vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 6, 2011

Waiting for Tomorrow 6

Nagising akong mabigat ang aking nadarama. Sa pagkakataong yun ay parang pinagbagsakan ako ng langit. Nalilito na nga ako sa aking nararamdaman ay nadagdagan pa ng di namin pagkakaunawaan ni Kuya Jomar. Natatakot akong magsabi kina Mama at Papa dahil hindi ko alam kung ano ang magiging pagtanggap nila kapag nalaman nila na ako ay isang bakla. Baka itakwil pa nila ako. Napaisip tuloy ako, baka sabihin ni Kuya sa kanila ang aking pinagtapat sa kanya. Lalo akong nanlumo dahil sa ideyang yun.


Habang kumakain kami ng almusal ay ramdam ko ang pader sa pagitan namin ni Kuya. Ang dating masayang usapan namin tuwing nasa hapagkainan ay napalitan na ng isang katahimikang kahit isa sa amin ay ayaw basagin. Hindi ko alam ang tumatakbo sa kanyang isipan pero ako ay puno ng kaba, bawat kilos nya ay pinagmamasdan ko, natatakot akong baka madulas sya at may masabi kina Mama at Papa. 


Ngayon ang nakatakdang paghatid namin kay Kuya sa Laguna, alam kong matagal bago ulet kami magkita kasi sabi nya baka bihira sya umuwi pero may pag-aalinlangan pa din ako kung kakausapin ko sya at lilinawin ang mga nangyari sa amin kagabi.

‘Hahayaan mo bang makaalis sya nang hindi man lang kayo nagkakausap?’  Bulong ng isip ko. Alam ko na dapat ngayon pa lang ay maayos ko na ito pero di ko talaga alam kung paano at kung may pagkakataon pa kaming makapag usap, para kasing iniiwasan din ako ni Kuya.

“Oh Jomar, eto na ba lahat ng mga gamit mo? Check mo at baka may maiwanan ka pa dito.” Pagtatanong ni Papa.

Opo Pa, yan po lahat. Tiningnan ko na yan kagabi.” Sagot ni Kuya Jomar.

“Pa, pwede bang hindi na lang ako sumama sa paghatid kay Kuya?” Pagbabakasakali kong tanong. 


Kitang-kita ko sa mukha ni Kuya ang pagkabigla sa sinabi ko at parang sumimangot ito. Dahil sa aking nasaksihan ay hindi ko alam kung kakayanin ko bang makatabi si Kuya sa mahabang byahe papuntang Laguna. Para kasing galit pa din ito dahil sa nangyari sa amin kagabi.

“Hindi! Sama-sama tayong maghahatid sa Kuya mo. Dati naman ay excited ka lagi kapag may lakad tayong lahat ah. Bakit ngayon parang nag-aalangan ka na? May problema ba Jerome?”

“Ah eh wala naman po Pa, baka lang kasi mabagot ako dun. Eh hindi naman ako makakatulong sa pagbubuhat. Pero sige na nga po, sama na ako.” Pilit akong ngumiti at nagpakita ng excitement pero sa mga sandaling iyon ay iniisip ko na ang dadalhin kong libro para magbabasa na lang ako sa byahe para may dahilan ako para hindi kausapin si Kuya.

Medyo tanghali na kami nakaalis at dahil nasa daan pa kami ay napilitang dumeretso muna kami sa Rose and Grace Restaurant. Umorder si Papa ng bulalo, crispy tawilis, at piniritong lumpiang gulay. Bagamat gutom ako ay parang wala akong ganang kumain sapagkat iniisip ko pa din ang aming tampuhan ni Kuya.

“Oh Jerome, bakit di ka kumakain? Ayan andami pang tawilis, di ba paborito mo yan?” Napansin pala ni Mama na wala akong gana kaya naman siya na mismo ang naglagay ng tawilis sa aking plato.

Di ko sinagot si Mama pero nagsimula na din akong kumain, hinayaan ko na lang si Kuya na panay ang tingin sa akin. At kapag nagkakasalubong ang aming mga mata ay agad akong umiiwas, nahihiya kasi ako sa mga nangyayari pati baka pinandidirihan na ako ni Kuya dahil sa pagiging bakla ko.

Matapos naming kumain ay nagpatuloy kami sa paglalakbay. Mga isang oras din kaming nasa kalsada at sa loob ng isang oras na yun ay hindi ko man lang kinibo si Kuya. Minsan sinasagot ko ang mga tanong nila Mama at Papa subalit kapag si Kuya na ang nagtatanong ay nagkukunwari akong nagbabasa ng aking dalang libro.

Nang marating namin ang magiging apartment ni Kuya ay tumulong ako magbuhat ng kanyang mga gamit. Nang maipasok na namin lahat ay tinulungan ni Mama na ayusin ni Kuya ang kanyang mga gamit. Nang maayos na nila ay nagulat ako nang ilabas ni Kuya ang isang maliit na picture frame, nakalagay sa loob ang picture namin nila Mama at Papa pati na din yung picture naming magkadikit ang aming mga ilong na kinuhanan sa isang photo booth sa mall. Nung nakita ko ang larawang yun ay di ko napigilan ang sarili kong balikan ang mga masasayang alaala namin ni Kuya. Ang kanyang pag-aalaga sa akin. Ang laging pagtulong nya sa akin. Pilit kong pinigil ang pagtulo ng aking mga luha ngunit isang patak ang malayang dumaloy mula sa kanang mata ko na agad ko naman pinunasan para hindi nila makita. Nagpalusot na lang ako na may kukunin ako sa sasakyan at lumabas ako ng kwarto ni Kuya at doon hindi ko na napigilan ang aking sarili na mapaluha.

Makalipas ang ilang sandali ay pinunasan ko ang aking mga mata at inayos ang sarili. Pagpasok ko sa kwarto ay nag-uusap si Kuya at Papa habang si Mama nakikinig lang habang nakaupo sa kama ni Kuya.

“Mag iingat ka lagi dito anak. Huwag mong pababayaan ang sarili mo.” Bilin ni Papa.

“Opo.”

“Saka huwag kang makakalimot na laging magtext o tumawag. At higit sa lahat iwasan ang pakikipagbarkada. Saka mag-aral nang mabuti. Oh Ma, ikaw may sasabihin ka pa kay Jomar?” Sabay lingon kay Mama.

“Ah wala na nasabi mo na.  Basta alagaan mo ang sarili mo at huwag kang magpapagutom.” Dugtong ni Mama.

“O sige Jomar, mauna na kami. Ingat ka dito.”

Matapos nito ay niyakap ni Kuya Jomar sina Mama at Papa. Nauna nang umalis sina Mama at Papa at ako na lamang at si Kuya ang naiwan sa kwarto. Tahimik kami pareho pero muli siya ang naunang nagsalita.

“Mag iingat ka lagi at huwag mong pababayaan si Mama.” Walang kaimo-emosyong sabi ni Kuya. Nanlamig ang buong katawan ko sa aking narinig. Ramdam ko kung gaano kalamig ang pagtrato sa akin ni Kuya. Wala na nga ang dati kong Kuyang walang ibang inisip kundi ang aking kapakanan.

“Sige Kuya ingat ka din dito.” Ito na lamang ang aking nasabi habang pinipigil ko ang muling pagtulo ng aking mga luha.

Isang tapik ang naramdaman ko bago ako umalis sa kwarto nya. Hindi ko na masyadong naintindihan ang huling mga salita ni Kuya sapagkat nabalot na ako ng sobrang lungkot at wala na ako sa sariling naglakad pabalik ng sasakyan, umiiyak.

“Ingat ka lagi Jerome, Sorry…”

Pagkabalik ko sa sasakyan ay nagulat sina Mama at Papa nang nakita nila akong umiiyak.

“Huwag ka nang malunlgkot susubukan nating laging dalawin ang Kuya mo dito.” Ang pag-alo sa akin ni Papa.

‘Kung alam mo lang Pa ang tunay na dahilan ng mga luhang ito, tiyak hindi mo na ako hahayaang pumunta dito.’ Ito ang tanging nasabi ko sa sarili ko pero sinagot ko na lamang si Papa ng isang tango at isang ngiti.

Nakatitig lang ako labas ng bintana ng sasakyan, hindi ko na pinapansin kong ano pa ang aking nakikita. Paulit-ulit kong naaalala ang mga nangyari simula kagabi na parang isang pelikula na hindi matapos tapos. Naiisip ko ang aking pagkatao, ang aksidenteng paglapat ng aming mga labi ni Kuya, ang lungkot na dala ng aking pagkahulog ng loob kay Semuel at higit sa lahat at pagbabawela na sa akin ni Kuya, ang nag iisa kong kakampi ay wala na. Muling pumatak ang luha sa aking mga mata. Hindi ko napansin na panay pala ang tingin sa rearview mirror nila Mama at Papa at hinahayaan lang ako sa aking pagmumuni-muni.

Pagkadating namin sa bahay ay nagpaalam ako na doon muna ako sa kwarto ko at magpapahinga na ako. Pagkaakyat ko ay sinara ko ung pinto at nahiga sa kama. Narinig ko na lamang na may kumakatok sa akin pinto at tinatawag ang aking pangalan.

“Jerome! Anak, pwede ba akong pumasok?” Pagtatanong ni Mama.

“Saglit lang po Ma.” Bumangon ako sa aking pagkakahiga at binuksan ko ang pinto.

“May problema ka ba anak? Kanina ka pa mukhang malungkot sa sasakyan.”

“Wala naman po Ma, naisip ko lang na magkalayo na kami ni Kuya.”

“Ang Kuya mo lang ba talaga o meron pang iba?”

“Wala na po Ma, saka kung meron man lalapit po ako sainyo. Ngayon po kailangan ko lang po muna mapag-isa at para makapag isip.”

“Sige anak, hahayaan muna kita basta lagi mong tatandaan na andito lang ako para sayo. Saka kahit hindi mo sabihin nararamdaman ko naman.” Pagkasabi nito ay umalis na din si Mama at naiwan akong nakatayo at iniisip ang mga salitang binitiwan ni Mama.

Bumalik ako sa aking kama at nahigang muli. Hindi ko na namalayan na nakatulog na pala ako.

-----

Nagising ako kinabukasan na dala dala pa din ang bigat ng hindi naman pagkakaintindihan ni Kuya. Hindi ko alam kung sino pa ang aking pupuntahan, ayaw ko namang abalahin pa sina Nick. Para kasing kahit naiintindihan nila ang pinagdadaanan ko ay nahihiya pa din ako sa kanila.

Nagpaalam ako kina Mama na pupunta lang ako sa mall. Balak kong libangin ang sarili ko baka sakaling makalimutan ko ang aking mga problema kahit sandali lang.

Una kong tinungo ang bookstore kung saan ko nakikilala si Semuel pero bago pa man ako makapasok ay nagbago ang isip ko. Naalala ko na naman ang pagtalikod sa amin ni Semuel. Pumunta na lamang ako sa arcade pero noong matanaw ko ang photobooth ay di ko na nagawang magpatuloy. Naalala ko naman ang di namin pagkakaunwaan ni Kuya. Nag ikot na lamang ako sa mga boutique at tumingin kung merong may mga sale. May dalawang t-shirt at isang pantalon din akong nabili. Nagpunta ako sa supermarket at doon ako nag ikot ikot. Tinitingnan ang mga naka-display sa mga shelves nila habang naghahanap ako ng dark chocolate na bibilhin ko. Nang makabili na ako ay hindi ko din natiis na hindi pumunta sa bookstore, kaya nga kahit may pag-aalinlangan man akong bumalik ay nagpunta pa din ako. Dumiretso ako sa fiction section ng mga libro at naghanap ng mga bagong libro.

“Andito ka din pala?” Gulat na bati ni Semuel sa akin ng makikilala nya na ako yung nakatayong binata sa harap ng shelf.

“Ah nag-iikot lang…” Matamlay kong sagot.

“Jerome, may problema ba?”

“Ah…”

“Kilala na kita, nakikita ko sa mukha mo, sa mga kinikilos mo na may dinadala ka. Andito ako, kaibigan mo ako.”

“Kaibigan? Sigurado ka dyan?” Sarkastikong sagot ko na kinagulat naman ni Semuel.

“Alam ko naman na lumayo ako sa inyo pero intindihin mo naman ang sitwasyon ko Jerome.”

“Paano ko maiintindihan, wala akong alam. Di ako diyos na nalalaman ang lahat ng mga bagay na nangyayari sayo. Ikaw ba kahit minsan ba naisip mong kausapin kami para sabihin at ipaintindi sa amin ang iyong kalagayan?”

Isang buntong hininga lang ang sinagot sa akin ni Semuel.

“Hindi di ba? Ikaw yung lumayo, hindi kami. Sige Semuel mauna na ako.” Bigla akong tumalikod at umalis.

“Pupunta ako mamaya sa inyo Jerome, gusto kong maayos natin ito.” Pahabol ni Semuel.

Pagdating ko sa bahay ay dumiretso ako sa aking kwarto. Hindi ko alam ang gagawin ko. Hindi ko naisip na ganito pala kasakit ang talikuran ang isang taong mahalaga sayo. Nagkakaroon ng sigalot sa aking utak. Dalawang magkasalungat na damdamin, ung isa gusto makipagkaibigang muli kay Semuel at ibalik ang dati at ung isa naman ay gustong tuluyan nang lumayo.

Nagising akong may nakaupo sa aking kama at masusi akong pinagmamasdan. Nang tuluyan nang magising ang aking diwa ay nakilala ko na kung sino ang naupo sa aking kama.

“Anong ginagawa mo dito? Paano ka nakapasok dito?” Sabay ayos ng aking pagkakaupo at nakasandal sa headboard ng aking kama.

“Pinapasok ako ni Tita. Pwede bang mag-usap tayo?”

“Ano pa ba ang ating dapat pag-usapan. Lumayo ka na, tanggap na namin yun. Mas masaya kang kasama si Therese. Pinipilit naming maging masaya para sayo.” Walang emosyon kong sagot.

“Sana ay naiintindihan nyo naman ako. Hayaan mong magpaliwanag ako.”

“Sige.”

“Simula noong lumabas tayo at kasama si Therese ay pinagsabihan na niya ako na huwag na daw akong sumama sa inyo. Hindi nya sinasabi sa akin ang dahilan pero dahil mahal ko sya ay ginawa ko. Mahal na mahal ko si Therese kaya gagawin ko ang lahat para sa kanya.”

“Oh ganun naman pala eh, sinabi na pala nya na layuan mo kami, bakit andito ka pa?”

“Dahil nahihirapan ako Jerome, dahil kahit papano ay may pinagsamahan tayo. Na kahit papano ay naging bahagi na kayo, ikaw, ng buhay ko.”

“Kung ganon bakit hindi namin maramdaman yang pinagsamahan na yan? Bakit iba ang pinaparamdam mo sa akin, sa amin?”

“Alam mo ba na kaya ako mag isa doon sa mall kanina ay dahil nag away kami ni Therese. Dahil pakiramdam ko ay kontrolado na nya ang buhay ko. Siya ang pumipili ng mga taong dapat kong samahan. Tinanong ko sya kung bakit ayaw nya na nakikitang magkasama tayo at nagulat ako sa sagot nya.”

“Bakit ano ba ang sabi nya?” Nagtataka kong tanong.

“Na…” Parang nag-aalangang sagot ni Semuel parang nahihiyang sabihin sumagot.

“Na?”  Pagpipilit ko.

“Promise wag kang magagalit ha? Sabi ko nga hindi pwede yung sinasabi nya.”

“Ano ba ung sinabi nya? Di ako magagalit.”

“Hindi ko alam kung totoo, pero sabi nya nagseselos daw sya  sa atin at parang pati ikaw daw ay may gusto din sa akin. Di ba nakakatawa ang dahilan nya?”

Hindi ako nakakibo sa sinabi ni Semuel. ‘Ganon na ba kahalata na may pagtingin ako kay Semuel?

Di ko namalayan na masususi na pala akong pinagmamasdan nito, naghihintay sa aking sasabihin.

“Tol?” May pagdududang tanong ni Semuel.

“Ah eh… kasi…”  Pautal-utal kong sagot, di ko maitanggi sa kanya na hindi totoo ang napapansin ni Therese at natatakot ako sa magiging reaction nya.

“Ibig sabihin?” May pag taas na sa tono kanyang boses.

Inipon ko ang aking lakas ng loob at nagsimula magsalita. Marahan pero alam kong naririnig nya ito.

“Sana pakinggan mo ako at bigyan ng pagkakataon. Kung may tanong ka, gawin mo pagkatapos ko nang magsalita. Hindi ko alam kong magkakaroon pa akong pagkakataon na sabihin ito pero ito ang aking mga katotohanan. Sa pagkakakilala natin, nagkaroon ako, di lang isang kaibigan ngunit isang kapatid din. Sa mga panahong magkasama tayo, tumatambay, nagkukwentuhan ay hindi ko mapigilan na maging komportable na kasama ka. Hindi ko alam kung saan o kailan nag iba ang damdamin ko pero sa paglipas ng mga araw at buwan ay nahuhulog na ang loob ko sayo. Ginawa ko ang lahat para maging masaya, kaya nga tinulungan kitang ligwan si Therese kasi alam kong yun ang magpapasaya sayo pero ang totoo ay nasasaktan din ako, na minsan iniisip ko na sana ako ang kasama mo. Ayos na sa akin na kayo na, tanggap ko na pero alam kung alin ung mas masakit, yung naisantabi mo ang ating pagkakaibigan, na yung mga oras na pinagsamahan natin ay…


“Tama na!" Pagputol nya sa aking pagsasalaysay. “Isang tanong lang Jerome, Bakla ka ba?”

“Ah… Oo, ata, ewan…”

Isang mahabang katahimikan ang sumunod, parehas naming pilit nainiintidi ang mga katagang katatapos lang naming bangitin. Nabasag lamang ang katahimikang iyon nang magsalita si Semuel.

“Ah sige dyan ka na! Huwag ka nang umasang magiging magkaibigan pa tayo! Huwag ka umasang magugustuhan din kita! Nandidiri ako sa bakla! Nakakasuka. Salot ng lipunan! Sige alis na ako!” Mabilis itong tumalikod at umalis ng aking kwarto, bakas sa kanyang mukha ang matinding galit at pagkadismaya.

Naiwan ako sa aking tulala sa aking kama pilit na ina-absorb ang lahat ng nangyari. Parang sasabog ang aking dibdib sa bigat na emosyong dinadala nito. Una ang di namin pagkaka-unawaan ni Kuya at ngayon ay ang tuluyang pagkawala ng aking kaibigang si Semuel. Habang abala ako sa pagmunimuni ay biglang kumatok si Mama sabay tawag sa aking pangalan.

“Jerome, anak, ayos ka lang ba?”

Pagkarinig ko nito ay nagpunas ako ng aking mata at pilit na nagpapakatatag para di makita ni Mama na sobra na akong nasasaktan.

“Bakit po Ma?”

“Alam ko na ang lahat.”

“Po?”

“Nakasalubong ko si Semuel, mukhang balisa at mainit ang ulo, nung tinanong ko kung ano ang problema, sinagot lang ako ng ‘ayaw ko sa bakla!’. Kaya agad akong pumunta dito. Alam mo Jerome, matagal na akong may kutob sa tunay mong pagkatao, hinihintay lang kitang magsabi sa akin. Anak kita, tanggap kita kung yan ang napili mong landas na tatahakin, tandaan mo na lang na hindi ito madali, madaming mangungutya at mang-aalipusta sayo pero basta alam mo sa sarili mo na wala kang sinasaktan at sinasagasaang tao ay susupurtahan kita at mamahalin pa din. Saka hayaan mo na muna si Semuel baka nagulat lang yun sa nalaman nya, bigyan mo sya ng pagkakataong mag isip. Kasi simula noong nagkakilala kayo ay nagbago kayo pareho. Sabi nga ng Tita Emy mo, ang ganda daw ng impluwensya mo kay Semuel. Pero ngayon ay hayaan mo muna sya, alam kong mahalaga ka din sa kanya pero naguguluhan lang yun sa ngayon.” Pagkasabi nito ni Mama ay niyakap nya ako ng mahigpit at hindi ko na napigilan ang aking pag iyak.

Hinayaan lang ako ni Mama na umiyak habang yakap yakap nya ako. Ngayon kahit papaano ay naramdaman kong mayroon pa ding taong nagmamahal at nagpapahalaga sa akin kahit ganito pa ako. Na hindi ako nag iisa. 

Kasama ko sa pagtulog ang mga alaala ng pag iisa at pangungulila, hanggang sa aking panaginip at hinahabol nila ako. Maaga akong nagising pero wala akong ganang harapin ang umagang iyon. Hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Buong maghapon akong nakakulong at tinatawag lang ako ni Mama kapag kakain na.

Nagpaalam ako kay Mama na dadalawin ko lang si Nick sa kanilang bahay. Magpapalipas ng oras at maglalabas lang ng sama ng loob.

“Oy Jerome, napadalaw ka, anong atin?”

“Pwede bang makitambay muna dito sa inyo? Sige na Nick” Pagpapaalam ko.

“Sige, ayos lang. Ano yang mga dala mo?”

“Alak. Gusto ko makalimot.”

“Nako patay tayo dyan. Mukhang seryoso nga yan ah. Halika dito sa loob at pag usapan natin yan.”

Pumasok kami sa loob ng bahay nila Nick, mabuti na lang at walang tao sa kanila at nasa probinsya ang parents nya. Nang maiayos na ni Nick ang aming iinumin sa sala nila ay binuksan nya ang kanilang tv at nilipat sa isang music channel. Pagkatapos nito ay umupo na ito sa harap ko.

“Ano ba ang problema tol? Ngayon lang kita nakitang magyaya ng inuman.”

“Basta mamaya ako magkukwento, ubusin muna natin itong isang bote ng beer.”

Matapos naming maubos ang isang bote ay naramdaman kong may tama na ako.  Di naman kasi ako laging umiinom at kung sakali mang uminom ako ay konti lang. Di ko na din napigilan ang pangungulit ni Nick at naikwento ko na din sa kanya ang mga nangyari.

“Alam mo Jerome, tama ang Mama mo, hayaan mo muna si Semuel, naguguluhan lang yun.”

“Naiintindihan ko naman yun Nick, hindi lang talaga kayang intindihin ng aking damdamin ang sakit. Parang punyal na nakatarak sa puso ko ang mga sinabi nya mga salita.”

“Basta palipasin mo muna, ok? Andito kami, ako para damayan ka. Saka tama na yang pag inom di mo na kaya.”

“Kaya ko pa, ubusin na lang natin itong isa pang bote.”

Nang maubos namin ang isa pang bote at halos di na ako makalakad sa tama ng alak sa akin. Dahil nahihiya naman ako kay Nick ay pinilit kong makauwi sa bahay pero dahil nga lasing ako, di pa man ako nakakalabas ng pinto ay natumba na ako. Tumawag na lang si Nick sa bahay at sinabi kay Mama na doon muna ako matutulog sa kanila. Mabuti na lang at pumayag din si Mama, siguro alam nyang matutulungan ako ni Nick sa aking pinagdadaanan.

Dahil wala naman sa plano ang pagtulog ko kina Nick ay wala kong dalang damit na pampalit kaya pinahiram na lang ako ni Nick. Tinulungan nya akong maghilamos at maglinis ng katawan sapagkat natutumba pa din ako. Isang t-shirt at short ang inabot sa akin ni Nick para sa aking pampalit. Matapos kong makapagbihis ay pupunta na dapat ako sa sofa para dun mahiga pero pinigil ako ni Nick, pinapasok ako sa kwarto nya at sabi ay doon na lamang ako matulog, malaki naman daw ang kanyang kama. Di na ako tumangi at sumunod na lamang ako sa kanya. Pagkalapag pa lang ng aking katawan sa kama ay nakatulog na ako sa sobrang kalasingan.

Pagkagising ko nang umaga ay mag isa na lamang ako at nagtataka ako dahil wala na ang aking suot na t-shirt at shorts, tanging brief na lamang ang aking kasuotan. Mabilis akong nagbihis ng aking damit at hinahanap ko si Nick. Hindi pa rin mawala sa isip ko kung ano ang nangyari kagabi at wala talaga akong maalala. Di ko magawang tanungin si Nick na noon ay nasa kusina at naghahanda ng pagkain, pasipol-sipol ito na parang ang saya saya nya.

“Oi Nick, salamat ha, sorry sa abala kagabi.”

“Ayos lang yun, basta para sayo kahit ano gagawin ko, saka sabi ko naman sayo di ba, lagi akong nandito.”

“Sya nga pala, saan ka natulog kagabi?” Kaswal kong pagtatanong kay Nick, hinihintay ang kanyang magiging kasagutan na maaring magbigay ng ideya kung bakit halos wala na akong damit nung ako ay nagising.

“Sa kwarto ko, sa tabi mo.”

“Ah ok. Sige. Salamat talaga ha.”

“Alam ko gusto mo na umuwi pero kumain ka muna, pinaghanda na kita. Ayan hot choco na favorite mo saka bacon at itlog.”

“Nako nag-abala ka pa.”

“Walang anuman, sige na kain na bago pa lumamig yang niluti ko at tiyak hinahanap ka na din ni Tita.”

“Maraming salamat talaga Nick at lagi kang andyan.”

Matapos ang almusal ay umuwi na din ako sa bahay. Pagpasok ko ng gate nakita kong andun ang kotse ni Papa. Biglang nakaramdam ako ng kaba. Hindi ko alam kung bakit pero parang pinagpapawisan ako ng malamig.

“Ma, andito na po ako.” Sigaw ko nang mabuksan ko ang pinto.

“At saan ka naman galing?”  ang tanging naging sagot sa mga sinabi ko.



[may kasunod]

6 comments:

Anonymous said...

ituloy muh ung kwento ah..

Anonymous said...

aw kabitin... kuya niya yung nagtanong kung saan siya galiing? part 7 please, nadadala ako sa kwento... hahaha!

Anonymous said...

tagal ng kasunod?

azlen said...

this is the best story i ever raed(so far)...buti mabilis nasusundan.....nakakarelate ako sa feelings ng author........

azlen said...

ang laki ng imapct sa kin story...hanggang ngayon napapaisip ako....may mga tao talagang mahirap makakaintindi sa mga kalagayan at dinadala mo....

Anonymous said...

this is so tragic

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.