vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 6, 2011

Waiting for Tomorrow 5


“Ano ba kasi yun bunso? Bakit parang nahihiya kang sabihin sa akin.” Pinipilit pa din ako ni Kuya na sabihin sa kanya kung bakit ako matamlay.

“Huwag mo na akong isipin Kuya, kapag handa na ako sasabihin ko sayo. Promise!”

“Ah alam ko na, tungkol yan sa pag ibig ano?”

“Ha?!” Nagulat ako sa sinabi ni Kuya. Biglang kinabahan ako dahil baka alam na nya ang mga bagay bagay na gumugulo sa akin.

“Tama ako ano?”

Natahimik na lang ako at tiningnan ko si Kuya.

“Hay nako bunso, ayos lang yan. Sa edad mong yan normal lang na magkaroon ng mga crush. Anong pangalan ba nung babae? Kaklase mo ba? Maganda ba?” Sunod sunod na tanong ni Kuya.

“Hay!” Isang buntong hininga lang ang naisagot ko kay Kuya. Mabuti na lang at akala nya babae ang gusto ko.

“Gusto mo tulungan kita, gusto mo na bang ligawan?”

“Nako Kuya huwag na. Kapag kailangan ko ng tulong mo, lalapitan kita. Saka promise magiging okay na ako.”

“Sige sabi mo yan ha?”

Iniwanan ako ni Kuya sa aking kwarto. Sana nga kaya kong panindigan ang sinabi kong magiging okay ako.

-----

Isang hapon habang nakatambay kami sa campus grounds.

“Oh eto na yung number ni Therese. Text mo na lang sya.” Sabay abot ko kay Semuel ng isang maliit na pirasong papel.

“Paano? Saan?” Gulat na pagtatanong ni Semuel sa akin.

“Basta di ba sabi ko naman sayo tutulungan kita.”

“Salamat Jerome ha.” Kitang kita sa mukha nya na napakasaya nya. Sa loob loob ko masaya na din ako at napangiti ko si Semuel pero kapag naiisip ko na baka sagutin siya ni Therese ay parang nanlulumo ako sa inggit at lungkot.

“Walang anuman. Basta galingan mo sa panliligaw.”  Nakangiti kong pag-e-encourage sa kanya. Nakatago sa likod ng ngiting yun ang lungkot na nadarama ng aking damdamin.

Sa mga sumunod na linggo ay ako ang naging messenger at delivery boy ni Semuel. Ako ang tagapili at tagabili ng mga bulaklak na binibigay nya kay Therese. Pati yung mga chocolates na pinapadala nya ay ako din ang namimili. Syempre lahat ng choices ko ay naisanguni ko na sa kakilala kong classmate ni Therese.

Hindi naman nagtagal ang ginawang panliligaw ni Semuel, sa loob ng dalawang linggo ay naging sila na ni Therese. Marahil ay may gusto na din talaga sa kanya si Therese. Di naman kasi maikakaila na isa si Semuel sa mga hearthrob sa aming school.

Noong una ay naging masaya ako at nagkaroon ng girlfriend si Semuel. Bakas kasi sa mga kilos at pananalita nya na sobrang saya nya.

“Oi! Di muna ako sasabay sa inyo ngayon sa lunch ha, sabay kami ni Therese kakain eh.” Pagpapaalam nito sa amin.

“Ayos lang.” Ang sabay sabay naming tugon sa kanyang pagpapaalam.

Hindi naman pinansin yun ng barkada pero syempre sa loob ko ako ay naiinis at nababawasan na ang oras na nakakasama ko si Semuel.

-----

“Oh Jerome bakit mag-isa ka dyan? Mukhang ang lalim pa ng iniisip mo?” Ang bungad sa akin ni Nick nang makita nyang nag iisa akong nakaupo sa bench sa ilalim ng malaking puno ng narra.

“Ah eh wala naman. Trip lang na mag senti.” Sabay ngiti ko sa kanya.

“At ano naman ang dahilan ng pag sesenti mo?” Sabay tingin sa akin habang bakas sa mukha nya ang isang pilyong ngiti. Yung tipong nagsasabing mayroon akong nalalaman sa nangyayari.

“Ah basta!” Mariin kong sagot. Takot akong malaman nya ang tunay na dahilan. Hindi ko din alam kung ano ang magiging reaction nya. Baka lumayo din sya sa akin.

“Hindi nga Jerome kumusta ka na?” Pagpipilit na pagtatanong ni Nick.

“Ayos lang bakit mo naman naitanong?”

“Huwag kang magagalit pero alam ko na may pagtingin ka kay Semuel. Nakikita ko sa mga kinikilos mo na higit pa sya sa isang kaibigan para sayo. At ngayon na may girlfriend na sya ay kitang kita sa mga mata mo ang lungkot at pangunulila mo sa kanya.”

“Ha?” Nagtataka kong pagtatanong kay Nick. ‘Patay bistado na ako.’ Bulong ko sa aking sarili.

“Huwag ka nang magkaila alam mo noong nasa camping tayo ay nagising ako nung hinihila mo yung mga kumot na gamit ko. Nakita ko nung yakapin ka niya at yumakap ka din sa kanya.”

Nagulat ako sa pinagtapat ni Nick. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanya ang isang bagay na ako man ay naguguluhan pa.

“Nakakainggit nga kayo nung mga panahong yun, napaisip tuloy ako kung bakit wala pa akong girlfriend. Sarap siguro ng mayroong kayakap sa pagtulog.” Pagkasabi nito ay bigla itong tumawa ng malakas na bumasag sa aking malalim na pag-iisip.

“Ah kasi Nick. Hindi ko din alam. Napakasaya ko kapag kasama ko si Semuel, kapag nasa akin ang atensyon niya. Hindi ko alam kung dahil lang ba ito sa sya ang una kong naging kaibigan dito sa school or kung ano pa man. Ngayon na may girlfriend na sya natatakot akong magbabago ang lahat. Na baka tuluyan na nya ako, tayong kalimutan. Hindi ko alam ang aking gagawin. Pinipilit ko na maging masaya para sa kanila, para sa kanya pero may bahagi ng aking pagkatao na nahihirapan kapag nakikitang lagi silang magkasama. Hindi ko alam kong dapat ko bang sabihin sa kanya ang mga nadarama kong ito o hindi.” Ang nalilito kong pagpapaliwanag kay Nick.

“Hindi ko din alam Jerome, pero ito lang ang tandaan mo, gawin mo ang sa tingin mo ay tama. Minsan ang tamang bagay ang pinakamahirap na gawin pero yun ang kailangan. Masakit man pero malalagpasan mo din. Basta kahit ano man ang mangyari ay andito kami ng barkada.”

“Alam ba nila Lynn at Karen?”

“Hindi ko alam kung napapansin nila basta wala naman akong pinagsasabihan pang iba. Kaibigan ko kayo pareho kaya nirerespeto ko kung ano man ang nais ninyong gawin saka wala akong karapatang ipagkalat iyon kasi alam kong maaring makaapekto iyon sa inyong mga buhay. Saka kung meron mang dapat magsabi sa kanila eh dapat kayo yun kasi kayo naman ang involve dito di ba?”

“Salamat Nick sa pagpapayo. Sana nga maging maayos ang lahat. Nahihirapan ako pero sige susubukan kong gawin ang sa tingin ko ay tama. Magiging masaya ako para sa kanila. Sana kayanin ko. Tara na!”

At sabay kaming umalis ni Nick papunta kila Lynn at Karen na nakita naming papunta na din sa aming kinaroroonan.

“Oh Jerome ano ang ating pinagsesentihan?” sabay na pagtatanong ng dalawa.

“Ah eh wala.”

“Kala namin namimiss mo si Semuel.” Tapos tumawa ng malakas ang dalawa.

Hindi na lang ako nakapagsalita sa gulat ko sa binitiwan nilang salita.

“Oh andyan na pala sila eh.” Si Karen, sabay turo sa dalawang taong papalapit sa amin.

“Kumusta?” ito ang tanging nasabi ko nang makita kong magkahawak sila ng kamay.

“Ayos lang, sya nga pala Therese, sila ang mga kaibigan ko, si Jerome, Nick, Lynn at Karen.” Pagpapakilala ni Semuel sa amin.

“So ano tara na?”  Pagyaya ni Karen. Napagkasunduan kasi naming magbabarkada na tumambay muna doon sa malapit na fast food restaurant sa school namin. Nauna kami ni Karen na pumunta habang nakasunod sa amin yung iba. Pagkapasok namin ay naghanap agad kami ng mauupuan.

“Dito na lang tayo.” Sabi ni Nick.

“Ok!” pag sang-ayon naming lahat.

Kaming tatlo nila Semuel at Nick ang nag order habang ung tatlong babae ay naiwan sa aming mesa at busy sa pagkukwentuhan.

“Jerome kumusta ka na?”

“Ayos lang.” Matipid kong sagot.

“Bakit parang wala kang gana. Kanina bago kami dumating eh parang ang sigla mo tapos ngayon antamlay mo na?”

“Ah eh… Madami lang siguro akong iniisip.” Pero ang totoo ay nasasaktan ako sa mga nangyayari di ko lang masabi sa kanya kasi pangako ko sa sarili ko na magiging masaya ako para sa kanila.

“Sigurado ka?”

“Oo. Ikaw? Ay kayo pala kumusta? Mukhang ang saya nyo sa isa’t isa?”

“Ok naman kami. We are just getting to know each other more pero so far ay masaya naman kami.”

Sa sinabi nyang yun ay di ko alam ang aking mararamdaman kung matutuwa na masaya sya o malulungkot dahil nasa piling siya ng iba.

Nang matapos ang teller na makuha ang lahat ng inorder namin ay tinulungan namin si Nick sa pagbitbit ng mga pagkain namin.

Naupo ako sa tabi ni Karen at Nick habang nasa kabilang side naman sina Lynn, Semuel at Therese.

Nagpalitan kami ng mga kwento. Kahit anong bagay pinag-usapan namin. Pero halos lahat kami ay si Therese lang ang tinatanong. Kung ano ang kanyang mga hilig at kung ano ano pa.

Habang panay ang kwentuhan namin ay napansin kong may naiwang ketchup sa tabi ng labi ni Semuel, kumuha ako ng tissue at akmang ibibigay ito sa kanya nang makita ako ni Therese. Agad din itong kumuha ng tissue at hinawakan ang mukha ni Semuel sabay sabing,

“Hon, ano ba yan ang kalat mong kumain.” Sabay punas sa ketchup sa labi nito at tumingin sa akin na wari ay sinasabing kanya lang si Semuel.

Napayuko na lamang ako at nagkunwaring may binabasang text message sa cellphone. Matapos ang ilang minuto ay nagpaalam ako ng pupunta lang ng banyo. Ramdam ko ang pamumula ng aking pisngi dahil sa parang napahiya ako kanina kay Therese. Napaisip tuloy ako kung alam nga ba nya ang nararamdaman ko para kay Semuel.

Kaya mo yan Jerome. Lilipas din yang nararamdaman mo. Kailangan mo lang hanapin ang taong para sayo.’ Matapos akong payuhan ng aking isipan ng dapat gawin ay inayos ko ang sarili ko. Binalewala ang sakit at pilit na naglagay ng ngiti sa aking mukha. ‘Kailangan niyang makitang masaya ako para sa kanila.’ Dagdag pa ng isipan ko.

Muli akong bumalik sa aming pwesto na medyo ayos na ang pakiramdam. Pilit na hindi ko binabaling ang aking atensyon kina Semuel at Therese. Mas nakipagkwentuhan ako kay Lynn at Karen. May mga pagkakataon lang na hindi ko maipigilan ang sarili ko na mapatitig kay Semuel.

Nang magkayayaan nang umuwi ay akala ko magkakasabay na kami ni Semuel pero mali ako. Sinamahan nya muna si Therese at makikipagkita pa daw ito sa ibang mga kaibigan nito. Wala naman akong nagawa kung hindi ang magpaalam at mag isang umuwi.

-----

Unti unting lumalayo si Semuel sa aming barkada. Siguro dahil mas napapadalas ang paglabas nila ni Therese. Kapag weekend naman ay ganun din. Lagi silang magkasama at nahihiya naman kaming makigulo kapag nasa date sila. Noong una ay di lang namin pinapansin pero noong patapos na school year at puro exams na kami ay laging wala si Semuel sa aming mga groups studies. Lagi naman namin syang niyaya pero parang pakiramdam namin ay siya itong lumalayo sa amin. Ninais naming kausapin siya pero walang may lakas ng loob sa amin para tanungin ito kung ano ba ang dahilan ng kanyang paglayo.

“Ikaw na Jerome, tutal ikaw naman ang bestfriend dati noon.” Sabi nung tatlo.

Parang isang punyal ang tumusok sa aking kalooban. ‘Oo nga bestfriend, ay mali DATING bestfriend pala.’ Halos mag iisang buwan na din pala na di ko nakakausap si Semuel ng masinsinan. Kapag nasa klase kasi nagiging tahimik ito at kapag nasa labas naman ay di namin nakakasama.

“Hindi nga kami nagkikita. Basta sige susubukan ko pero di ako nangangako.”

“Mag aral na lang tayo, Paano ba yan nakuha?” Si Karen habang nagtatanong kay Nick ng tungkol sa isang problem set sa Math.

Nagpatuloy ang aming pagrereview at sa huli ay pumasa naman kaming lahat sa aming mga exams.

Anong plano nyo ngayong bakasyon?” Si Karen muli.

“Di ko pa alam kung uuwi ulit kami ng Bicol pero bahala na.” Sagot ko naman

“Basta kapag nandito lang kayo, lagi tayong magkita kita ha.” Pagpipilit ni Nick.

“Oo naman.” Sagot naming tatlo.

“Oh malungkot ka na naman Jerome. Smile ka na lang lalo kang pumapangit eh.” Pang-aasar ni Karen.

Maya maya ay hinila ako ni Karen papalayo kina Nick at Lynn.

“Kumusta ka na? Palagi ka na lang ganyan parang pati kami nilalayuan mo na din? Galit ka ba sa amin o kaya ay nagsasawa na?”

“Di naman sa ganun, nahihirapan lang ako. Alam ko naman na alam mo na ang pinagdadaanan ko.”

“Oo naman, naghihintay lang kami ni Lynn na mag open ka din sa amin. Lagi na lang kasing si Nick ang kausap mo eh.”

“Sorry naman. Natatakot lang kasi ako na baka kapag nalaman nyo ay magbago ang pagtingin nyo sa akin.”

“Ano ka ba kainbigan mo kami, tatanggapin ka namin kung ano o sino ka pa.”

“Basta kapag may problema andito lang kami.”

“Salamat.”

At muli kaming bumalik kina Nick at Lynn na mukhang malalim din ang pinag-uusapan. Masaya akong hindi ako hinusgahan ng mga kaibigan ko. Ngayon kahit papano ay nagkaroon ako ng konting lakas para tanggapin kung ano man ang aking pagkatao. Na kahit ganito ako ay tatanggapin pa din ako ng aking mga kaibigan.

-----

Mabilis na lumipas ang bakasyon. Hindi kami umuwi ng Bicol sapagkat inaayos ni Kuya ang kanyang pagpapatuloy ng kolehiyo. Nakapasa siya sa isang sikat na unibersidad sa Laguna at doon nya balak ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral. Nakailang balik na din kami doon nila Mama at Kuya. Una ay noong naghanap kami ng matutuluyan ni Kuya habang nag-aaral. Sumunod ay noong mag simula na ang enrollment at kailangan magpa medical exam sa clinic doon. Bukod sa pagsama ko kay Kuya ay madalang na din akong sumama kina Nick, Karen at Lynn. Simula noong di na sumasama si Semuel ay parang nawalan na din ako ng gana na sumama sa kanila. Lagi nga akong kinukulit nung tatlo pero lagi naman akong wala sa mood para lumabas. Lagi akong nakakulong sa aking kwarto at doon naglalaro ng computer games o kaya naman ay nagbabasa ng koleksyon ko ng mga pocket books. Minsan nakahilata lang ako sa aking kama pilit na inuunawa ang mga pagbabago sa aking buhay. Ang mga damdaming minsang susulpot at biglang mawawala. Ang mga alaala at mukha ng mga taong malapit sa akin at ang mga katawang kapag naiisip ko ay may kung anong init ang bumabalot sa aking katawan.

Napansin din pala nila Kuya at Mama ang madalas kong pagkukulong sa kwarto pati na ang pagtigil ko sa pagpunta at pakikipagkita ko sa mga kaibigan ko. Pero buti na lang at hindi nila ako inuusisa tungkol dito kasi hindi ko pa din alam kung ano ang sasabihin ko.

Akala ko ay hahayaan na nila ako pero nagkamali ako. Habang ang ako ay nakahiga sa aking kama ay biglang may kumatok sa aking pintuan. Madalas ko na kasing nilo-lock ang pinto para di ako nagugulo kapag nasa loob na ako ng kwarto. Bumangon ako at binuksan ang pintuan.

“Bakit Kuya?”

“May ginagawa ka ba ngayon Jerome?” Tanong ni Kuya.

“Wala naman. Eto nakahilata lang, nakakatamad magbasa eh.”

“Tara ipagluto mo naman ako ng special pasta mo.”

“Ha? Kuya tinatamad ako eh. Wala ako sa mood.”

“Sige na bunso. Isa yun sa mamimiss ko kapag nagsimula na ang pasukan. Baka madalang akong makauwi dito kasi alam mo na hanggang Sabado ang pasok ko.” Pilit akong kinukumbinse ni Kuya na ipagluto ko sya.

“Ah eh…”

“Sige na bunso, please!” Sabay ngiti sa akin na kung hindi ko lang sya kapatid ay malamang nahalikan ko na sa sobrang tamis nito.

“Sige na nga Kuya pero sa isang kondisyon.”

“Ano yun?”

“Tutulungan mo ako.”

“Sige ako ang bahala sa pasta at ikaw ang bahala sa sauce.”

“Pahanda na Kuya ng mga ingredients sa baba, maliligo lang ako saglit.”

Mabilis akong naligo at nagbihis. Parang kahit sandali ay nabalot ng sigla ang aking buong katawan. ‘Ipagluluto ko ang mahal kong Kuya!’ Bulong ko sa sarili.
Pagbaba ko nga ng kusina ay nakahanda na ang mga kakailanganin ko. Pati ang mga gulay na madalas ay hinahalo ko sa aking sauce ay andun din. Talagang kabisado na ni Kuya ang mga ingredients ng aking special sauce. Habang naghihintay kami na maluto ang pasta ay nagsimula na akong maghiwa ng bawang, sibuyas, carrots, bell pepper at kamatis pagkatapos ay yung mga hotdog naman. Habang ginagawa ko ito ay nakapag kwentuhan kami  ni Kuya.

“Kuya nasaan pala si Mama?”

“May pinuntahan daw sa Quezon City, mamaya pa daw babalik baka gabi na.”

“Ah ok.”

Natapos maluto ni Kuya yung pasta at sumunod naman akong nagluto ng sauce. Mga dalawampung minuto ko ding niluto ang aking sauce bago ko ito natapos. Matapos ihain ni Kuya ang aming niluto ay nagsimula na kaming kumain. Ipinagtabi na namin si Mama para makakain naman ito pag uwi nya.

“Despidida mo pala ito Kuya.” Sabay tawa ko ng malakas.

“Oo nga ano.”

“So kaya mo na bang mag isa dito? Kayo na lang ni Mama ang maiiwan dito at madalas ay wala naman dito si Papa.”

“Oo naman Kuya. Ako pa.”

“Ay kumusta na nga pala yung crush mo? Di mo na ako binalitaan.”

Nagdadalawang isip ako kung sasabihin ko na ba kay Kuya ang totoo o ipagpapatuloy ko ang aking pagkukunwari. Saglit akong natahimik at pinag isipan ko ang aking sasabihin pero sa huli ay napabuntong hininga na lang ako at nagdasal na sana ay magkaroon ako ng lakas para sabihin ang dapat.

“Oh bakit napatahimik ka dyan.”

“Ah kasi Kuya… Mamaya na lang pagkatapos nating kumain. Promise sasabihin ko sayo.”

“Wala nang nagawa si Kuya kung hindi ang pumayag sa aking kahilingan.”

Matapos kaming kumain ay tumambay kami ni Kuya sa sala ngunit mas nais niyang sa kwarto ko na lamang kami mag usap. Pumayag naman ako kahit parang may tren na tumatakbo sa aking dibdib dahil sa kaba. Binuksan nya ang playlist ko at nagpatugtog pero mahina lang. Pagkatapos ay naupo ito sa tabi ko sa kama.

“Oh ayan ha, ano ba talaga ang problema?”

“Kuya, madaming gumugulo sa aking isipan ngayon hindi ko alam kung saan mag uumpisa.”

“Umpisahan mo sa simula.”

“Kuya nasasaktan ako dahil lumalayo na sa amin si Semuel. Parang pakiramdam ko ay nawalan ako ng kaibigan. Na kahit andyan siya ay hindi ko na sya maramdaman. Nasasaktan at nagseselos ako kapag kasama nya ang girlfriend nya. Minsan hinihiling ko na sana ako ng lang ang lagi nyang kasama tulad ng dati.”

“Normal lang naman iyon na makaramdam ko ng ganyan pero kung kaibigan ka talaga dapat maunawaan mo na iyon ang gusto ni Semuel. Di ba gusto mo maging masaya sya?

“Oo Kuya pero masakit pa din kasi ang totoo ay nahuhulog na ang loob ko sa kanya.” Napatigil ako sandali at napaisip.

‘Sinabi ko lang ba sa Kuya ko na nahuhulog na ang loob kay Semuel? Patay!’

Pero dahil hindi ko na mababawi ang sinabi ko at wala namang naging violent reaction si Kuya ay parang isang dam ng emosyon ang umagos at naikwento ko na kay Kuya lahat.

“Alam mo bang noong nagpunta tayo sa Bicol at pinaunan mo ako sa iyong dibdib ay naramdaman ko na napaka-safe ng pwesto ko. Na noong nasa batis tayo naliligo ay hindi ko mapigilan ang sarili ko na titigan kayong dalawa ni Tonton at humanga sa inyong magandang mga katawan. Na noong nasa beach tayo ay may isang bata pang pumukaw sa aking damdamin, yung kalaban nyo sa volleyball at kasama nila Tonton sa senakulo. Na nasaktan at nagselos ako noong hinalikan ka ni Shirley. At ngayon nga ay naisip ko na napakaswerte ko Kuya, kasi lagi kang andyan para sa akin. Pati yung picture na nasa wallet ko ay paulit ulit kong tinitingnan kasi napapasaya ako nito kapag ako ay nalulungkot.”

Sa lahat ng sinabi ko ay nanatili lang na nakatitig sa akin si Kuya na parang nag-iisip din ng malalim. Pero siya din ang unang bumasag ng katahimikang bumalot sa aming dalawa.

“So anong ibig mong sabihin, mahal mo ang kapwa mo lalaki? Na bakla ka?” Parang galit ang tono ng pananalita ni Kuya noong una pero habang papatapos siya ng sinasabi ay naging mahinahon naman ito.

“Siguro Kuya. Hindi ko alam.” Pagkasabi ko nito ay napayuko na lang ako. Parang nanliit ako bigla. Naghihintay sa sunod na sasabihin ni Kuya. Natatakot na baka kamuhian at saktan ako ni Kuya. Hindi naman kasi normal na pinag uusapan ang mga ganitong bagay sa bahay.

Naramdaman ko na lang na may kamay na humawak sa aking balikat. Sakto naman sa pagyakap sa akin ni Kuya Jomar ay napaangat ang aking ulo at naglapat ang aming mga labi. Parang tumigil ang oras sa mga sandaling iyon. Tanging ang malambot na labi lang ni Kuya Jomar ang tumatakbo sa isip ko at wala nang iba.

Bigla naman akong naitulak ni Kuya Jomar na naging dahilan upang malaglag ako sa sahig. Kita ko sa mukha nya ang pagkabigla at galit sa nangyari sa amin. Tumayo ito at hindi man lang ako tinulungang makatayo, mabilis itong lumabas ng kwarto at napalakas ang pagkabig sa pinto. Hindi ko alam ang gagawin ko nung mga sandaling iyon. Tumayo ako at tinawag si Kuya pero tanging ang pagsara ng aming gate ang naging kasagutan sa aking pagtawag.

Hindi ko alam kung ano ang aking iisipin sa mga sandaling iyon. Hindi ko alam kung galit ba siya dahil bakla ako o dahil sa nahalikan ko siya. Kung noong bago kami nag usap ay naguguluhan ako, ngayon na nasabi ko na sa kanya ang problema ko ay parang lalo pa itong nadagdagan. Natatakot akong iwanan din ako ni Kuya. Na lalayo din sya sa akin. Ang tanging kakampi ko ay mawawala sa akin. Bumalik ako sa aking kama, nahiga at hindi ko na pinigilan ang malayang pag agos ng aking mga luha. Kasabay ng pagpatak ng aking mga luha ay pinapanalangin ko na sana ay kasama nilang mawala ang sakit na aking nadarama. Niyakap ko ang aking unan at pinilit na makatulog kahit na sobrang bigat ng aking dinaramdam.


[may kasunod]

1 comment:

Anonymous said...

nakaka relate ako d2..hahahaha

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.