vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 13, 2011

Waiting for Tomorrow 9


Nagising akong wala na naman akong katabi. Bumangon ako at nagpunta sa banyo, sa kusina, sa sala pero wala na si Nick. Nakaramdam ako ng lungkot sa kanyang pagkawala. Muli nanariwa sa akin ang sakit ng iwanan ako ni Semuel. Napabuntong hininga ako at nagtungo na lang sa sala at nagbukas ng TV. Nahigang muli ako sa sofa at doon ko binalikan ang mga nangyari nung gabi. Ang matamis na mga labi ni Nick. Ang sarap ng pakiramdam na may taong handang gawin ang lahat para maging ok ako. Pero lahat ng masasayang alaala ay napapalitan ng lungkot kapag naiisip kong wala sya ngayon. Na naiwan na naman akong mag isa.


Habang abala ako sa pagmumuni-muni ay biglang narinig ko ang pagbukas ng gate namin. Nagtaka ako kung sino ang dumating. Bumangon ako sa sofa at sumilip ako sa bintana. Napalundag ang puso ko sa aking nakita. Lahat ng mga iniisip kong lungkot ay biglang nawaglit at muli nadama ko ang saya sa aking puso.


“Saan ka galing Nick?”


“Namalengke, di ba sabi ko ipagluluto kita.”


“Huwag ka nang mag-abala, kumain na lang tayo dyan sa labas.”


"Eh sayang naman nitong pinamalengke ko, maghanda ka na lang at magluluto lang ako saglit."


Mabilis na nagluto si Nick ng almusal na aming pinagsaluhan at sabay na kaming bumalik doon sa memorial chapel.


“Maraming salamat Nick at pasensya ka na at naabala pa kita.”


“Nako sabi ko naman sayo na andito ako lagi, hindi mo na kailangang magsabi, nararamdaman ko. Alam kong hindi pa rin kayo nagkakaayos ni Semuel.”


“Salamat talaga at andyan ka. Di ko siguro alam ang gagawin ko kapag pati ikaw nawala din sa akin. Salamat at naging kaibigan kita.” Pagkarinig nito ay tila nagbago ang mukha ni Nick.


“Ah sige Jerome uuwi muna ako. Balik na lang ako dito mamaya.” Mahinang pagpapaalam ni Nick, bakas ang lungkot sa kanyang mga mukha.


Bumalik ako sa loob ng chapel pagkaalis ni Nick. Doon sa pinakaharap na upuan ako naupo at pinagmamasdan ko lang ang ataol ni Kuya. Hindi ko napigilan ang pagbagsak ng aking luha habang bumabalik sa aking alaala ang mga sinabi ni Kuya sa ospital pati na ang nalaman ko mula kay Kuya Gilbert.


Nagising ako sa aking pag-iisip nang biglang tabihan ako ni Karen.


"Ayos ka lang ba Jerome?" Tanong nito.


"Ok lang siguro, minsan hindi pa rin matanggap ng isipan ko na wala na talaga siya."


"Alam kong nasa mabuting kalagayan na siya, saka isipin mo ang iyong sarili, baka naman mapabayaan mo na ito."


"Hindi naman, kakayanin ko ito, para kay Kuya ay magiging okey ako."


"Bakit nauna ka na dito Karen, di ba usapan natin sabay tayo?" Ang bungad sa amin ni Lynn nang makalapit ito sa kinauupuan namin.


"Sorry Lynn, nabagot kasi ako maghintay saka nagtext ako sayo, sabi ko sunod ka na lang at napaaga ata ako. Sorry friend."


"Ayos lang yun, ang mahalaga ay nandito tayo para sa ating kaibigan."


"Siya nga pala Jerome, nagkita ba kayo ni Semuel, sabi nya sa akin pupunta sya dito kagabi."


"Talaga? Di ko alam eh, wala ako dito kagabi, pinauwi ako ni Nick at pinagpahinga."


"Oy Jerome, ano ba ang meron sa inyo ni Nick? Lagi kayong magkasama."


"Hindi ko alam, magkaibigan? Ewan ko, huwag ka nang mang-intriga dyan, gagawa ka pa ng issue."


"Woo! Magkaibigan eh kung kumilos kayo ay parang magsyota kayo."


"Hindi naman, maalaga lang talaga yung si Nick kasi alam nya na wala si Semuel para umalalay sa akin."


"Ah okey sige kung yan ang sabi mo."


Natahimik muli kaming tatlo at tila may kanya kanyang iniisip.


Hindi din nagtagal sina Lynn at Karen at may kanya kanya silang mga lakad. Naiwan ako sa chapel at naging palaisipan sa akin ang mga sinabi sa akin ng aking mga kaibigan.


‘Ano kaya ang dahilan ng pagpunta ni Semuel? Hindi na kaya sya galit sa akin? Sana nakausap ko sya. Tanggap na kaya nya ang aking pagkatao? Saka ano ba ang meron sa amin ni Nick? Ganun na ba kahalata ang aming pagiging malapit at napagkakamalan na kaming magkasintahan? Naguguluhan ako, hindi ko alam kung nahuhulog na ako kay Nick o baka naman ginagamit ko lang sya para mapagtakpan ang lungkot at pangungulila ko kay Semuel. Kasi aaminin ko, nasa puso ko pa rin siya.’


Dumating ang araw ng pagbyahe namin sa mga labi ni Kuya pauwi ng Bicol. Naging abala ang lahat nang dumating ang funeral service na magdadala kay Kuya. Napakiusapan ni Papa si Ninong Jun na ipagdrive kami pauwi at hindi na daw nya kaya dahil ilang araw na din syang puyat. Noong papaalis na ang aming sasakyan ay nakita kong papadating si Semuel at nang makita nya ang mga sasakyan na papaalis sa parking lot ng memorial chapel ay nagmamadali itong tumakbo papalapit pero nahuli na sya. Kita ko sa kanyang mukha ang pagkadismaya at parang may lungkot na naman sa kanyang mga mata. Muli nagbalik sa aking alaala ang mga sandaling una ko syang nakita. Nanaig na naman sa akin ang damdaming gustong alisin ang lungkot na iyon. Naging tahimik ako sa likuran ng sasakyan katabi si Mama at sina Papa at Ninong Jun naman ay nag-uusap sa harapan. Binalewala ko lang ang kanilang usapan pero nakuha ang interes ko nang pakiramdam ko ay ako ang kanilang pinag-uusapan.


“Oy pare totoo ba yung naririnig ko na itong si Jerome ay bakla?”


“Saan mo narinig yan?” May galit sa tono ni Papa.


“Huwag kang magagalit pare, naiintindihan ko yang pinagdadaanan mo, alam ko kung ano ang pakiramdam.” Mahinahon na sagot ni Ninong Jun.


“Ha?” Nagtatakang sagot ni Papa.


“Alam mo kasi yung anak kung si Reggie ay umaming ganun nga siya. Syempre noong una ay nagalit ako at nabugbog ko sya ng sobra. Pilit kong pinagbabago pero kahit anong gawin ko ay hindi talaga sya nagbago. May isang pagkakataon na muntik ko nga syang mapatay, buti na lang at napigilan ako ng asawa ko. Matapos nung pagkakataong yun ay napaisip ako, ano nga ba ang masama sa pagiging bakla nya? Ano ba ang mali nila at agad silang hinuhusagahan? Doon ko napagtanto na mali ang ginagawa ko, na walang masama sa pagiging bakla ng aking anak. At dahil yun ang pagkatao nya ay tinanggap ko ito dahil pagbilibaliktarin ko man ang mundo, ay anak ko pa rin sya.” Pagpapaliwanag ni Ninong Jun.


“Alam ko naman yun pare kaya lang hindi ko lang talaga matanggap eh…hayaan mo muna ako pare, basta tama na. Huwag na natin itong pag usapan.” Pagputol ni Papa sa kanilang usapan.


“Sige pare, basta tandaan mo ang sinabi ko, huwag mong hayaan umabot sa punto na pagsisihan mo ang maaari mong magawa saka baka hindi lang isang anak ang mawala sayo.”


Nagpatuloy kami sa paglalakbay at naging tahimik kami. Dumaan muna kami sa isang fastfood para kumain. Sabi ni Ninong Jun ay iorder na lang muna kami at kakausapin nya lang ako.


“Oh kumusta ka na Jerome?”


“Ayus lang po Ninong.”


“Alam kong narinig mo yung usapan namin ng Papa mo, kung may problema ka punta ka lang sa amin, handa kaming tumulong sayo. Alam kong mahirap ang pinagdadaanan mo.”


“Salamat po ninong.”


Tara na sa loob at nang makakain na tayo.”


Matapos kaming kumain ay nagpatuloy na kami sa byahe. Tahimik lang ako sa likod ng sasakyan pinilit kong kinakalimutan ang mga nangyayari sa amin. Nakatitig ako sa bintana ng sasakyan na walang tiyak na pinagmamasdan.

Dumating kami ng Bicol at sinalubong kami nila Lola at Lolo at Tonton bakas sa kanilang mga mukha ang lungkot at pangungulila, hindi na sila pinapunta pa nila Mama at Papa sa Manila kasi walang maiiwan sa bukid at isa pa ay nakaplano na naman talagang sa Bicol ang libing ni Kuya.


Abala ang mga taga-funeral homes na ayusin ang lugar kung saan paglalamayan si Kuya. Maraming tao ang dumating at nakiramay, mga kapitbahay at mga kamag-anak. May mga kaklase din sila Mama at Papa na dumating kaya naging isang biglaang class reunion ang naganap. Nagkumustahan at nakibalita sa isa’t isa. Pinagmamasdan ko lang ang mga taong nakikiramay sa amin.


“Ernest ikaw na ba yan? Condolence ha, ngayon ko lang nabalitaan ang nangyari.” Bungad ng isang bagong dating na babae.


“Salamat. Julie? Ikaw ba yan? Kumusta ka na?” Ang sagot ni Papa nang makilala ang babae.


“Kakauwi ko lang galing sa Canada, nagbakasyon lang saglit at pinuntahan ko na din ang anak kong si Marc.”


“Kumusta na nga pala yung inaanak ko na yun? Antagal ko nang hindi nakikita yun.”


“Malaki na sya, nasa high school na din. Marami ka nang utang na pamasko sa kanya. Kailan nga ba tayo huling nagkita?


“Mula noong lumipat kami ng Manila, siguro mga dalawang taon na si Jerome, yung bunso ko, nang huli tayong magkita.”


“Andito nga sya saglit lang at ipapakilala kita.” Umalis ang babaeng kausap ni Papa at nang bumalik ito ay nagulat ako sa kasama nito.


“Marc, siya ang Ninong Ernest mo.” Pagpapakilala nito sa kasamang binata.


“Mano po.” Sabay abot nito ang kamay ni Papa


Aba at ang laki mo na pala talaga. Kumusta ka na? Balita ko ay nasa high school ka na?” Pangungumusta


“Opo, magsesecond year ngayong pasukan.” Sagot nito.


“Ah kasabay mo lang pala yung si Jerome?”


“Sino po si Jerome?”


“Saglit lang at ipapakilala kita. Jerome halika nga dito.” Pagtawag sa akin ni Papa


“Bakit po?”


“Marc ito si Jerome, Jerome ito si Marc, kinakapatid mo.”  Pagkasabi nito ay muling nakipag-usap si Papa sa mga kaklase niya.


Nagkamay kami ni Marc nang kami ay ipinakilala sa isa’t isa. Noong maglapat ang aming mga palad ay nakadama ako ng konting hiya at kaba. Kasi naman, yung taong matagal ko nang gustong makilala ay kasama ko na ngayon. Ewan ko ba pero nang mga sandaling iyon ay parang di ako makapagsalita, dahil na din siguro sa kaba. Dahil sa medyo matagal din akong naging tahimik ay nauna nang nagsalita si Marc.


“Condolence.”


“Salamat.”


“Parang pamilyar yung mukha mo, parang nakita na kita dati.” Wika ni Marc.


“Baka noong summer last year, sumama kami ni Kuya doon sa outing nyo sa beach matapos ang Holy Week.”


“Ay oo nga, dun nga kita nakita.” Nagulat ako sa sinabi nyang iyon kasi naalala nya pala ako.


Niyaya ko si Marc na umupo at nagpatuloy kami sa aming pagkukwentuhan. Muli naming binalikan ang outing na nagkasama kami.Napakagaan ng loob ko kay Marc, hindi ko alam kung bakit ganun ang nararamdaman ko pero di ko na lang pinansin kasi masyado akong nag-eenjoy akong kasama sya. Tila ba nawala saglit sa isip ko ang lungkot at napalitan ito saya dahil sa nakilala ko na at naging malapit ako kay Marc.


Mahaba ang naging usapan namin ni Marc. Hindi namin namalayan ang pagtakbo ng oras. Napag-usapan namin ang mga bagay bagay mula sa mga favorite naming high school subject pati na din ang mga pinakaayaw namin. Ang mga computer games na aming nilalaro at pati na din ang mga sports na nilalaro nya. Nasabi ko din sa kanya na nakita ko sya dun sa National Jamboree sa Los Baños. Pati ang mga ginagawa namin ng mga barkada ko at pati na din mga trip naming gawin ni Kuya noong nabubuhay pa ito.


“Anak di ka pa ba uuwi?” Pagsabat ng nanay ni Marc sa aming usapan.


“Ma, pwedeng dito muna ako, sasamahan ko lang itong si Jerome.” Pagpapaalam nito.


“Oh sige dito ka muna, mukhang magkaibigan na kayo nitong kinakapatid mo.”


“Salamat po Ma.”


“Mabuti pumayag ang Mama mo kung hindi malulungkot sana ako. Nag-eennjoy kasi akong kausap ka.”


“Oo nga.”


Umuwi din si Marc noong medyo maghahating gabi na. Ayaw pa nito noong una pero nagpumilit ako, halatang inaantok na kasi ito at panay ang hikab. Sabi ko pwede pa naman syang bumalik kinabukasan. Pagkaalis ni Marc ay nagpa-alam na din ako at natulog.


Huling araw ng lamay ni Kuya. Lahat kami ay abala. May mga dumating na mga kakilala si Lola na galing sa simbahan at kaming lahat ay nagdasal. Walang tigil ang pagdating ng mga tao. Halos mapuno ang bahay sa mga taong nakikiramay. Nagulat ako sa aking nasaksihan. Talagang iba dito sa probinsya, halos lahat ng tao gustong makiramay. Sa labas ng bahay ay marami ang nagsusugal, nag-iinuman. Hindi ko na lang pinansin at muli akong bumalik sa loob. Pinuntahan ko ang ataol ay sinilip ko si Kuya. Maamo ang mukha ni Kuya, hinaplos ko ang salamat habang patuloy sa pagpatak ang aking mga luha. Sa sandaling iyon ay binnuhos ko lahat ng akinng nararamdaman. Lahat ng aking pangamba ay binulong ko kay Kuya.


“Andaya mo naman Kuya, iniwan mo ako. Salamat sa lahat. Alam ko minsan di tayo nagkakasundo pero alam mo naman na mahal na mahal kita. Wala na akong hihilingin pang ibang Kuya kundi ikaw lang. Di mo pala sa akin kinuwento si Kuya Gilbert ha. Ikaw talaga hanggang sa huli malihim ka pa din. Basta salamat Kuya at sana lagi mo akong gabayan. Ngayon nga nalilito ako sa aking nararamdaman. Napapalapit ako masyado kay Nick pero ayaw pa ring mawala ni Semuel sa isipan ko. Lagi ko pa rin syan iniisip. Tulungam mo naman ako Kuya na magdesisyon. Saka sana maging ok na kami ni Papa. Alam mo ba Kuya nung bago ka dumating muntik na akong mabugbog ni Papa, buti na lang at iniwat sya ni Mama. Natatakot ako na baka kapag bumalik na kami sa Manila ay sasaktan na naman nya ako. Ano ang mali ko Kuya? Ito ako, hindi ko ito ginusto, hindi ko to pinili sadyang ito na talaga ako. Natatakot tuloy ako, kasi kung si Papa na kadugo ko ay ganyan na ang reaksyon paano pa kaya yung mga di ko kakilala, alam ko na medyo bukas na ang mga tao ngayon sa ideya ng pagiging bakla pero malayo pa bago nila matanggap ito. Sana Kuya makaya ko, sana Kuya malagpasan ko.”


Matapos kong ibulong kay Kuya lahat ng saloobin ko ay biglang gumaan ang pakiramdam ko. Alam ko na meron taong gagabay sa akin at laging andyan si Kuya para ako ay bantayan.


Kinabukasan, inihanda ko ang aking sarili. Alam kong ito na ang huling sandali na makikita ko ang mga labi ni Kuya. Naging automatic ang aking pag-iyak tuwing maiisip ko ito.


Ala una ng hapon ang nakaschedule na libing ni Kuya, muli dumagsa ang mga taong makikipaglibing. Dumating din si Marc at si Tita Julie.


“Oi pumunta ka.” Bungad k okay Marc.


“Syempre naman, alam ko namang kailangan mo ng karamay ngayon.”


“Salamat ha.”


Naging puno ng iyakan ang libing ni Kuya, ako, si Mama at Papa, sina Lola at Lolo at si Tonton ay panay nagpupunas ng aming mga luha ng ipasok na sa nitso ang ataol ni Kuya. Kahit anong pigil ko sa aking pag-iyak ay di ko magawa. Talagang gustong kumawala ng aking lungkot at pangungulila nang mga sandaling iyon. Naramdaman ko na lang na may kamay na humihimas sa aking likod habang ako ay patuloy sa pag-iyak. Paglingon ko ay nakita kong si Marc pala iyon at noong makita nyang nakatitig ako sa kanya ay ngumiti ito sa akin.


Nanatili kami ng ilang minuto sa sementeryo habang unti-unting nagsisisalisan ang mga taong nakipaglibing. Matapos naming makita ang pagsara ng nitso ni Kuya at matapos kaming magsindi ng ilang kandila sa kanyang pontod ay umuwi na din kami. Tahimik ang naging paglalakbay namin pauwi sa bahay. Bawat isa sa amin ay nag-iisip sa mga pagbabago na aming hinaharap, ang kinabukasang wala na si Kuya Jomar. Pagkadating ko sa bahay ay agad akong dumiretso sa kwarto. Pagkapasok ko ay muli kong naalala ang mga sandaling magkasama kami ni Kuya sa kwartong iyon na parang kahapon lamang ang mga alaalang iyon. Hindi ko nakayanan ang lungkot kaya napilitan din akong lumabas.


“Mabuti at bumaba ka, ipapatawag na sana kay Tonton.” Bungad ni Marc sa akin nung makitang papalabas ako ng bahay.


“Ha? Talagang hinihintay mo ako?”


“Wala naisip ko lang na baka bored ka dito sa inyo.”


“Bakit kung sabihin ko sayong bored nga ako may maisa-suggest ka bang magagawa natin?” pagsusungit ko kay Marc.


“Yayain sana kitang pumunta sa batis o kaya naman mag-ikot sa plaza.”


“Sige saglit lang magpapalit lang ako at magpapaalam na din. Siya nga pala kumain ka muna may nakahanda atang meryenda dyan.” Alok ko kay Marc.


“Tapos na. Bilisan mo na lang.”


Matapos kong makapagbihis ay umalis na kami ni Marc. Sinabi sa akin ni Marc na hindi rin daw nya alam kung saan kami pupunta ang gusto lang nya ay makasama ako dahil nag-eenjoy sya sa aming usapan. Hindi na din ako tumanggi pa nang nalaman ko ito kasi ako may ay natutuwa din. Pansamantalang nawawala sa aking damdamin ang lungkot. Nagkwentuhan kami ni Marc tungkol sa kahit anong bagay na maisip namin. Parehas kaming may opinyon sa mga bagay-bagay at minsan pa nga ay hindi kami magkasundo. Kapag dumadating sa ganung punto ay mag-iiba ng pinag-uusapan ang isa sa amin para lang mapigilan ang aming mga sarili na baka may masabi pa kaming masama sa isa’t isa. Nagpatuloy kami sa aming usapan at patuloy din sa pag-iikot sa bayan. Napuntahan na namin ang plaza at ang simbahan. Patuloy lang kami sa paglalakad nang marating namin ang batis na pinupuntahan namin dati. Tinungo namin ang isang maliit na kubo sa tabi ng ilog at doon naupo.


“Hala, nakarating na tayo dito, di ko man lang napansin ang mga dinaanan natin.”


“Ako nga din Jerome, di ko namalayang papunta na pala tayo dito. Mabuti na din kasi medyo pagod na din ako.”


“Ako nga rin eh.”


Naging tahimik kaming dalawa sa mga sumunod na mga minuto. Ang maikling katahimikang iyon ang muli nagpaalala sa akin ng mga nangyayari sa aking buhay. Hindi ko tuloy napigilan ang sarili ko na magkwento kay Marc.


“Ang hirap pala kapag iniwan ka ng taong akala mo laging andyan. Parang pakiramdam ko mag-isa ako at nawawalan na din ako ng dahilan para lumaban at mabuhay. Pakiwari ko ay talunan ako  at wala akong magawa para lumaban.”


“Ang lalim naman nun, basta tandaan mo na kung nasaan man sila ngayon ay masaya sila.”


“Pero nasasaktan at nahihirapan ako.”


“Kaya mo yan, hindi lang naman ikaw ang nahihirapan, hindi lang ikaw ang nasasaktan. Isipin mo kahit ganyan ang nangyari sa iyo, sa inyo ay may mga tao pa ring handang tumulong at makiramay sainyo.”


“Tama ka mabuti nga na may mga taong tulad nyo na nagpapagaan ng dinadaramdam namin.”


Muli naging tahimik kami pero ako din ang unang nagsalita.


“Hindi lang naman yung pagkawala ni Kuya ang gumugulo sa isip ko eh, marami pang iba, hindi ko alam kung sino ba ang mas matimbang kay Nick or Semuel, nalilito ako.” Pagkasabi ko nito ay natakot ako, di ko alam kung paano tatanggapin ni Marc ang pagtatapat kong iyun. Kahit na nadulas lang ako ay alam kong naitindihan at napaisip din sya sa aking sinabi. Hindi na din ako nagsalita, hinihintay ko na lang ang magiging sagot ni Marc sa aking pagtatapat.


“Alam mo Jerome hindi ko din alam kung sino ang dapat mong piliin, hindi ko din naman kilala ang mga nabanggit mong mga tao pero siguro isipin mo na lang kung kanino mas  magaan ang loob mo, kung kanino ka masaya kapag nakakasama mo.”


“Mahirap eh, kasi nung sabihin ko kay Semuel na parang nahuhulog na ako as kanya ay bigla akong nilayuan nito. Parang nandiri siya sa akin. Tapos nung mga panahon ding iyon ay naging malapit kami ni Nick pero bago kami umuwi ay nalaman kong pumunta pala si Semuel sa lamay ni Kuya noong gabing wala ako dun. Hindi ko lang alam ang iisipin ko. Hindi ko alam kung saan ilulugar ang nararamdaman ko. Kasi ngayon parang nahuhulog na din ako kay Nick pero iniisip ko na baka naman nagiging panakip-butas ko lang si Nick para damdamin ko kay Semuel.”


“Hindi ko alam Jerome, magulo nga ang sitwasyon pero ang maipapayo ko lang sayo ay kausapin mo si Semuel, kasi parang wala ka pang closure sa kanya.”


“Salamat Marc, mabuti at may nakausap ako tungkol dito, si Kuya lang kasi ang napagsasabihan ko ng ganito dati.”


“Oy tara na uwi na tayo Jerome mag-gagabi na, baka hinahanap ka na nila sa inyo.”


“Ay oo nga, tara na.”


[may kasunod]

8 comments:

Anonymous said...

aww nice next story please. . .

aqua16 said...

nakakabitng naman, more update pleaseee

Anonymous said...

next installment pleeeeeaaaasssseeee...

Anonymous said...

Ang gnda ng kwento!! naiiyak ako at nkakarelate.. dugtungan nio pa..

Lewis said...

NapakaGANDA ng Story mo. It's worth reading. Nakaka-iyak siya. Keep Updated. :)

Anonymous said...

sana madugtungan na tong story na to... Ganda pa naman.... :)

wel said...

saan na po yung kasunod

Anonymous said...

Yung kasunod? The story is beautiful. Keep it up!

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.