vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Saturday, December 31, 2011

Waiting for Tomorrow 13


Galit na galit ang itsura ni Papa habang nakatingin sa amin sa hapagkainan. Lumapit ito sa akin at biglang nagsalita habang dinuduro ako sa mukha.

“Putang ina mo! Matagal na akong nagtitimpi sayo. Hinayaan na kita pero wala ka na talaga sigurong takot sa akin at dinala mo pa dito yan.” Sabay turo nito kay Nick.

“Pa, kaklase ko lang po sya, kaibigan at nagpunta sya dito para tulungan akong gumawa ng project ko sa Science.” Mahinahon kong pagpapaliwanag pero sa loob ko ay kinakabahan na din ako sa pwedeng mangyari. Talaga kasing nanginginig sa galit si Papa sa mga sandaling iyon.

“At anong project na yan? Yung nakita kong paglaladian nyo, sa harap pa ng pagkain, mga walang galang.”

“Sir excuse po, sorry po kung nakikisali ako pero wala naman po kaming ginagawa masama ni Jerome. Talagang gumawa lang po kami ng project pero dahil po inabot na kami ng hating-gabi ay dito na ako pinatulog ni Tita. Sorry po kung nakaabala po ako sainyo.” Pangangatwiran ni Nick na tumayo na at hinarap si Papa.
Huwag kang makisali dito. Huwag kang makigulo sa aming pamilya.” Pagsabi nito ay akmang susuntukin si Nick. Mabuti na lamang at naitulak ko sya kaya ako ang natamaan ni Papa sa aking balikat. Masakit pero ayos na sa akin na ako na lang ang masaktan huwag lang si Nick.

“Pa, tama na po. Wala naman po kaming ginagawa ni Nick!”

“Huwag ka nang magsinungaling!” Pagkasabi nito ay bigla hinablot ni Papa ang kwelyo ng aking suot na t-shirt.

“Ha?” Nagtatakang kong sagot. ‘Patay, narining kaya ni Papa ang ingay namin kagabi?’ Bulong ng aking isip.

“Ernest tama na yan!” Pagsasaway ni Mama.

“Kaya nagkakaganyan yang batang yan kasi kinukonsinte mo.”

“Dahil tanggap ko kung ano sya, dahil kahit ano pa man sya isa lang ang katotohanan na dapat mong tanggapin, anak mo sya, dugo at laman…” Pagpapaliwanag ni Mama.

“Wala akong anak na bakla! Kailan man ay hindi ko matatanggap na may anak akong bakla!”
Parang dinudurog ang puso ko sa sakit ng pananalita ni Papa. Dahil lang ba sa aking pagkatao ay kaya na nya akong itakwil at kalimutan bilang anak? Ganun na lang ba kasama para sa kanya ang pagiging bakla?

“Wala na po akong magagawa, eto po ako. Sinubukan kong magbago, sinubukan kong magpakalalaki pero kahit anong pilit ko Pa bakla ako. At yun ang totoo.”

“Aba’t nangangatwiran ka pa!” Sabay sampal sa akin ni Papa. Halos mabingi ako sa lakas na pagkakasampal nya sa akin. Hindi pa ata nakuntento si Papa sa ginawa nya kaya sinuntok pa nya ako sa sikmura. Sa sobrang sakit ay halos maisuka ko na ang aking kinaing almusal. Napayuko na lang ako habang hawak hawak ang aking tiyan na noon ay nanakit pa din. Natigil lang si Papa nang biglang sumigaw si Nick.

“Tita!”

Sabay kaming lumingon sa kinaroroonan ni Mama. Nakita kong bumagsak ito at nakahawak sa kanyang dibdib, banaag sa kanyang mukha ang sakit at hirap. Napatigil sandali si Papa at nang matauhan ay tumakbo ito sa tabi ni Mama. Tumabi na din ako kay Papa na halatang nagulat din sa nangyari. Habang si Nick ay nakatingin lang sa amin.

“Lorena!”

“Ma!”

Dali-daling binuhat ni Papa si Mama at isinakay sa sasakyan. Binuksan ko ang garahe at nang akma na akong papasakay sa ay biglang nagsalita si Papa.

“Huwag kang magtangkang sumakay, baka kung ano pa ang magawa ko sayo. Ikaw ang malas sa pamilyang ito! Ikaw at ang kabaklaan mong yan! Noong una si Jomar, ngayon naman si Lorena! Malas ka talaga!”

Nanglamig ako sa sinabing iyon ni Papa, ngayon ko lang narinig mula sa kanya ang ganito. Ako pala talaga ang sinisisi nya sa pagkawala ni Kuya. Nanghihina kong sinira ang pinto ng sasakyan at pinagmasdan ko na lamang na humarurot ito papuntang ospital. Napaupo na lamang ako sa aking pwesto at niyakap ko ang aking hita. Hinayaan ko na ding dumaloy ang mga luhang kanina ko pa pinipigil. Hindi ko na pinapansin ang mga taong lumilingon at napapadaan sa tapat ng bukas naming gate.

Lumabas si Nick ng bahay at nakita ang aking kalagayan. Sinarhan nya muna ang gate at lumapit ito sa akin. Hinimas ang aking likuran para ako ay patigilin sa pag-iyak. Inakay nya ako papasok ng bahay. Parang bata naman akong sumunod na lamang sa kanya sa kung saan man nya ako papuntahin. Pinaupo ako ni Nick sa sala at tumabi ito sa akin.

“Tahan na Jerome, magiging maayos din ang lahat.”

“Narinig mo ba ang mga sinabi sa akin ng sarili kong ama? Kulang na lang ay sabihin nya sana ako na lang nawala!” Galit kong tugon kay Nick. Alam kong wala naman syang kasalanan pero kailangan kong mailabas ang lahat ng damdamin sa puso kasi kung hindi ay baka hindi ko na alam ang maari kong gawin. Tahimik lang si Nick at hinayaan lang akong ilabas ang aking nararamdaman. Siguro nauunawaan nya ang pinagdadaanan ko.

“Bakit nga ba hindi na lang ako? Sana ako na lang. Sana wala nang problema kung wala na ako.”

“Huwag mong sabihin yan Jerome, pagsubok lang ito.”

“Pagsubok? Kung pagsubok man ito ay ayaw ko itong pagdaanan. May mali ba akong ginawa para maranasan ko ang ganito?”

“Walang nakakaalam ng kasagutan pero huwag kang mawalan ng pag-asa, magiging maayos din ang lahat.”

“Ewan ko Nick, pagod na ako, pagod na ang puso kong masaktan. Kung kailan naman akala ko magiging maayos na ang lahat ay biglang ganito na naman. Ang saklap.”

“Tama na nga yang pag-sesenti mo. Mag-ayos ka na at susunod tayo doon sa ospital.”

Muli sinundan ko ang sinabi ni Nick, inayos ko ang aking sarili, isinantabi ko muna ang aking nararamdamang sakit at lungkot dahil hindi ko alam kung ano ang nangyari kay Mama. ‘Nawala na si Kuya sa akin, pati si Papa ay tinaboy na din ako, ang tanging kakampi ko sa aking pamilya ay mawawala pa, huwag naman sana.’

-----

Sumunod kami ni Nick sa ospital. Pagdating namin sa ospital ay nagpunta agad kami as nurse’s station para alamin kung nasaan si Mama. Sinabi sa akin na nasa private room na ito. Tinungo namin ang sinabing silid at nakita ko na nakahiga si Mama sa kama, may nakakabit na dextrose habang nasa tabi nito si Papa.
Lumapit ako at pumunta sa kabilang side ng kama. Pinagmamasdan ko lang ang pagtaas-baba ng kanyang dibdib sa bawat paghinga niya. Hinawakan ko ang kamay ni Mama at pinisil at nagdasal. Nagpasalamat ako sa Diyos kasi nasa maayos ang lagay.

Nakatingin lang sa akin si Papa, parang masusing pinagmamasdan ang buo kong katauhan. Gustuhin ko man na tanungin siya sa kung ano ang kalagayan ni Mama ay parang naputol ang aking dila at di ko magawang magsalita. Si Nick naman ay  nasa tabi ko lang, ang taong laging andyan para alalayan ako.
Tumayo si Papa at biglang nagsalita ng walang kaemo-emosyon.

“Dito ka muna, bantayan mo ang Mama mo. Alis lang ako.”

“Opo.”

Mga ilang minuto din kaming naging tahimik ni Nick matapos lumabas si Papa. Siguro ay parehas naming iniisip ang mga nangyari noong umaga.

“Pasenya ka na Jerome, dahil sa akin ay nagalit sayo ang Papa mo.”

“Huwag Nick, di mo kailangang mag-sorry. Wala kang kasalanan. Matagal nang ganun si Papa, simula noong nalaman nya na…” Hindi ko maituloy ang aking sasabihin. May isang bahagi sa akin na ayaw banggitin ang  katotohanang bakla ako. Parang kapag hindi ko ito sinabi ay baka may magbago pa sa aking pagkatao.

“Sorry kung nahihirapan ka. Tandaan mo, walang mali sayo. Dahil ikaw yan, yan ang Jerome na ginawa ng Diyos.”

“Buti ka pa Nick tanggap ako. Buti ka pa hindi mo nararanasan ang ganito.”

“Dahil hindi pa nila alam kung ano ako.”

“May balak ka bang ipaalam sa mga tao, I mean mag-out?”

“Ewan ko , di ko naman kailangan ng approval ng mga tao para maging masaya ako. Eto na ako, tanggap ko na. Kung may problema sila doon ay bahala sila, basta ako ay masaya lalo pa at kasama kita.”
Natigil ang aming pag-uusap nang biglang bumukas ang pinto ng kwarto at pumasok sina Lynn, Karen at Semuel. May dalang pagkain at prutas.

“Kumusta na si Tita?”

“Ay di  ko pa din alam kung ano ang nangyari, di sinabi ni Papa.” Pagkasabi ko nito ay may pumasok na nurse at tiningnan si Mama.

“Excuse me! Kumusta po si Mama? Saka ano po ba talaga ang nangyari?”

“Okey naman siya, minomonitor lang namin ang kanyang blood pressure. Kasi mataas ito noong isinugod sya dito. Tinitingnan pa natin kung meron ba itong ibang complications pero as of now ay okey naman at stable ang kanyang condition.”

“Ah ok po. Salamat.”

“Kumusta ka na Jerome?” Pagtanong ni Semuel na ikinagulat ko.

“Ha? Bakit? Ayos lang!” Matabang kong sagot.

“Hindi nga, nasabi sa akin ni Nick ang nangyari kanina, okey ka lang ba talaga?” Pangungulit nito.

“Ano bang pakialam mo sa nararanasan ko!” Naisip ko na naman yung nangyari sa amin sa canteen. Yung hinayaan nya lang si Therese sa ginawa nito.

“Halika nga muna rito at mag-usap tayo.” Sabay hablot sa braso ko at paghila nito sa akin papalabas ng silid. Wala namang nagawa ang mga kaibigan namin nang tingnan ng masama ni Semuel ang mga ito, lalong-lalo na si Nick.

“Ano bang problema mo?” Galit kong sabi dito.

“Gusto lang kitang makausap tulad ng dati.”

“Tapos na yun, nakaraan na. Move on. I am trying!”

“Bakit ba ganun na lang ang galit mo sa akin? Balewala na ba ang pinagsamahan natin dati? Akala ko ba walang iwanan?”

“Ipapaalala ko lang sayo, ikaw ang nang-iwan, sumunod lang ako. Ikaw ang umalis at hindi ako!”

“Kailangan kong umalis dahil…” Hindi nya maituloy ang kanyang mga sinasabi.

“Dahil ano? Huwag ka nang magdahilan, okey na ako. Saka pwede tigilan mo na ang pangungulit sa akin.”

“Hindi!” Mariin nyang tugon na sinagot ko naman ng isang mapanuring titig sa kanya.

“Kung alam mo lang kung gaano ka kahalaga sa akin Jerome. Kung alam mo lang kung gaano ako nangungulila sayo at sa ating samahan…” Mahinang pagpapaliwanag nya.

“Talaga? Hindi ko halata yang mga sinasabi mong yan.” Pagmamatigas ko pa din.

“Sorry! Alam kong andami ko nang pagkukulang sayo. Gustuhin ko man na iwanan ka hindi ko magawa. Alam mo bang kaya kinausap ko si Nick noong unang nag-away tayo ay dahil iniisip pa din kita. Oo may galit ako sayo pero ewan ko ba kung bakit lagi pa din akong nag-aalala sayo. Kaya ganun ang galit sayo ni Therese  dahil madalas ay ikaw ang aming napagkukwentuhan. Lagi kong nababanggit ang pag-aalala ko sayo.”  Dahil sa narinig kong sinabi nya ay hindi ako makapagsalita. May bahagi sa aking isip na hindi matanggap ang kanyang mga tinuran. Matapos nya akong pagsabihan ng mga masasakit na bagay tungkol sa aking pagkatao ay sasabihin nyang lagi nyang inaalala ang kalagayan ko. Sa isip parang hindi nagtutugma ang mga bagay-bagay.
“Saka gusto ko din mag-sorry sa mga nasabi ko sayo dati. Alam kong sobrang sakit noon para sayo, lalo pa at galing sa akin, na tinuring mo nang isang kapatid. Nagulat lang talaga ako sa sinabi mo, hindi ko lang din siguro maamin sa sarili ko na may nararamdaman ako para sayo. Ngayong nagkalayo tayo, napagtanto ko na isa ka sa mga taong napakahalaga sa akin. Hindi ko man kayang tumbasan ang pagmamahal na sinabi mo sa akin ay ibibigay ko naman ang kung ano ang kaya ko, ang pagmamahal ng isang matalik na kaibigan , ng isang kapatid. Hindi ko pa din nasasabi sayo ang mga napagdaanan ko kaya ayaw ko sa mga bakla, pero syempre di ka kasama dun, kasi kilala kita at kahit kailan hindi ka katulad nilang mapagsamantala.”

Nagpatuloy si Semuel sa kanyang pagkukwento sa akin ng kanyang napagdaanan. Halata ko sa kanyang mukha na hindi pa rin sya komportableng sabihin ito pero dahil kailangan kong maintindihan ay hindi ito nagdalawang isip na sabihin sa akin. Nagulat ako sa kanyang mga naikwento pero nakatigil ang aking utak sa sinabi nitong mahalaga sya para dito. Ngayon ay mas lalo kong nakita ang isang bahagi ni Semuel na matagal ko nang hinahanap. Ang bahaging laging nag-aalala at nagpoprotekta sa akin. Ang galit at sama ng loob na kanyang dinadala ay napalitan na ng pang-unawa at pagpapatawad. Sa naging usapan namin ay lalong nagkaroon ako na lakas ng loob na maging matatag sapagkat muling nagbalik ang isang kaibigan, ang isang kapatid. Nawala man ang Kuya Jomar nya ay nabalik naman ang kanilang samahan ni Semuel.

Bumalik kami sa kwarto at nagulat ang aming mga kaibigan.

“Mukhang okey na kayo ah?” Pagtatanong ni Nick.

“Nakinig din sa wakas.” Pabirong sagot ni Semuel.

“Kailangan lang talaga kasing pinipilit… ngayon Nick alam mo na…” Sabay tawa ng malakas.
Tigilan nyo nga ako. Nagising na ba si Mama?

“Mahimbing pa din ang tulog, hayaan mo muna syang magpahinga. Sya nga pala alis muna ako at uwi muna sa bahay.” Pagpapaalam ni Nick.

“Sasabay na din kami.”

“Sige. Salamat sa pagdalaw ha. Ingat kayo. Kita na lang tayo sa school bukas. Salamat Nick… sa lahat.”

-----

Naiwan akong mag-isa  na iniisip ang naging takbo ng aming usapan ni Semuel, noon ko naalala ang sinabi na Marc na kailangan ko nga lang talagang kausapin si Semuel para alam ko kung saan ako lulugar. Oo may konting sakit na malaman ang katotohanan pero ngayon alam ko na kung ano ang kinatatayuan ko. Nasa gitna ako ng aking pagmuni-muni nang magising si Mama.

“Ma kumusta na po kayo?”

“Mabuti na ako anak. Ikaw kumusta ka na? Sorry sa nangyari.”

“Wala ka naman pong kasalanan. Okey lang po ako.” Pagsisinungaling ko. Alam ko kasi sa sarili ko na maging hanggang ngayon ay naiisip ko pa din kung tama ba ang naging desisyon ko na panindigan ang aking pagkatao. Kasi ngayon ay nararamdaman ko na ang hirap at sakit ng pagiging ganito.

“Ma, bakit di kayo nagsasabi na nahihirapan kayo. Bakit di man lang nyo ako kinausap sa pinagdadaanan nyo?”

“Hindi naman sa ayaw kong magsabi, alam ko lang  kasi na may mga problema ka din at ayaw ko na itong dagdagan pa.”

“Ma, mas importante kayo sa kung ano mang pinagdadaanan ko. Hindi ko kakakayanin kapag may nangyari sa inyo. Ikaw na nga lang ang andyan para sa akin tapos ganito pa. Basta promise nyo sa akin na  magiging ok ka na. Tulong tulong tayo sa kung ano mang problema meron tayo.

“Sige anak.”

“Gusto nyo po ba ng prutas? Ipagbabalat ko po kayo.”

“Huwag na anak, matutulog na lang muna ako.”

Dumating si Papa na may dalang pagkain galing sa isang fast food.

“Kumain ka muna. Ako na muna ang magbabantay sa Mama mo. May pasok ka pa bukas kaya pwede ka nang umuwi pagkakain mo.”

“Iuuwi ko na lang po. Sa bahay ko na lang kakainin.”

“Bahala ka.”

Umuwi akong dala ang pagkain. Kahit na nag-uusap kami ni Papa ay ramdam ko na may isang malaking pader sa aming pagitan at sa bawat pagdaan ng panahon ay lalo itong lumawalawak. Hindi ko alam kung makakayanan ko pa sa susunod ang nangyayaring ito sa amin ni Papa pero bahala na nga bukas.

-----

Naging mabilis ang takbo ng mga araw. Naipasa ko ang mga requirements at project. Nakauwi din si Mama sa ospital matapos ang dalawang araw at si Papa naman ay nagleave muna sa trabaho upang samahan si Mama. Natapos ang aming 2nd year na matiwasay, maayos ang mga grades ko at ganun din naman ang barkada. Isang weekend ay nagyaya si Nick na magpunta sa kaming barkada sa mall manlilibre daw ng sine.

"Ma, Pa, punta lang po kami ng mall." Pagpapaalam ko.

“Sino ang kasama mo?” Pagtatanong ni Mama

Magkikita muna kami ni Nick tapos susunod sina Lynn at Karen. Baka late na din kami makauwi at manunuod pa kami ng sine. Tawag na lang po ako kung ano man ang maging plano.” Di na ako nagpaalam kay Papa kahit na nasa tabi lang ito ni Mama kasi alam ko naman na di ako nito papansinin. Simula noong makauwi si Mama ay tuluyan na akong binabalewala ni Papa. Ni tingnan nga ako ay hindi nito magawa. Masakit noong una pero ngayon ay nasasanay na akong ganun na talaga ang pakikitungo sa akin ni Papa.

“Mag-iingat ka anak.”

“Sige po Ma, alis na ako.”

Mabilis akong nakarating sa mall pero napaaga ata ako ng dating kasi wala pa Nick. Nag-ikot ikot muna ako sa mga stalls sa mall. Pumunta ako sa bookstore at doon tumambay. Nagbabasa ako ng mga libro ng biglang may tumapik sa aking balikat.

“Sabi na nga ba at andito ka lang. kanina pa ako paikot ikot dito.”

“Antagal mo kasi eh, kaya umikot na din ako at napunta dito. Ano saan ba tayo saka anong oras ba dadating yung mga yun?”

“Hintayin na natin. Pero samahan mo muna ako, nagugutom ako eh.”

Pumunta kami sa isang fastfood restaurant. Burger, fries, softdrinks at sundae ang aming inorder. Masaya kaming kumakain nang biglang dumating ang mga kaibigan namin.

“Andito pala kayo, bakit kumain na kayo?”

“Eh antagal nyo nagyaya na itong si Nick na kumain at gutom na daw sya. Tingnan nyo nga at nangangayayat na.” Sabay kurot ko sa pisngi nito.

“Ayan na naman kayong dalawa, sweet-sweetan na naman. Baka isipin ng mga makakita sa inyo kayo na.” Biglang sambit ni Karen.

“Tara na manuod na tayo ng sine.” Pag-iiba ko ng usapan.

“Ano ba papanuorin natin?”

“Ewan tingnan na lang muna natin ang oras at kung ano ang mga pelikula habang hinihintay natin si Semuel, padating na daw.” Paanyaya ni Nick.

Habang nagdedesisyon kami ng panunuorin ay biglang dumating si Semuel pero ang kinagulat namin ay kasama nito si Therese. Biglang nag-iba ang mukha ko sa nakita ko pero bago pa man ako makapag-isip ng sasabihin ay hinila ako ni Nick.

“Oh chill! Namumula ka na, ako ang nagpapunta sa kanya dito, pinilit ko si Semuel na isama sya.” Bungad na Nick habang nakatingin lang ako sa kanya.

“Bakit?!” Masungit kong pagtatanong.

“Para sayo.”

“Ha? Di ko magets, paki-explain.”

“Alam ko galit ka sa kanya…”

“Yun naman pala eh, alam mo, bakit pa sya andito?” Pagsasabat ko sa sinasabi ni Nick.

“Kasi kailangan mo nang pakawalan yang galit mo sa kanya. Oo aaminin ko nagkamali sya pero sana bigyan mo din sya ng pagkakataong magpaliwanag.” Pagsusumamo ni Nick.

“Para saan pa? Napakahirap ng bawat araw na nagdaan, nagulo ang tahimik kong buhay dahil dyan sa babaeng yan. Pewede bang huwag na lang sumama? Uwi na lang ako.”

“Jerome, please do this for me.” Pagmamakaawa ni Nick.

“Sige, I will be civil, huwag lang kayong umasang magiging close kami.”

Pagkarinig nito ay bumalik ito sa grupo at pinag-usapan na namin ang pelikulang panunuorin. Pilit akong lumalayo kay Semuel sapagkat andun si Therese lagi sa tabi nito na parang bang anumang oras ay may bigla na lang mang-aagaw sa kanyang boyfriend. Tulad ng naipangako ko kay Nick ay naging civil ako kay Therese, kahit nga may mga pagkakataong gusto nya akong makausap ay nagkukunwari akong walang naririnig o kaya naman ay may kinakausap. Kahit si Semuel ay walang nagawa kundi ang tingnan ako na parang nagmamakaawa na makipag-ayos ako kay Therese. Pero nagmatigas ako, sa mga oras na yun ay hindi pa ang tamang panahon, nandun pa din kasi ang sakit at galit.

Matapos naming manuod at nagkayayaan pa kaming maglaro sa arcade at dahil na din sa nag enjoy kami ay gabi na kami nagpasyang umuwi. Ewan ko din ba kung ano ang pumasok sa isip pero sabi ko kay Nick na doon ako makikitulog sa kanila. Sabi ko tatawagan ko na lang si Mama kapag nasa bahay na nila kami para magpaalam.

Nang makarating kami ni Nick sa kanila ay agad akong tumawag sa bahay. Mabuti na lang at si Mama ang nakasagot. Nagpaalam akong dito muna kina Nick matutulog, di ko na sinabing ayaw ko din munang makita si Papa kasi baka maiyak na naman ako. Pumayag naman si Mama matapos makausap si Nick at matapos sabihin nitong wala namang problema kung doon ako matulog. Matapos yun ay pumasok kami sa kwarto ni Nick. Binigyan nya ako ng pamalit na damit at tuwalya at inalok na maligo para naman daw maginhawahan ako. Sobrang init kasi ng panahon at parang pati ang hangin na pumapasok sa bahay ay mainit din. Mabilis akong naligo at naglinis ng katawan. Pagkatapos ko ay sumunod na din si Nick sa banyo.

Nakahilata ako sa kanyang kama nang sya ay pumasok na nakasuot lang ng checkered na blue boxers at nakasabit sa balikat ang tuwalya.

“Tulog ka na agad?”

“Hindi nakahilata lang, nagmuni-muni lang.”

“At ano naman ang iniisip mo?”

“Wala lang mga bagay-bagay. Nagbabalik tanaw sa mga nangyayari sa aking buhay.”

“Wow senti, tara doon tayo sa sala manuod muna tayo ng tv.”

“Di ka man lang ba magsusuot ng t-shirt?

“Di na, mainit eh.”

Pumunta kami sa sala at naupo ako doon sa sofa. Tumabi din sa akin si Nick pero may konting pagitan sa amin. Binuksan nya ang tv at walang pakialam na nagpalipat-lipat ng channel. Di ko naman din sya inawat sa ginagawa nya kasi ako man ay walang maisip na gustong panuorin. Nang marating nya yung isang music channel ay doon nya na lang tinigil at nilapag ang remote sa coffee table sa harap namin. Lumipas ang tatlumpung minuto na nakikinig lang kami ng musika. Noong nakita kong pumipikit na si Nick ay niyaya ko na itong pumasok na sa kwarto. Matapos kong masiguradong nakasara na ang mga pintuan sa loob ng kanilang bahay ay sumunod na din ako. Nakahiga si Nick sa kaliwang bahagi na kama. May kinuha ako sa aking pantalon at muling bumalik sa kama at tumabi kay Nick.

“Nick gising ka pa?”

“Bakit?”

“Wala lang.”

“Tulog na tayo, love.”

“Ha?”

“Sabi ko tulog na tayo, inaantok na ako.”

“Bangon ka muna. Dali!” Pagpupumilit ko.

“Huwag na. Inaantok na talaga ako.” Pagtanggi nito pero bumangon din ito.

“Ito para sayo.” Sabay bigay ko sa kanya ng isang maliit na kahon na nakabalot sa isang kulay itim na papel at may kulay silver na ribbon.

“Ano ito?”

“Basta para sayo yan.” Hiniwakan ko ang mukha ni Nick at iniharap sa akin. Naglapat ang aming mga labi ng ilang minuto at pagkatapos ay bigla na lang akong nahiga at nagtakip ng unan sa mukha.

“Good Night Nick! Happy Birthday!” Pagkasabi ko nito ay pumikit na din ako at napahimbing na ang aking tulog.

[may kasunod]

9 comments:

Anonymous said...

Grabe !! Ganda talaga ng story tong... more update!! God bless :))

Anonymous said...

much better kung si nick ang maging kasintahan yah, kasi mahal siya nito.. unlike kay semuel na friends and brother lang ang tingin ni nito..

Anonymous said...

super ganda ng story. :">

Anonymous said...

Happy New Year po! More power... ganda ng story, inaabangan ko lagi kung meron na bago updates.... please more updates po... ty

Anonymous said...

january 5 na oh, antagal naman ng next chapter! hahaha...

Anonymous said...

bkit ganun ako ni isa wlang naging experience n lalaking ngmahal sakin.

Anonymous said...

Dear Author,

parang awa mo na, ipublish mo na ang susunod na kabanata...
araw-araw kong chinecheck tong site for the update...
Muah!!!


sincerely,
aviru

Anonymous said...

i want the next chapter...

the story is very nice.

VerdeIsip said...

bakit po wala pa rin update ??

kakalungkot naman... :(

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.