vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 6, 2011

Waiting for Tomorrow 3


Naging napakasaya ng bakasyon na yun. Bukod sa nagkaroon kami ng oras na makasama sina Lolo at Lola ay nakasama din namin ng matagal si Papa. Sa pagbalik namin sa Manila ay nakaramdam ako ng kaunting lungkot at iiwanan na naman namin sina Lolo at Lola pati na rin si Tonton.

Ang mga katanungan ko sa aking sarili ang pilit na sumisiksik sa aking isipan nung kami ay nasa biyahe pabalik ng Manila. Napansin ito si Kuya Jomar.

“Oh Jerome, mukha yatang ang lalim ng iniisip mo dyan at kanina ka pa tahimik?”

“Ah wala ito Kuya, naisip ko lang sina Lolo, Lola at si Tonton, mamimiss ko sila. Saka mamimiss ko din ang probinsya babalik na naman kasi tayo sa matraffic at mainit na Maynila.”

“Asus, may mga ganyan ka pang iniisip. Itulog mo na lang ayan at tiyak pagising mo ay ok na.”

“Sige Kuya, tulog muna ako.” Sabay pikit ng mata ko.

Bago pa man ako tuluyang mahimbing sa pagtulog ay inakbayan ako ni Kuya at ang aking ulo ay pinasandal sa kanyang dibdib. Hindi ko na inalis ang aking ulo at nagpatuloy na lang ako sa pagtulog dahil muli naramdaman ko na ligtas ako sa posisyong yun.

Gabi na ng maabot namin ang South Luzon Expressway at dahil nagugutom na din kami ay minabuti ni Papa na kumain muna kami sa isang fastfood restaurant sa isang gasolinahan sa SLEX. Nang matapos kaming kumain at nakapagpahinga na ng konti ay nagpatuloy kami sa aming byahe. Ilang sandali pa ay lumabas na kami sa expressway at tinungo na namin ang kalsada papunta sa aming subdivision.

Nang makarating kami sa bahay ay tumulong ako sa pagbaba ng aming mga gamit mula sa sasakyan at matapos noon ay nagpaalam ako kila Mama at Papa na doon muna ako sa aking kwarto para makapagpahinga. Nahiga muna ako sa aking kama. Habang nasa ganun akong posisyon ay nanumbalik sa akin ang mga katanungang hanggang ngayon ay di ko alam ang kasagutan.

“Bakit nawiwili akong tingnan ang magandang katawan ng mga kalalakihan? Bakit parang nagagalit at naiinggit ako kapag iba ang kasama ni Kuya? At ano naman ang dahilan at hindi mapakawalan ng aking isipan ang mukha ng binatang aking nakatitigan?”

Bago ko pa man mabigyan ng kasagutan ang aking mga katanungan ay binalot na ako ng antok at nakatulog. At kasabay ng paglalakbay ng aking diwa ay pansamantalang nawala ang mga tanong sa aking isipan.

-----

Lumipas ang mga araw na naging normal ang takbo ng aking buhay. Kung hindi ako nanunuod ng TV ay nasa harap ako ng computer naglalaro ng online games o nasa aking kwarto, nakahilata sa aking kama habang nakatitig sa aking binabasang libro. 

Isang Sabado ng umaga, dalawang linggo bago ang pasukan ay niyaya kami ni Mama na mamili ng mga kakailanganing mga gamit sa paaralan. Nagpunta kami sa pinakamalapit na mall sa amin at dumiretso sa isang sikat na tindahan ng mga libro at school supplies. Madaming tao ang nasa loob ng tindahan na tulad namin ay namimili din ng mga gagamitin sa darating na pasukan.

Humiwalay ako kina Mama at nagpunta sa section ng mga libro, dito ako tumingin ng mga bagong mga libro na bibilhin ko kapag nakaipon ako ulet mula sa aking allowance. Namili ako ng isa sa mga libro at binasa ko ang synopsis sa likod nito. Noong malapit ko nang matapos ang binabasa ko ay walang malay akong nag-abot ng isa pang libro mula sa shelf ngunit imbes na libro ang nahawakan ko ay kamay ng isang tao. 

"Ay, sorry!" gulat kong sabi sabay lingon sa mukha ng taong nagmamay-ari ng kamay na nahawakan ko. Pagkakita ko sa mukha niya ay parang biglang bumagal ang takbo ng oras at napatitig na lang ako dito.

‘Mukhang pamilyar ang taong ito. Parang nakita ko na siya dati.’ Bulong ko sa sarili.

Nagising ako sa aking pagkakatitig nang bigla itong nagsalita.

"Baka gusto mo nang bitawan ang kamay ko?" sabi nito.

Bigla namang namula lalo ang aking mukha sa narinig kong iyon. Binitiwan ko ang kanyang kamay at napayuko na lang ako sa sobrang kahihiyan sa nagawa ko.

“Sorry.” Ang mahina kong nasabi.

"Fan ka din pala ng mga ganitong libro?"

Tiningnan ko sya sa mukha at saka ako sumagot.

"Oo, sa katunayan eh yung book 5 niya na lang ang kulang ko kaya lang wala pa akong pera na pambili, pag iipunan ko pa sa allowance ko."

"Ako din eh, yan na lang ang hindi ko nababasa, ayaw ko namang basahin yung mga e-book kasi masakit sa mata saka gusto ko hawak ko yung libro kapag binabasa ko."

"Ikaw nga!" Ito ang naisagot ko sa sinabi nya nang maalala ko na kung bakit pamilyar ang mukha nya. Siya ung batang lalaki sa simbahan na noong mga panahong yun ay puno ng lungkot ang mga mata at parang napakatamlay nya. Ibang iba na sya ngayon, tila may kakaibang sigla sya pero kung talagang pagmamasdan mo ng mabuti ay nandun pa rin ang lungkot sa mga mata nya kahit na nga ay pilit nya itong tinatago.

"Ako ang ano?" Nagtatakang tanong ng binata.

"Naalala ko lang kung saan kita unang nakita, kaya pala pamilyar yung mukha mo?"

"Ha?"

"Nakita kita dati sa simbahan, kasama mo ata yung nanay mo noon, tapos ang lungkot lungkot ng hitsura mo. Bago yun mag holy week, kung di ako nagkakamali." Pagpapaliwanag ko.

"Ah kasi..." at bigla siyang natigilan, bumagsak ang kanyang mga balikat, napabuntong hininga at parang bumalik ang lungkot sa kanyang mga mata.

"Ayos lang kahit wag mo nang ikuwento, naiintindihan kong mahirap pa para sayo na sabihin ito. Hindi na kita kukulitin baka masyadong personal."  Naisip ko na hindi pa nga naman kami ganun ka-close para sabihin nya sa akin ang bagay na yun.

"Salamat." ang tanging nabanggit nya.

"Siya nga pala, kanina pa tayo nag uusap ay di pa tayo magkakilala, ako nga pala si Jerome." sabay abot ng aking kamay.

"Oo nga. Ako naman si Semuel." sabay abot sa kanyang kamay. 

"Nice meeting you..." pero bago ko pa man madugtungan ang aking sasabihin ay nagring ang aking cellphone. Si Mama tumatawag na, siguro ay tapos na mamili ng mga gamit namin ni Kuya. Alam na kasi ni Mama ang mga gusto kong gamit kaya di na ako sumama sa kanya sa pagpili nito.

Matapos kong makausap si Mama ay nagpaalam na din ako kay Semuel. Pinuntahan ko ang kinaroroonan nila Mama at Kuya. Matapos ang pamimili ay pumunta kami sa isang fastfood at kumain kami. Di ko naman maintidihan kung bakit pilit na sumisiksik sa aking alaala si Semuel. Bawat detalye ay malinaw sa aking isipan. Ang tangkad nitong 5'11", ang payat na pangangatawan, ang mga matang mapupungay, ang maputi nitong balat at ang kanyang mapupulang mga labi na noon nga ay nakangiti na ng mas madalas. Biglaan ang pagtapik sa akin ni Kuya na nagpabalik sa aking naglalakbay na isipan.

"Oh ano na naman ang iniisip mo at tulala ka na naman?" ang tanong ni Kuya.

"Ah eh... Naisip ko lang yung libro na gusto kong bilhin." ang pagpapalusot ko. Mukhang hindi naniniwala si Kuya pero hindi na naman siya nagtanong pa at hinayaan na lamang ako na kainin ang aking fries at burger.

-----

Mabilis na lumipas ang dalawang linggo at di ko namalayan na pasukan na pala sa susunod na araw. Inihanda ko na ang aking uniporme para naman kahit ma-late ako ng gising ay nakahanda na ang aking mga gagamitin. Dumating ang araw ng pasukan. Maaga akong natulog kaya maaga din akong nagising, naligo at nakapagbihis. Lumabas ako sa aking kwarto at nagpunta sa kusina kung saan andun sina Mama at Kuya.

"Oh Jerome, saan punta mo? Linggo pa lang ngayon ah?" Seryosong pagtatanong ni Kuya na noon ay nakarubber shoes at mukhang kagagaling lang magjogging.

"Ha?" ang gulat kong sagot kay Kuya. Biglang napaisip ako kung tama nga ba ang sinabi ni Kuya. Pero naisip ko na katatapos lang naming magsimba kahapon kaya ngayon ay Lunes. Ngayon ang unang araw ng klase. Sigurado ako doon.

"Lunes kaya ngayon!" Pagpipilit ko kay Kuya.

"Alam ko! BInibiro lang kita, mabuti at maaga kang nagising, makakasabay ka pa sa akin. Bakit pala ang aga mo ngayon?"

"Eh kasi Kuya sinunod ko na yung payo mo, maaga akong natulog kagabi."

"Ah... Mabuti kung ganoon."

Matapos makapagbihis at makapag almusal ay sabay na kaming nagpaaalam ni Kuya kay Mama at pumasok kami sa school. Dahil sa freshman pa lang ako at graduating na si Kuya ay naghiwalay kami pagdating namin sa gate ng school. Agad naman akong nagpunta sa bulletin board ng school kung saan doon nakalagay ang room assignment ng mga bagong estudyante. Dahil nga doon din si Kuya nag aaral ay pinasyal na nya ako doon minsan at tinuro na nya sa akin kung nasaan ang magiging room ng mga freshman at kung ano ano pang mga lugar sa loob ng paaralan. Pinuntahan ko ang room namin at pinagmasdan ang mga taong naroon. Naghahanap ng pamilyar na mukha sa mga taong nasa loob ng silid. Wala akong nakitang kakilala pero naroon na ang isang babaeng pakiwari ko ay ang aming class adviser.

Naghanap ako ng mauupuan at doon ay naglabas ng tinatapos kong libro at nagsimula akong magbasa. Nasa kalagitnaan ako ng aking pagbabasa nang marinig ko ang bell na hudyat na kailangan lumabas at pumunta sa covered court ng school para sa flag ceremony. Ibinalik ko sa aking bag ang aking libro at sumabay na din sa mga bago kong kaklaseng lumalabas ng aming room at patungo as covered court. Wala sa isip akong nakipila para sa mga magiging kaklase. Nagulat ako ng may isang pamilyar na tinig akong narinig at tinatawag pa ang aking pangalan.

“Jerome?” pag aalangan ng tinig.

Napalingon ako sa pinanggagalingan boses at nagulat ako sa aking nakita.

“Jerome! Ikaw nga! Buti naman at may kakilala na ako dito.”

“Oy Semuel! Ikaw pala! Tama ka at least may kasama na akong kakilala dito sa school.” Sa pagkakita kong iyon ay di ko maintindihan kung bakit biglang napuno ako ng sigla. Na tila kaya ko nang harapin ang buong araw ng walang pag aalinlangan at di na ako kinakabahan sa aking unang araw sa isang bagong paaralan.

Natapos ang flag ceremony at bumalik na kami sa aming silid. Naupo kaming magkatabi ni Semuel dahil siya lang ang kakilala ko sa bagong school na yun. Dumating ang aming teacher para sa unang subject at isa isa kaming nagpakilala sa buong klase.

“This is what I want you to do, when I call your name I want you to introduce yourselves, tell us what you do during your free time and share anything that is interesting about yourself.” Instruction ng aming guro.

Matapos nun ay nagsimula siyang magbasa mula sa listahan ng mga estudyante sa klase namin. Inuna muna ang mga babae at nang matapos ay kaming mga lalaki naman ang tinawag. Nauna akong tinawag kay Semuel at naikuwento ko ang bakasyon namin sa Bicol noong Holy Week. Nang matapos ako ay si Semuel naman ang tinawag ang agad naman itong tumayo at nagpakilala.

“Good morning everyone! My name is Semuel Gilbert Sayson. I love to read during my free time. I am usually shy when I’m around people and we just moved back here in Manila from Bicol.” Pagpapakilala ni Semuel.

Nagpatuloy sa pagpapakilala ang mga natitira pa naming classmate at nag umpisa na din magturo ang aming guro. Halos introduction lang at reviews ng mga natutunan namin sa elementary ang mga tinanong ng amin ng teacher.

Ganito ang naging takbo ng mga subjects namin sa umaga at noong lunch break na ay niyaya ko si Semuel na sumabay na sa aking maglunch sa canteen dahil wala pa naman kaming masyadong madaming kakilala doon. Sumabay kami sa agos ng mga estudyante na papunta din sa canteen para mananghalian. Tuminingin kami sa mga pagkain sa canteen at pumili, sabi ko sa kanya ako na ang magbabayad at siya na ang maghanap na upuan namin. Inabot nya sa akin ang kanyang pera at ako naman ay pumila para magbayad.

Ginalugad ng aking mata ang mga mesa sa canteen habang hinahanap ko si Semuel, agad ko itong natanaw sa isang sulok at may ilan itong kasama sa table. Pagdating ko sa table ay bigla itong nagsalita.

“Sorry ha, wala nang bakanteng lamesa kaya dito na lang, nakishare na lang ako sa kanila.”

“Ayos lang yan.”

Nalapag ko ang aming pagkain at naupo nang biglang may taong humawak sa ulo ko at ginulo ako aking buhok. Nang palingon na ako ay bigla itong nagsalita.

“Kumusta ang unang araw mo bunso?”

“Ayos lang Kuya. Wala pang masyadong kakilala. Ay sya nga pala si Semuel, classmate ko at sya naman ang Kuya Jomar ko.” Pagpapakilala ko sa dalawa.

“Ah mabuti at may kaibigan ka na. Sige bunso kain lang din kami ng mga kaibigan ko.”

“Sige Kuya. Mamaya na lang.”

Matapos naming kumain ay bumalik na kami sa aming classroom. Tulad ng nangyari noong umaga ay ganun din ang nangyari sa hapon puro mga refreshers lang. May ilan na nagbigay ng mga assignments at yung iba sinabi na agad ang mga projects na gagawin namin.

Natapos ang klase at oras na ng uwian. Hinintay ko si Kuya Jomar sa may gate ng school kasi sabi nya ay doon nya ako dadaanan. Si Semuel naman ay kasama ko habang naghihintay.

“Saan ka ba umuuwi Sem?” Tanong ko.

“Dyan lang sa Villa Celestina.”

“Di nga?” Gulat kong sambit

“Oo nga. Bakit ikaw ba saan ka ba nauwi?”

“Sa katabi lang na village, yung Pleasantville.”

Habang nasa kalagitnaan kami ng pag-uusap ay dumating si Kuya.

“Bunso, sorry di muna ako makakasabay, may meeting daw kami sabi ni coach, gusto mo mauna ka na? Baka kasi matagalan pa ako.” Ang pagpapaliwanag ni Kuya.

“Ay ganoon ba, sige Kuya mauna na ako. Ingat ka na lang pag-uwi.”

“Ako pa!” Ang sagot ni Kuya sabay gulo ng buhok ko at kurot sa aking pisngi.

Nang gawin iyon ni Kuya ay bigla naman akong nahiya at tiningnan ko ang mukha ni Semuel, pero wala naman akong naaninag na pagbabago.

“Sige bunso, Semuel, mauna na ako at baka pagalitan ako ni coach. Ingat kayo pauwi!”

“Sige Kuya, ingat ka din. Kita na lang tayo sa bahay.” Ang pagpapaalam ko kay Kuya.

“Tara na Jerome at baka nag-aalala na yun sa akin si Mama.” Ang yaya ni Semuel.

“Sige, tara na.”

Agad kaming pumara at sumakay ng jeep na dadaan sa kanilang mga uuwian. Habang nasa jeep ay patuloy ang kwentuhan namin tungkol sa kahit anong bagay na aming maisipan. Kung titingnan nga kami parang antagal na naming magkakilala at magkaibigan. Hindi ko rin alam kung bakit ang gaan ng pakiramdam ko kay Semuel at muling bumalik sa aking gunita ang malungkot na mukha nito.

“Malalaman ko din ang sanhi ng iyong kalungkutan at gagawin ko ang lahat para mapawi ang kung ano man ang bumabagabag sayo.” Ang bulong ko sa sarili habang wiling wili akong nakatitig sa mukha ni Semuel na tuloy tuloy pa din sa kanyang pagkukwento.

Nang malapit na kami sa aminng bababaan ay nagkasundo kaming magsabay na kinabukasan pagpasok. Binigay ko ang aking cellphone number pati na ang aming landline number at ganoon din ang ginawa ni Semuel. Nagpaalam kami sa isa’t isa at nagpunta sa aming kanya kanyang village.

Habang ako ay naglalakad ay puno ng saya ang araw ko. Hindi mapawi ang mga ngiti sa aking labi dahil sa pagiging classmate namin ni Semuel. Napatigil na lang ako nang biglang sumingit sa isipan ko ang mga dati ko nang mga katanungan at ngayon ay may nadagdag na naman.

“Ano nga ba ang dahilan bakit kay gaan ng aking kalooban kay Semuel? At bakit ako nag aalala kanina sa magiging reaksyon nya sa ginawa sa akin ni Kuya?”

Narating ko ang aming bahay at agad akong pumunta sa aking kwarto, nagbihis at nahiga sa kama. Naalala ko ang number na binigay ni Semuel kaya agad kong kinuha ang aking cellphone at nag text ako sa kanya na nakarating na ako sa bahay. Sumagot naman ito na kararating na lang din daw sa kanila. Mga ilan pang palitan ng mga text message ang aming ginawa bago ako nagsabing gagawa muna ako ng mga assignments namin at magkita na lang kami bukas para sabay pumasok sa school.

Naging ganun ang aming routine ni Semuel, sabay kaming pumapasok at umuuwi. Minsan sinasama ko muna siya bahay para doon kami gumawa ng assignments namin. Magaling kasi siya sa Math na yun naman ang pinaka ayaw kong subject kaya naman nagiging tutor ko sya lalo na kapag di ko magets ang lesson namin. Minsan ako naman ang dumadalaw sa kanila. Nakilala na din sya ni Mama at pinakilala na din nya sa akin si Tita Emy, ang kanyang ina. Nagtatatrabaho sa isang bangko ang kanyang nanay at madalas ay gabi na ito dumadating kaya minsan ay sa bahay lagi nakatambay si Semuel. Natutuwa naman si Mama kapag nandun si Semuel kasi sa bukod sa may nakakausap ako ay natutulungan pa ako sa aking pag-aaral.

Sa school ay lagi kaming magkadikit ni Semuel, minsan nga tinutukso na kaming magkambal kasi lagi kaming magkasama. Kung nasaan ako tiyak andun din sya ay kung nasaan sya malamang ay nasa paligid lang din ako. Sa mga group projects ay kami ang laging magkapares.

Halos lahat napag uusapan namin pero may isang bagay lang na tanging katahimikan ang nakukuha kung sagot sa kanya kapag pamilya na nya ang aming topic. Marami akong katanungan na walang kasagutan.

“Bakit sila lang mag ina ang nasa kanilang bahay? At bakit wala man lang naikukuwento si Semuel tungkol sa kanyang ama? At ano ang dahilan ng kanyang kalungkutan noong una ko siyang nakita?”

Kahit anong pilit ko sa kanya ay di na ito magawang ikwento, kaya di ko na din sya kinukulit at pilit ko na lang na iniiba ang aming pinag uusapan. Kung hindi mga bagong laro sa computer ay mga bagong libro na nais naming bilhin.

Sa dalas na aming pag sasama ay di ko maiwasan na may maramdaman para kay Semuel, di ko ito magawang ipagtapat sa kanya kasi ako man ay naguguluhan. Wala akong makausap tungkol dito at natatakot din siguro ako na malaman ang mga kasagutan. Isa lang ang natitiyak ko sa ngayon. Espesyal para sa akin si Semuel, kung higit pa ba sa kaibigan ang aking nararamdaman, di ko alam ang kasagutan.

[may kasunod]

No comments:

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.