vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Monday, February 20, 2012

Waiting for Tomorrow 18



Gulat ang mababanaag sa mukha naming tatlo nina Nick at Semuel. Bumilis ang tibok ng puso ko sa aking narinig, sigurado akong namumula ang aking pisngi. Hindi ko inaasahan ang sinabing iyon ni Papa na magkatulad kami ni Hector, na nahulog ang damdamin sa kaibigan. Maraming katanungan ang nagsimulang mabuo sa aking gunita. ‘Ano kaya ang ginawa ni Papa tungkol sa nalaman nya? Ano ang nangyari sa kanilang samahan, sa kanilang pagkakaibigan?’ Bago ko pa man ito masabi ay biglang nagsalita si Papa, bakas pa rin sa mukha ang lungkot at hirap dahil sa muling pananariwa nya ng mga alaala ng kanyang kaibigang pumanaw na.

“Parang nawala ang aking kalasingan sa kanyang sinabi. Nang mga sandaling iyon ay kalituhan ang nararanasan ng aking isipan. Nagagalit ako dahil hindi ko inaasahan na ganun ang kanyang nararamdaman. Para akong pinagtaksilan ng taong aking pinagkakatiwalaan. Naiisip ko na kaya lang nya ako kinaibigan ay dahil sa emosyong kanyang nararamdaman. Parang sa tingin ko ay nabalewala lahat ang mga taon na aming pinagsamahan. Na ang pagkakaibigang aming inaalagaan ay mawawasak ng ganun lang.”

“Bakit?” Di ko napigilan ang sarili kong sambitin ang aking saloobin. Parang sa mga sandaling iyon ay nasa kalagayan ako ni Hector at lahat ng mga sinabi ni Papa ay gusto ko ring sagutin. Muli din naging sariwa ang pagtatapat ko ng aking damdamin kay Semuel at nang ibaling ko dito ang tingin ay nakayuko lang ito. Hinintay kong inaangat nya ang kanyang ulo upang magkatinginan kami pero hindi nya ito ginawa. Nang ako ay lumingon papunta sa kinaroroonan ni Papa ay nakita kong ako naman ay masusing pinagmamasdan ni Nick at kami ay nagkatitigan. Di ko alam kung bakit ako biglang kinabahan sa mga sandaling iyon. Parang may hangin akong biglang naramdaman sa aking mga pisngi. Kaya bago pa man ako tuluyang makapag-isip ng ano pa man ay muli akong tumingin kay Papa at hinintay kong magpapatuloy ito sa pagsasalita.

“Mula noong malaman ko ang pagtingin sa akin ni Hector ay pilit ko siyang nilalayuan. Sa apartment namin ay hindi na kami tulad ng dati, tahimik lang at waring walang ibang tao sa paligid kapag nagkakasama kami. Madalas ay gabing-gabi na ako umuuwi para lamang tulog na sya pagdating ko. Naging ganun ang aming set-up ng halos tatlong buwan. Muli kong nakita kay Hector na nahihirapan sya, nasasaktan at may bahid ng pagsisi sa nagawa nyang pag-amin. Isang hapong umuwi ako sa apartment namin ay naabutan kong walang tao at wala na din ang mga gamit ni Hector. Malinis na at wala nang laman ang kabinet na nagsilbing lagayan nya ng kanyang mga damit. Nakita ko sa higaan ko ang isang puting sobre na may pangalan ko, kilala ko ang sulat kamay na iyon. Marahan kong binuksan at binasa ko ang nilalaman ng liham. ‘Salamat sa pagkakaibigan, salamat sa lahat ng tulong, salamat ng marami. Nahihirapan na ako Ernest, sa araw araw na nagkikita tayo dito sa apartment na hindi mo ako kinikibo ay parang lalo akong nanliliit. Hindi ko kayang baguhin ang nararamdaman ko, kung alam mo lang kung gaano ko ito pinag-isipan at kung paano ko sinubukang pigilan ang pag-usbong ng aking damdamin. Pero mahirap talagang pigilan ang damdamin. Ngayon siguro masasabi kong malaya na ako. Kahit na nga ba ang kapalit ng kalayaang yun ay ang pagkasira ng ating pagkakaibigan. Patawarin mo ako sa mga pagkukulang ko sayo. Makakatulong siguro sa ating dalawa ang pag-alis ko dito. Huwag mo na akong subukang pigilan at pauwiin dito dahil hindi ko na kaya ang sakit. Sobrang nahihirapan na ako, napakasakit. Lalo na kapag tinitingnan mo ako ng masama at may halong pangungutya. Oo, nakikita ko yun, kapag akala mong hindi ko napapansin ay hindi na lamang ako kumikibo kasi nakikitira nga lang naman ako dito sa apartment mo. Mas doble ang sakit kapag nakikita kong nahihirapan ka din at ako ang dahilan ng hirap na yun. Siguro nga duwag ako. Tatakas na naman sa problema pero eto na talaga ako. Muli patawad at maraming salamat.’ Sa mga sandaling iyon ay nakaramdam ako ng pangungulila at lungkot. Napaupo ako sa aking higaan at muling nagbalik-tanaw sa mga nangyayari. Inisip ko kung bakit ako nagagalit sa kanya, kung bakit naramdaman ko na parang pinagtaksilan nya ako, kung bakit nasasaktan ako ngayon sa nakikita kong paglisan nya. Doon ko napagtanto na walang basehan ang sama ng loob na nararamdaman ko. Wala namang masamang ginawa o ginagawa si Hector. Hindi naman nya sinabing suklian ko din ang kanyang nararadaman. Kung meron mang nagbago ay dahil sa akin yun, sa aking kusang paglayo. Sa ginawa kong di pagpansin sa kanya ay wala na akong pinagkaiba sa mga taong mapanghusga. Hindi ko man lamang sya sinubukang kausapin tungkol sa kanyang sinabi noong gabing iyon, galit agad ang pinairal ko at ngayon ay nawalan ako ng isang matalik na kaibigan, ng isang kapatid.  Hindi na ako nakapasok sa huling klase ko. Naroon na lamang ako sa aking apartment. Nahiga na lamang ako sa aking kama at niyakap ang aking unan iniisip ang hinaharap na wala si Hector.” Tulala kaming lahat sa nasabing iyon ni Papa. Ramdam ko ang bigat ng bawat katagang sinabi sa liham ni Hector. Hindi ko na napigilang pumatak ang aking luha. Hindi ko na inintindi kahit na andun sila Semuel at Nick at wala na akong pakialam kung tuksuhin man nila ako. Ang tumatakbo lang sa isip ko noon ay yung sakit na nararamdaman ko dahil sa mga narinig ko. Naging tahimik kaming lahat at naghihintay kung sino ang unang babasag ng katahimikan.

“Nagkaayos pa po ba kayo Tito? Kinausap nyo po ba sya?” Tanong ni Semuel. Bakas sa kanyang pagsasalita na nadama nya din ang sakit sa kwento ni Papa. Sa pagkarinig ng tanong na iyon ay may isang bahagi sa akin na nagdarasal na sana ang isagot ni Papa ay oo.

“Sinubukan ko syang kausapin pero kapag malapit na ako sa kanya ay nawawala na ang lakas ng aking loob. Sa mga pagkakataong nagkikita kami ni Hector ay kapwa kami umiiwas. Batid kong nakikita nya ako pero mas pinipili nyang huwag na lamang akong pansinin at naging ganun din ang aking tugon sa kanya. Naging busy ako sa aking thesis kaya nawalan na din ako ng panahon para maayos pa ang aming nasirang pagkakaibigan. Pero kahit hindi na kami nagkakausap ni Hector at parang di na namin kilala ang isa’t isa ay hindi pa rin nawawala ang pag-aalala ko sa kanya, kaya naman kapag may nakikita akong kaibigan nya ay nakikibalita ako. Nalaman ko na mayroong play na gaganapan si Hector at isa sya sa main character sa dula, bahagi ito ng kanilang requirement para makapagtapos. Hindi man ako inibitahan ay nanuod ako. Gusto ko man syang lapitan at batiin sa maganda nyang pagganap ay pinigilan ko ang sarili ko. Okey na sa akin na malamang makakapagtapos si Hector at magkakaroon na sya ng pagkakataong matupad ang kanyang mga pangarap.”

“Hindi man lang po siya nagtangkang kausapin kayo?” Pagtatanong ko.

“Siguro ay parehas kami ng nararamdaman. Walang lakas ng loob para harapin ang isa’t isa. Ngayon nga ay nagsisi ako dahil marami akong sinayang na pagkakataon para ayusin ang aming samahan. Ginugol ko ang oras ko sa aking pag-aaral at barkada upang makalimutan ang sakit at lungkot na naramdaman ko. Alam kong mali pero siguro ay hindi iyon ang tamang panahon para magkaayos kami. Sabi nga nila ay kapag hinog sa pilit ay hindi matamis.”

“Ano na po ang nangyari kay Hector matapos kayong makapagtapos ng kolehiyo?” Usal ni Nick.

“Nabalitaan ko na lang na nakapasok siya sa isang opisina sa Ayala pero sandali lamang siya dito at nagpunta din ito ng ibang bansa. Sa paglayo nyang iyon ay lalong nawalan kami ng pagkakataong magkausap. Pero sadyang mapagbiro talaga ang tadhana dahil nung minsang nagkaroon ako ng isang meeting sa isang hotel sa Maynila ay naroon din sya sa nasabing hotel. Noong una ay nag-aalangan pa akong lumapit sa kanya pero dahil naisip ko ang mga nasayang naming pagkakataon ay lumapit ako at nagbakasaling makausap siya.”

“Ano po ang nangyari? Nagkausap na po ba kayo? Nagkaayos?” Puno ng interes kong pagtatanong.

“Nagkausap kami ni Hector, matapos ang mahabang panahon ay nagkaroon din kami ng pagkakataon para maayos ang gusot na namagitan sa amin. Noong una ay ilang kami sa isa’t isa pero noong lumaon ay muli naming sinariwa ang aming pinagsamahan. Parang pilit namin parehong iniiwasan ang naging dahilan ng aming di pagkakaunawaan. Nagkumustahan kung ano na ang nangyari matapos naming magtapos. Kung ano na ang aming mga trabaho. Pero hindi naglaon ay naungkat din ang nangyari noong gabing iyon. Ang gabi ng kanyang pagtatapat at ang gabi ng aking pagtalikod ko sa aming pagkakaibigan. Humingi sya ng tawad dahil sa naging asal nya. Sa kaba at takot na kanyang naramdaman nya kaya hindi sya nagkaroon ng lakas ng loob na kausapin ako. Sinabi rin nya sa akin na nakita nya ako noong play nila at natuwa sya at lalo siyang ginanahan dahil sa aking pagdalo. Natawa ako sa sinabi nya akala ko ay di nya ako napansin pero nakita din pala nya ako noong gabing iyon. Ako man ay nag-sorry din sa kanya sa aking naging asal. Na ngayon ay naiintindihan ko na at mali ang aking naging reaksyon. Naging makitid ang aking isipan at hindi ko naunawaan ang kanyang mga nararamdaman. Mula noon ay naging maayos na kami ni Hector. Madalas ay may sulat sya sa akin sa mga nangyayari sa buhay nya at ako man ay ganun din. Naikwento ko sa kanya ang pagkakaroon ko ng asawa at ang pagdadalantao nito. Nanghinayang din ako at hindi sya ang naging bestman sa akin kasal. Naging madalas ang aming tawagan at pag-uusap. Pilit naming pinupunan ang mga panahong hindi kami nagkausap at malayo kami sa isa’t isa. Naikwento nya din sa akin ang kanyang mga naging karelasyon at ang mga hirap na dinaranas nya minsan dahil sa kanyang sekswalidad. Nariyan yung mga mapanghusgang tingin ng mga tao kapag siya ay napapadaan at ang mga birong nakakasakit na ng kanyang damdamin. Pero dahil masaya sya sa kanyang pagkatao ay hindi na lamang nya ito pinapansin.”

“Mabuti naman nagkasundo kayo at naisalba pa ninyo ang inyong pagkakaibigan.” Tugon ni Semuel.

“Buti pa si Hector nakahanap ng karelasyon, ako kaya kailan?” Kaswal na pahayag ni Nick habang nakatingin sa malayo at biglang ibinaling ang paningin sa akin at nagtama ang aming mag mata. Sinuklian ko lamang siya ng isang ngiti subalit naramadaman ko ang biglang pag-init ng aking mga pisngi at alam kong namumula na ang aking mukha. Para di niya mapansin ang lumingon na lamang ako sa kabilang direksyon.

“Pero yun din ang naging dahilan ng kanyang pagkasawi. Dahil sa taong iyon ay nawala ang aking matalik na kaibigan. Naging masaya ang kanilang pagsasama sa una pero noong nagtagal ay naging magulo at puno ng di pagkakaunawaan. Minsan ay nakikita ni Hector na tahasan ang pagtataksil nito sa kanya. Laging may kausap na ibang lalaki at minsan ay isinasama pa sa kanilang tinutulyang bahay kahit alam na nitong naroroon din sya. Noong una ay pinababayaan nya ito pero noong nagiging madalas na ang ganitong pangyayari ay hinarap na nya ito at sinabi ang kanyang damdamin at ang sakit na nadarama nya kapag ginagawa ito ng kanyang karelasyon pero imbes na humingi ng tawad ay ito pa ang nagalit at nakuha pa nitong bugbugin si Hector. Dalawang linggo syang naospital dahil ilang baling buto at may mga sugat na kailangan tahiin dahil naging bayolente ang kanilang pag-aaway. Doon din nalaman ni Hector na dahil sa kanyang kinakasama ay nahawaan sya nito ng sakit na AIDS. Mula noon ay unti-unti nang naglaho ang Hector na kilala ko. Mas naging malungkutin sya at hindi na sya madalas nakikipag-usap sa akin. Nagsimula na din syang magkaroon ng multiple partners na hindi alintana na maari syang makahawa ng kanyang sakit at pati ang paggamit ng bawal na gamot ay nagawa na din nya upang pagtakpan lamang ang kanyang mga problema. Ang masayahing kaibigan ko ay unti-unting nauupos, ang buhay ay unti-unting napapabayaan. Nang minsang magkausap kami ay napilit ko si Hector na umuwi na lamang dito sa Pilipinas para dito na lamang siya at para naman may mag-aalaga sa kanya, nakarating din kasi sa akin ang balitang nagtangka na itong wakasan ang kanyang buhay pero naagapan at nadala sya sa ospital. Kahit anong pilit ko sa kanya ay hindi din sya pumayag. Doon nya nakilala si Joey, isang pastor na nagbalik muli sa kanya sa tamang landas. Nagkaroon muli ng direksyon ang buhay ng aking kaibigan. Naging AIDS advocate sya. Nagsasalita sa mga conference at binabahagi ang kanyang naging karanasan. Dito siya nagkaroon ng sandalan at kaagapay upang muling harapin ang buhay ng may pag-asa. Sa balitang iyon ay natuwa ako. Pero pansamantala lamang pala iyon dahil matapos ang ilang buwan ay binalita na lamang sa akin ni Joey na pumanaw na si Hector. Natagpuan siyang nakahandusay sa  isang kanto malapit sa tinitirhan nito. Binugbog daw ito, may basag ang bungo at halos nakahubad na ito. Sabi nito ay may hinala daw ang doktor na ito ay ginahasa bago ito pinatay. Sabi ni Joey ay naging biktima daw ito ng gay-bashing na uso noon sa kanilang tinitirhan. Napakasakit ng balitang iyon, ngayon ay tuluyan na akong nilisan ng aking kaibigan, na kailanman ay hindi ko na sya makakasama.” Puno ng lungkot na pahayag ni Papa.

May isang luhang pumatak mula sa kanyang mata. Muli sigurong naging sariwa ang sakit na naramdaman nya. Naging tahimik kaming tatlo at pilit na iniintindi ang bigat ng mga salitang binitiwan ni Papa. Nang akma na akong tatayo ay muli itong nagsalita habang nakayuko.

“Kaya nga ayaw ko nung nalaman ko ang yung tunay mong pagkatao. Natakot akong ganoon din ang mangyari sayo. Mahal kita Jerome. Ikaw na lang ang natitira sa akin. Gusto ko lamang na maging maayos ang maging buhay mo. Na wala kang magiging pangamba at walang mangyayari sayong masama. Hindi pa rin tanggap ng ating lipunan ang mga bakla. Kadalasan sila ay kinukutya at pinagtatawanan. Ayaw kong danasin mo yun. Ayaw ko ring sapitan mo ang naging karanasan ni Hector. Minsan na akong nawalan ng isang taong mahalaga sa akin dahil sa kanyang pagkatao hindi ko alam kung makakayanan ko pang muli kapag saiyo ito nangyari.” Pagbubunyag ni Papa.

“Pero…” Nais kong sagutin si Papa pero tila wala akong maisip na maisagot sa kanya.

“Nagpapasalamat lang ako sa mga kaibigan na tinanggap ka nila at ngayon nga ay unti-unti ko na din itong natatanggap pero sana ay mag-ingat ka. Ikaw pa rin ang Jerome na lagi kong dinadalhan ng pasalubong dati. Ikaw pa din yung Jerome na iyakin at laging nadadapa noong bata at hanggang ngayon ay yan pa rin ang nasa aking isipan kaya nga labis akong nasasaktan kapag nakikita kang nagdurusa ka at labis pa ang sakit dahil minsan ay ako mismo ang naging sanhi nito. Sana ay mapatawad mo ako Jerome sa mga nagawa ko sa iyo, sa inyo.”

“Pa… Mahal ko din po kayo… Ngayon ay malinaw po ang lahat sa akin. Patawarin nyo po ako kung naging disappointment man ako sa inyo. Kung sa napili kong pagkatao ay nabigo ko kayo. Pero ito po talaga ako. Kilala ko po ang sarili at alam ko dahil mabuti nyong pagpapalaki sa akin ay magiging maayos ang aking buhay.” Naiiyak kong tugon kay Papa.

“Saka huwag po kayong mag-aalala Tito, aalagaan ko po itong si Jerome, hindi ko hahayaang masaktan itong si Jerome ko.” Usal ni Nick na puno ng kompiyansa na ikinagulat ko at ni Semuel. Napalingon din si Papa kay Nick.

“Sandali lang po, punta lang po ako sa kwarto ko.” Pag-iwas ko pa sa kanilang usapan. Nang akmang susundan ako ni Nick ay bigla itong pinigil ni Papa at pati si Semuel ay sinabihan din nyang manatili muna at gusto din nya itong kausapin.

Pagdating ko sa aking silid ay hindi ko alam kung alin ang una kong unang pagtutunan ng aking pansin. Ang rebelasyon ni Papa o ang mga sinabi ni Nick. May kung anong saya akong nadama sa sinabi nya pero natatakot pa din ako. Nahiga ako sa aking kama at hindi ko namalayang nakatulog na pala ako.

“Jerome, gising na at kakain na tayo.Nakahain na sa mesa, ikaw na lang ang wala.” Pagising sa akin ni Mama.

“Sige po Ma, susunod na ako, maghihilamos at toothbrush lang ako.”

“Bilisan mo ha at lalamig na ang pagkain.”

“Opo.” Dali dali akong nagpunta sa banyo at inayos ang aking sarili. Pagkadating ko sa hapagkainan ay naroon na si Papa. Naroon pa din sina Nick at Semuel, akala ko ay umuwi na ito pero hindi pa pala. Masayang nagkukwentuhan ang tatlo at masaya itong nagtatawanan.

“Oh ito na pala si Jerome, halika na at nang makakain na tayo.” Pagsalubong sa akin ni Papa,.

Naupo ako sa tabi ni Nick at nagulat ako nang kinuha ni Nick ang kanin at nilagyan ang aking plato. Inabot din nito ang ulam at nilagyan din ang aking plato.

“Ano ka ba Nick, wala naman akong sakit para asikasuhin mo pa ako. Kumain ka na lang diyan at kaya ko naman.” Sabay kuha ko ng hawak nyang bowl na may ulam.

“Sige na nga. Sabi  mo eh.” Talunang tugon ni Nick. Habang si Semuel naman ay natatawa lang na pinagmamasdan kami. Napansin ko din na sa akin nakatitig si Papa at wari bang pinagmamasdan kaming dalawa ni Nick na parang isang palabas at animo’y naghihintay ng kung ano ang sunod na magaganap.

“Bakit para atang lahat kayo ay nakatingin sa akin? May muta pa ba akong di natanggal noong naghilamos ako?” Nagtatakang tanong sa kanila. Pero wala namang sumagot sa akin bagkos ay tahimik lang silang lahat at tila nagpipigil ng tawa. Naisip ko na baka ako ang pinag-usapan nila noong nakatulog ako. Ano kaya ang pinagsasabi ni Papa kina Semuel at Nick. Hindi ko na lamang sila pinansin at nagpatuloy ako sa pagkain. Nang matapos ako ay sinabi kong doon muna ako sa sala at ako na ang maghuhugas pagkatapos nilang kumain. Nang nakatayo na ako at papunta na sa sala ay sumunod din si Nick.

“Bakit parang ang lalim naman ng iniisip mo?” Saad ni Nick habang ito ay naupo sa tabi ko.

“Wala lang andami lang tumatakbo sa isip ko ngayon. Hindi ko alam kung alin ang uunahin.”

“Unahin mo kung alin ang mas matimbang. Kung alin ang mas mahalaga.”

“Hindi ko alam kung paano ko malalaman kung alin ang mas matimbang o mas mahalaga?”

“Ano ba yan sesenti ka na naman. Huwag mo na munang isipin ang mga bagay na yun.”

“Tama sige susubukan kong kalimutan muna ang mga ito.”

Tahimik kaming nanuod ng tv at nang matapos na sila Papa, Mama at Semuel sa pagkain ay nagsimula na akong magligpit. Habang ako ay naghuhugas ng pinagkainan ay hindi ko pa rin maiwasang balikan ang mga sinabi ni Nick at yung damdamin na umusbong noong narinig ko iyon. Nalilito ako at dahil sa wala sa ginagawa ko ang aking isipan ay dumulas ang platong aking hinahawakan. Dali daling napasugod sa kusina si Nick kasunod sina Papa at Semuel.

“Dumulas lang po sa pagkakahawak ko ang plato. Sige po at liligpitin ko muna itong mga basag na piraso.”

“Mag-iingat ka Jerome baka masugatan ka.” Pagpapaalala ni Papa.

“Ako na dito Jerome, tapusin mo na lang yung ibang platong hinuhugusan mo.” Sabi ni Nick.

“Okey lang, kaya ko na ito Nick.” Pero kahit na nga sinabi ko na okey lang ay tumulong pa din ito kaya madaling nalinis ang pinagbagsakan ng plato.

Nang matapos ako ay nagpaalam na ako sa kanilang matutulog na ako. Kahit wala naman akong ginawang mabigat na trabaho ay parang ambigat ng katawan ko at parang pagod na pagod ako. Siguro ay dahil ito sa mga nasabi ni Papa. Sa sobrang emosyon na aking nadama. Nang makapasok na ako sa aking kwarto ay bigla namang pumasok sina Nick at Semuel.

“Alis na ba kayo?” Salubong ko sa kanila.

“Eto naman kapapasok lang namin ay pinapaalis na kami agad.” Biro ni Semuel.

“Kanina ko pa napapansin na parang balisa ka at parang wala sa sarili.” Pagpuna ni Nick sa akin.

“Pagod lang siguro ako. Sobrang bigat kasi nung mga nasabi ni Papa. Napapisip din ako sa magiging buhay ko sa hinaharap, kung magiging mabuti din ba sa akin ang kapalaran.”

“Ang lalim naman. Basta kahit ano pa ang mangyayari ay lagi mong tatandaan na andito lagi kami. Hindi ka namin iiwanan.”

“Pwede ngayon gabi na mag-umpisa yan? Natatakot akong mag-isa.”

“Magpapaalam lang ako kay Mama.” Sabi ni Semuel bago ito lumabas sa kwarto ko. Naiwan kami ni Nick sa loob ng silid pero  pakiramdam ko ng mga sandaling iyon nasa isa akong napakaliit na silid at wari bang nararadaman kong napakasikip ng kwarto.

Naging tahimik kaming dalawa pero hindi ko na napigil ang sarili kong magtanong sa kanya ng isang bagay na kanina pa gumugulo sa akin.

“Totoo ba ang binanggit mo kanina?”

[may kasunod]


Installment 18 - Written by: Don B.

6 comments:

Anonymous said...

I would say that this is a great story!! you made me cry!!! really!

Unknown said...

bakit ang tagal nang next chapter nito...pls post it na...i wanna read it na talaga....i have read this last Feb, 21 and I thought i would be able to read the next chapter the next day but until now wala pa din...pls author, post it ASAP. Im a fun of your story..so awesome.

Anonymous said...

haaay! galing talaga ng writer... sana may kasunod na agad...pls...

ace said...

Sana tuloy tuloy lang to.. T_T nakakalungkot tuloy dahil natigil bigla yung story!

Sa author gawa ka na ng kasunod please!!!!

Anonymous said...

Sa author, sana may update na po.. halos isang buwan na po kami nagaantay eh :(

Anonymous said...

great story....

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.