyang mga bisig.

“I love you.”

[may kasunod]

18 comments:

Anonymous said...

hi don... its me ronald.. hehehe ala me load eh.. bitin hehehe... per atleast mawala na ung pag-aalinlangan ni jerome sa feelings nia between samuel and nick.. ai... i'll pray for ur prayer request na ntnxt kahpon...

mack said...

galing tlga ng writer nito..
:)))
gusto kitang makilala

-mack

Pao said...

Nagupdate na rin! :) Grabe tagal kong inantay toh. Sana sunod-sunod na ang updates please...

Don B. said...

hi mack i would love to hear from you. send me an email (likhangmundo@gmail.com). I want to know your thoughts and comments about the story. Send me your contacts and i might just be your regular txtmate... :)

pao, im really sorry for the delayed update. im been busy lately with trips and other stuff hence i was not able to write the next installment. God knows that im trying my best to update the story as fast as i can but sometimes the mood is just not right or the creative juices are lacking hence im unable to produce something that i would love and my readers would love.

ronald, i just want to thank you for your inspiring words and i do hope and pray that my lola gets better. thanks again.


guys im currently working on chp 20 hope to post it before the week is over. (but im crossing my fingers) thanks again for continuously reading this story.

Anonymous said...

Repost from your blog (just hoping you'd read this):

Hi Mr Don,

Saw you story at PMS.
Thank you for making such a GREAT story, this one literally brought tears to my eyes. One of the few stories EVER that made me cry.

Here's hoping for more chapters/updates from you soon. Can't wait for more. :D


You just earned yourself a new fan. Haha

iamvinxe said...

wala na ba itong kasunod???? tagal kasi...naiinip na ako kakahintay sa kasunod nito....pls author update mo na to....pls lang po... salamat...

Anonymous said...

A very nice story.. I've shared this with a friend and he's so hooked up with this. Can't wait for the next chapter.

Anonymous said...

antagal naman ng kasunod. tss. :/

Rexcer said...

Nice story. Makes me feel the love. Hahah. Keep it up :))

Anonymous said...

bat ang tagal ng kasunod na istallment . . .ecited na ko malaman kng anu mngyayari kay jerome at kay nick.

Anonymous said...

kasunod po... this story is one of the best! sana po may kasunod na. galing! congrats!!!!!! relate na relate

Anonymous said...

sobrang galing mo naman Don B. lahat yata ng emotions ko ay gumana habang binabasa ko ito, sobra....sobrang galing...napaka ganda ng story na ginagawa mo, cant wait for chptr 20, sana mailabas mo na... thanks sa napakagandang story na ito

Anonymous said...

Update po pls...gusto ko na malaman ung kasunod...galing nyo po:)

Anonymous said...

Galing mo awtor

Anonymous said...

Marahil, marami napaluha @ napasaya ang storiang ito.....

Anonymous said...

thumbs up!!!

sAntino8bro said...

WAh...
nu ba yan!!!
Tgal ng updates... grr xD
Pero galing tlga ng author. Sna mameet ko sya at sna maging ka interesadong tao sya, para di nmn ako malungkot :D

ay uu nga pla. nag umpisa kasi ako sa episode 9 babasahin ko n lng muna ung mga nauna.


Add nyu nga pla ako sa FB..
asher_0606@yahoo.com

Ayaw ko po makipag usap sa jakol lng ang gusto..
...

Asher :"D

xheanne said...

nxt chapter pleasess..

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.