vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 6, 2011

Waiting for Tomorrow 4


Isang Sabado, nasa bahay kami nila Semuel habang nanunuod ng isang lumang pelikula ay nagulat ako at bigla na lang humihikbi sa tabi ko si Semuel. Di ko maintindihan ang dahilan ng kanyang pag iyak pero nabakas sa kanyang mukha ang lungkot at pangungulila. Ang mukha nya noong una ko syang nakita ang ngayon ay nakatambad sa akin. Wala akong ibang nais gawin kundi ang pawiin ang lungkot sa kanyang mga mata at ginawa ko na lamang ang tanging paraan na alam ko para madamayan sya. Niyakap ko sya ng mahigpit, nakapatong ang kanyang ulo sa aking balikat habang ang kaliwang kamay ko ay marahan na hinahaplos sa ang kanyang likuran.

“Sige lang Semuel, ilabas mo lang yang nararamdaman mo. Andito lang ako.”

“Salamat ha!” Sagot nya sabay punas ng mga luha sa kanyang mga mata.

“Ano na naman ba ang dahilan ng iyong pag iyak?”

“Wala ito, may naalala lang ako.” Sabay kalas sa pagkakayakap ko at lumayo sa akin at umupo ng maayos.

“Ah sige kung ayaw mong sabihin naiintidihan ko, basta tandaan mo na andito lang ako lagi.”

Matagal naging tahimik si Semuel habang nakatingin lang sa kawalan. Nanatili akong tahimik at ayaw kong basagin ang katahimikan na namuo sa pagitan naming dalawa para na rin hayaan siya sa kanyang pagmunimuni.

“Wala na si Papa.” Mahinang usal ni Semuel.

“Ha?” ang naguguluhan kong sagot. Sa totoo lang ay di ko alam ang sasabihin ko sa kanya. Walang pumapasok sa aking isipan kung ano ba ang dapat na sabihin kay Semuel tungkol sa kanyang rebelasyon, Bagamat hindi ko nakilala ang kanyang ama ay napuno ako ng pagtataka kung ano ba talaga ang kwento ng ama ni Semuel.

“Namimiss ko lang sya. Intestinal cancer ang kinamatay nya. Late na nung nadetect ng mga doctor na cancer pala, at stage 4 na. Akala nila dati simpleng gastrointestinal infection lang o ulcer pero hindi pala. Napakahirap pagmasdan ang isang taong mo mahal na unti unti nauubos ang buhay. Napakasakit para sa akin na makita ang Papa ko na nahihirapan at wala akong magawa para tulungan sya. Noong nakita mo ako sa simbahan ay two weeks pa lang nung nailibing si Papa at sariwa pa sa aking alala ang mga nangyari. Doon lang din nag sink in sa akin ang katotohanan wala na sya, na kailanman ay hindi na kami magkakasama.”

Matagal akong naging tahimik, pilit na iniintindi ang bawat katagang kanyang binitawan. Oo minsan di namin nakakasama nila Mama si Papa pero alam ko sa sarili ko na darating sya at uuwi sa bahay. Bigla tuloy akong binalot ng kaba nang maisip kong maari ngang mawala ang isa man sa aking pamilya. Napahanga ako kay Semuel kasi kahit na mayroon syang mahirap na pinagdadaanan ay matapang nya pa ring hinaharap ang buhay. Kung sa akin ito mangyayari, kung iiwanan ako ng mga taong mahal ko, di ko alam kung kakayanin ko. Napalingon ako kay Semuel at bigla namang bumalik sa aking ulirat na dapat ay dinadamayan ko sya sa kanyang pangungulila.

“Huwag mong isipin yan Semuel, nawala man sayo ang Papa mo ay marami naman kaming pumalit para mahalin ka. Andyan pa din naman si Tita Emy. Ako, si Kuya, si Mama at Papa, pamilya na ang turing namin sa iyo kaya wag ka  nang malulungkot. Tiyak ako na ayaw din ng Papa mo na makita kang ganyan.”

“Salamat talaga at nagkakilala tayo.”

“Walang anuman saka masaya nga ako at nagkaroon ako ng kaibigang tulad mo.”

Sa mga nalaman ko lalong tumindi ang aking kagustuhan na maipakita na handa akong gawin ang lahat para maging masaya sya.

-----

Sa pag usad ng mga araw ay nagkakilala kami ng mga classmates ko at naging malapit kami ni Semuel sa iilan sa kanila. Dito nag umpisa ang aming grupo. 

Si Ronald Nickolas Torres o mas kilala sa tawag na Nick ang unang naging malapit sa amin ni Semuel. Dahil nga sa magkakatabi kami ng upuan ay lagi namin syang nakakakwentuhan ni Semuel. Magaan ang loob kay Nick siguro dahil napakabait nito at tahimik minsan pero kapag nagbitiw na ng salita ay mapapaisip ka talaga sa kanyang mga sinasabi. Bukod dito ay may taglay din na kakulitan si Nick, di masyadong mahilig magbasa pero mahilig naman maglaro ng online games kaya magkakasundo kami.

Si Nick ay may tangkad na 5’9, maputi at balinkinitan ang katawan at isa din sya sa mga kaklase naming habulin ng mga kababaihan. Dahil nga sa hilig sa computer at online games siya ang pinakatechie sa aming tatlo. Alam nya ang mga cheat codes sa mga laro na alam namin. Magaling din sa Math si Nick pero nahihirapan sya sa English at dahil naman dito ay lagi namin syang tinutulungan ni Semuel.

Si Lynn Marielle Fernandez at Karen Mae Ruiz ang magbestfriend at ang pinakaclose namin sa mga kaklase naming babae. Naging partners namin sila dati sa isang activity sa isang experiment sa science at agad namang nag click ang aming mga personality. Parehas maganda sina Lynn at Karen. Kapwa 5’6 ang dalawa, maputi at parehas mahaba ang buhok. Halos lahat ng mga lalaki sa section namin ay laging nabibighani sa kanilang dalawa. Tahimik si Lynn at si Karen naman ang mas extrovert sa dalawa. Madalas siya ng nag uumpisa ng usapan at hindi namin namamalayan na kasali na kaming lahat sa usapan.

Sa sobrang click ng aming samahan ay madalas na kaming magkakasamang lima. Sila na ang naging kasama namin ni Semuel kapag lunch time. Kasama na din namin sila kapag may mga group studies. Sa klase naman kapag kelangan magbuo ng grupo ay kami ang laging magkakasama.

“So paano natin gagawin ang reporting bukas?” Tanong ko sa mga kagrupo kong sina Semuel, Lynn, Karen at Nick. Magkakasama kami sa isang reporting class namin sa English. Catcher in the Rye ni J.D. Salinger ang nakaassign sa amin upang gawan namin ng group book report. Isa isa naming binasa ang libro at ngayon nga ay binubuo na namin ang aming book report.

Matapos naming pagsama-samahin ang aming mga ideya sa kung ano talaga ang mensahe na gustong ipahiwatig ng may-akda ay ginawa na namin ang aming presentation. Hati hati kami sa mga gawain sa presentation pero pinag-usapan namin ang mga bahagi nito para lahat kami ay may alam sa kabuan ng aming report.

Kinabukasan, kami ni Semuel ang napili ng grupo para maging reporter sa harap ng klase. Sina Lynn at Karen namin ang nagsilbing tagabigay ng aming ginawang handouts para sa aming mga kaklase habang si Nick ang naatasang gumawa ng aming visual aid. Dahil sa pinagsamasama naming ideya at opinyon ay nagustuhan ng aming guro ang aming book report at kami ang nakakuha ng pinakamataas na marka. Tuwang tuwa kaming lahat dahil dito.

“Tara celebrate tayo mamaya para sa hirap na pinagdaanan natin sa paggawa ng book report na yan.” Wika ni Karen.

“Sige, maganda yan!” Pagsang ayon naming lahat sa suggestion na iyon.

Kinahapunan ay sama-sama kaming umalis at nagpunta sa malapit na fast food chain sa may school namin. Burgers, fries at sundae ang pinagsaluhan naming lima. Masaya kami dahil worth it lahat ng ginawa namin para sa presentation at reporting namin. Binalikan namin ang mga kalokohan na mga ginawa namin habang kami gumagawa ng aming report.

Naging simula din iyon ng paglalim ng samahan namin. Lagi na kaming magkakasama pagkatapos ng klase namin sa hapon at magiliw lang ng nagkukwentuhan tungkol sa kahit anong bagay na aming maisipan.

Minsan habang nagpapalipas kami ng oras bago umuwi ay nagtanong si Karen sa aming apat.

“Sinong crush nyo dito sa campus?”

“Si Julie, yung 3rd year, ganda nya sobra.” Mabilis na sagot ni Nick.

“Nagagandahan ako kay Therese pero parang nakakatakot lapitan.”  Usal ni Semuel.

“Yung Kuya Jomar mo, Jerome.” Nahihiyang sagot ni Lynn.

“Nako patay tayo dyan, sasabihin ko sa kanya.” Pagbibiro ko kay Lynn. Pero nakakubli sa pagbibirong iyon ang isang damdamin na di ko mawari, para sa sinabing iyon ni Lynn ay ayaw ko na magkagusto sya kay Kuya.

“Huwag naman, sige ka magagalit ako sayo nyan.”

“Joke lang, syempre hindi sasabihin pero sure ka na crush mo si Kuya?”

“Oo naman ang galing nya kaya sa track and field.”

“Sige na nga magaling na nga si Kuya.”

“Eh ikaw Jerome sinong crush mo dito?” Sabay sabay nilang tanong, napansin siguro na ayaw kong saguting ang tanong.

“Ah eh… Wala akong maisip.” Pagpapalusot ko.

“Imposible naman yan, sigurado ako may napapansin ka dito sa school.” Sabi ni Semuel.

“Wala talaga. Kapag meron sasabihin ko agad sa inyo, di ko pa kasi iniisip ang mga ganyang bagay.” Hindi ko na sinagot pa ang kanilang pamimilit pero paulit ulit na sinasabi na isip ko na…

“Ikaw Semuel, ikaw ang crush ko.”

Nabigla ako sa pinagsisigawan ng isipan ko. Ayaw kong tanggapin ang katotohanang ito, inisip ko na kaya lamang ako nagkakaganito ay dahil sa palagi kaming magkasama ni Semuel at magkatulad halos kami ng interes. Inisip ko ang mga kaklase naming babae at naghanap ako ng taong makakatulong upang mawala sa isip ko si Semuel. Pilit kong pinapaunawa sa sarili ko na mali ang magkaroon ng paghanga sa aking kapwa lalaki. Na hindi ito matatanggap ng lipunan at ito ay mali ayon sa simbahan.

Natapos ang hapong iyon na magulo ang isip ko. Hindi ko na alam ang nararamdaman ko, nalilito ako pero wala akong taong mahanap na pwedeng makausap hinggil sa nararamdaman ko. Dahil dito nag umpisa tuloy akong tingnan ang sarili ko, iba nga ba talaga ako? Normal nga lang ba talaga na magkaroon ng mas malalim na pagtingin sa isang kaibigang lalaki?

-----

BSP 14th National Jamboree
Mt. Makiling, Los Baños, Laguna

Freshman Representative:
  1. Jerome Lester Santos
  2. Semuel Gilbert Sayson
  3. Ronald Nickolas Torres

Tuwang tuwa kaming tatlo dahil makakasama kami sa isang national jamboree. Ito ang unang pagkakataon maeexperience ko ang camping at gagawin pa ito sa Mt. Makiling. Sobrang excited kaming tatlo na naghanda pa talaga kami ng listahan ng mga dapat dadalhin namin para sa isang linggo camping sa paanan ng Bundok Makiling.

Isang linggo bago ang nakatakdang jamboree ay di ko na mabilang kung ilang beses kong tiningnan ang mga dadalhin ko. Dumating ang araw ng aming pag alis papuntang camping at maaga kaming umalis para makahabol sa registration na maguumpisa ng alas otso ng umaga. Mga alas sais kami umalis ng Manila at nakarating kami ng Los Baños halos alas otso na. Dahil hindi pa kami nag aalmusal ay dumaan muna kami sa isang fast food chain at nag order ng breakfast meal.

“Oh, Jerome, hot choco at pancakes?” tanong sa aking ni Semuel.

“Oo.” Sagot ko. Nagulat ako at alam nya ang paborito kong kainin na breakfast meal sa nasabing fast food.

Dumating ang aming order at nagmadali kaming kumain. Matapos ang almusal ay pumunta na kami sa registration area, nagbayad ng mga kaukulang fees at saka binigay sa amin ang aming mga kit at ang area kung saan kami naka assign.

Matapos namin matuntun ang aming mga camping area ay tumulong kami sa pagtatayo ng mga tent na magiging pansamantalang tirahan namin sa loob ng isang linggong pamamalagi namin sa campsite. Dahil tatlo lang kaming magkakasamang freshman ay napagkasunduan na sama sama na lang kami sa iisang tent. Wala namang naging problema kasi kasyang kasya naman kami sa loob ng isang tent.

Nang  maayos naming tatlo ang aming mga gamit sa loob ng tent at halos lahat ng mga kasamahan namin ay tapos na din magtayo ng kanilang tent ay nag usap usap kaming tatlo kung ano ang pwede naming gawin habang naghihintay ng activity para sa hapon noong unang araw.

“Tara at ikutin natin itong campsite natin, alamin na din natin kung ang mga activity area.” Anyaya ni Nick.

“Sige. Pero magpaalam muna tayo sa ating scout master, na si Sir Roman.” Sabi ko.

Nang makapagpaalam ay agad kaming umalis at nag ikot ikot. Nakita namin na national jamboree nga talaga. Mayroon mga participants mula sa lahat ng sulok ng bansa. Cagayan de Oro, Mindoro, Palawan, Ilocos ang ilan sa mga nakita naming lugar na pinanggalingan ng ibang scouts at maging hanggang sa mga oras na iyon ay may mga sasakyan pa ding dumadating na tiyak kong may mga dalang boy scouts na kasali din jamboree.

Halo halo ang mga participants mula sa iba’t ibang lugar kaya may pagkakataong makasama ang ibang boy scouts mula sa ibang region. Unang activity namin ay ang extreme challenge. Bawat isa ay kailangan makumpleto ang course, may mga problems at challenges na kailangang gawin bago maka punta sa susunod na challenge. Ang pinaka mababang pinagsama-samang oras ng miyembro ng team ang panalo. Dahil sa napaka competitive namin ay nakuha namin ang pangalawang posisyon. Kahit pagod kami ay naging masaya naman ang karanasang iyon.

Bagamat pagod kami sa naging activity namin noong unang araw ay tumulong pa din kami sa paghahanda ng pagkain para sa aming hapunan. Tumulong ako sa pag igib ng tubig na gagamitin sa pagluluto habang si Nick naman ay busy sa pagtulong sa paghiwa ng mga sangkap na gagamitin sa nilulutong ulam. Si Semuel naman ang nagvolunteer na magluto. Noon ko lang nalaman na nagluluto pala itong si Semuel. Tinutukso pa namin sya ni Nick na kapag di masarap ang lulutuin nya ay ipapakain namin sa kanya yung lulutuin nya. Ngumiti lang si Semuel at sabay sabing…

“Tingnan lang natin kapag natikman nyo na. Sigurado akong hahanap hanapin nyo ito.”

Hindi nga nagkamali si Semuel, talagang may talent sya sa pagluluto. Napakasarap ng kanyang niluto. Matapos naming kumain at makapagligpit ay naligo kami doon sa designated shower area. Sabay sabay kaming nagpunta nila Semuel at Nick.  Bitbit ang aming mga toiletries ay mabilis kaming naligo dahil na din sa takot sapagkat mukhang walang tao doon sa shower area at ung nag iisang ilaw ay panay ang patay-sindi. Dali dali kaming bumalik sa aming camp site at dumiretso na kami sa aming tent.

Bago pa man kami makarating at pumasok sa tent ay nagasabi na sina Semuel at Nick na gusto nila sa tabi. Kaya wala na akong nagawa kundi ang matulog sa gitna nilang dalawa, si Semuel sa aking kaliwa at si Nick sa aking kanan. Dahil na din siguro sa pagod ay mabilis kaming nakatulog. Sa kalagitnaan ng gabi bigla akong nagising dahil sa ginaw. Yung mga kumot na dala namin ay nasa kay Nick na lahat, kahit anong pilit kong hilalin ang kahit isa ay di ko magawa.  Di ko na ginising si Nick. Muli na lang akong nahiga at ang dalawang kamay ko na lang ang nagsilbing pananggalang ko sa lamig. Nang papaidlip na ulet ako ay naramdaman ang pagtagilid ni Semuel na nakaharap na sa akin at ang kaliwang kamay nito ang pinatong sa aking nilalamig na katawan. Sa ginawang ito ni Semuel ay nabawasan ang lamig at nagsimulang gumapang ang init sa aking katawan. Imbes na makatulog ay biglang nagising ang aking ulirat. Tumagilid din ako ng paghiga at ngayon ay kitang kita ko na ang maamong mukha ni Semuel. Pinagmasdan ko ang kanyang maamong mukha kapag natutulog na pilit nilalagay sa memorya ang bawat sulok, guhit at angulo sa mukha ni Semuel. Ramdam ko ang bawat paghinga nya dahil sa sobrang lapit ng aming mga mukha. Hindi ko namalayan na umaangat na din ang aking kamay at unti unting kinumutan ang katawan ni Semuel. Akala ko ay tatanggalin nya pero wala lang itong ginawa kundi ang higpitan ang pagkakayakap sa akin. Sa ginawa nyang ito ay lalong nagkalapit ang aming mga mukha. Kalahating talampakan na lang ang lapit ng kanyang mga mapupulang labi sa akin. Sa mga oras na yun ay parang gusto ko nang ilapit ang aking labi sa kanya ngunit kalahati ng isip ko ang nagsasabing mali ang gagawin ko. Kaya pinilit ko na lamang na pumikit at matulog, ninanamnam ang init na nagmumula sa pagkakayakap namin sa isa’t isa.

Nagising ako kinaumagahan na ako na lamang ang nasa loob ng tent. Tamang tama naman na dumungaw si Semuel para gisingin ako.

“Jerome bangon ka na dyan, kakain na tayo.” Pagtawag ni Semuel sa akin.

“Oo andyan na, palabas na.”

“Oh heto.” Sabay abot sa akin ng basong may tubig, alam na nyang di ako kumakain o humaharap sa mga tao sa umaga kapag hindi pa ako nakakapag toothbrush.

Nang matapos ako magtoothbrush at maghilamos na din ay pumunta na ako sa maliit naming table upang kumain. Nakita ko na andun na ung plato ko, may laman nang kanin at ulam.

“Akin ba ito?” Ang pagtatanong ko habang nakatitig kay Semuel at tinuturo ang plato sa mesa.

“Oo iyo yan, pinagtabi na kita kanina. Saka eto pa oh.” Sabay abot ng isang tasang chocolate drink.

“Salamat ha.”

“Bilisan mo dyan at malelate na tayo sa ating aquatics activity.” Pagpapaalala ni Semuel sa akin.

Mabilis akong naghanap ng aking swimming trunks at nagpalit sa loob ng tent. Muli kong sinuot ung aking short at lumabas na ako patungo kina Semuel at Nick. Pagdating namin sa pool area ay mabilis kaming nagpalit. Hinubad ko ang aking short na suot at tanging swimming trunks lamang ang natira. Ganoon din ang suot ni Semuel at napatigil naman ako dahil sa pagtitig ko sa napakagandang katawan ni Semuel. Parang nais kong lapitan at hagkan ang lahat ng bahagi ng kanyang katawan, Namnamin at lasahan ang bawat piraso ng laman. Nagising ako sa aking pantasya nang kalabitin ako ni Nick. Ako at si Nick na lang pala ang hindi tumatalon sa tubig, si Semuel na aking pinagmamasdan ay nakatalon na pala at masigla nang naglalaro sa tubig. Tinuruan kami ng basic rudimentary at techniques sa swimming pati ang ilang safety measures kapag nasa tubig.

Bukod sa swimming nasubukan din naming mag rapelling at wall climbing. Nagkaroon din kami ng basic training on survival techniques, naranasan at natuto kaming magluto, manguha ng tubig at magsiga gamit ang mga indigenous materials sa paligid. Pati signaling at nature study at clean up ay tinuro din sa amin. Nagkaroon pa kami ng tree planting at lecture sa tree caring at tree growing.

Sa huling gabi namin sa camping ay nagkaroon ng cultural night. Lahat nga mga participants ay nagtipon-tipon sa grand arena. Bawat region ay may inihandang presentation. Napuno ng kantahan at sayawan ang buong grand arena. May isang malaking bonfire sa gitna na sinindihan noong malapit nang matapos ang cultural night.  Habang ang aming grupo ay nanunuod ay pabaling baling ako ng paningin. Napatigil ako sa isang pamilyar na mukha. Pilit kong binalikan sa aking isipan kung bakit ba parang nakina ko na ang isang boys scout na iyon. Biglang nagbalik sa aking gunita ang bakasyon ko sa Bicol. Siya ung batang utusan sa senakulo at siya din ung pinagmamasdan ko sa volleyball game. Habang tinitingnan ko siya ay bigla itong tinawag ng kanyang mga kasama. ‘Marc!’ Lumingon ito at nakipag usap doon sa mga kasamahan nitong tumawag sa kanya. Naisip ko sa sarili ko, “ahh Marc pala ang pangalan nya.” Nang muli ko syang tingnan ay nakatingin din pala ito sa akin kaya panandaliang nagtama ang aming mga paningin. Ngumiti na lang ako sa kanya at ganun din ang ginawa nya at matapos nito ay binaling ko ulet ang aking paningin at atensyon sa mga nagtatanghal sa entablado. Di ko alam kung naaalala pa nya ako pero biglang tumambad sa aking isipan ang napagandang hubog ng kanyang katawan. Di ako makapagconcentrate sa panunuod kaya nakipagkwentuhan na lang ako kina Semuel at Nick. Muli naming sinariwa ang mga karanasan namin sa camp, ung mga activities at ung mga natutunan namin sa camp. Lahat kaming tatlo ay puno ng panghihinayang dahil tapos na ang camp. Nag enjoy kami ng todo kaya napakahirap isipin na sa mga susunod na araw ay balik na ulet sa lahat ang dati.


-----

Nakatambay kami ni Semuel sa may covered court ng school habang hinihintay namin sina Nick Lynn at Karen ay pinagmasdan namin ang mga estudyanteng dumadaan sa harapan namin.

“Crush mo oh!” Sabay turo ko sa isang sophomore na schoolmate namin.

“Oo nga, napaka amo ng mukha at nag uumapaw sa kagandahan.” Sagot naman ni Semuel.

“Bakit di mo ligawan mukha namang gusto ka nya. At tingnan mo panay din ang lingon nya dito.”

“Ayako nahihiya ako.”

“Ano ka ba kaya mo yan, ikaw pa, hearthrob ka kaya dito sa school. Kilala ka nang starplayer ng track and field. Muntik mo na ngang matalo si Kuya sa 100M at 400M dash noong intramurals natin dito sa school.”

“Nahihiya talaga ako.”

“Pero gusto mo din sya?”

“Ahhh…”

 “Yung totoo?”

“Oo naman, sino ba namang hindi magagandahan kay Therese.”

Sa narining ko parang nakaramdam ako ng kung ano mang kurot sa aking puso. Parang ayaw kong mapunta sya sa iba pero ito’y aking isinantabi.

“Sige tutulungan kita para maligawan mo si Therese.” Ang magiliw kong tugon pero sa likod ng bawat kataga ay ang katotohanang hindi ko alam kung bakit handa akong masaktan makita lamang na maligaya ang aking kaibigan.

-----

“Jerome, may problema ka ba?” Tanong ni Mama sa akin. Nakatingin sa aking plato habang pinaglalaruan ko lang ang aking pagkain.

Wala naman po Ma, bakit nyo po natanong?

“Kasi napapansin ko parang ang tamlay mo lagi. Parang laging malalim ang iniisip mo”.

“Pagod lang po siguro sa school medyo madami na kasi kaming ginagawa ngayon.” Pagpaliwanag ko habang patayo akong lumayo sa mesa.

“Ah sige, basta kapag may problema ka o kapag may gumugulo sa isip mo andito lang ako, handang makinig.”

“Salamat po Ma.” Sabay yakap dito ng mahigpit at agad akong pumunta sa sala at nagbukas ng TV at pilit na inaaliw ang sarili ko sa isang palabas na hindi rin naman pumapasok sa isip ko.

Nakita kong si Kuya Jomar naman ay pinagmamasdan lang kami at nakikinig lang sa aming pinag uusapan.

Nang matapos ang silang kumain ay bumalik ako sa kusina at tumulong sa pagliligpit ng pinagkainan namin. Matapos kong makapaghugas ng mga pinggan ay umakyat ako sa aking kwarto, kumuha ng aking tuwalya at naligo na lamang. Habang nakababad ako sa shower ay muli kong binalikan ang nararamdaman ko para kay Semuel. Habang nagbibihis ako ay biglang may kumatok sa pintuan ko.

“Tuloy, bukas ang pinto.”

Iniluwa ng pinto si Kuya at bigla itong nagsalita habang marahang sinara ang  pinto.

“Kumusta ka na bunso?”

“Ayos lang ako Kuya.”

“Hindi ako naniniwala. Alam mo bang kilala ko na ang kilos mo. Alam kong may gumugulo dyan sa isip mo.” Pagpipilit ni Kuya.

“Ah eh…”

“Alam mo Jerome. Kuya mo ako, kung ano man yan ay makikinig ako at handa akong magpayo. Ayaw ko lang kasi na nakikita kang ganyan. Wala na yung dating masayahin kong kapatid. Nahihirapan ako kapag nakikita kong ang aking bunso ay nasasaktan.”

“Ah kasi Kuya…”

[may kasunod]

No comments:

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.