vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Monday, February 13, 2012

Waiting for Tomorrow 17

sorry sa mabagal na pag-update. pasensya na din kung may mga ilang typo error. salamat sa mga nagsusubaybay at nag-aabang. sana ay matuwa kayo sa chapter na ito. -Don B.
-------
Bago pa man makasagot si Papa sa aking mga katanungan at may tinig akong narinig mula sa gate namin na tinatawag ang aking pangalan.

“Jerome! Jerome! Andito na kami.”

‘Malamang sina Nick at Semuel na yun.’ Bulong ko sa aking sarili. Mabilis akong tumayo at tinungo sa gate upang pagbuksan ang mga bisita kong dumating. Tuluyan ko na ding nakalimutan ang aking mga katanungan tungkol sa kaibigan ni Papa at ang mga larawan sa album na nahanap nya.

“Ang aga nyo naman.” Bungad ko kina Nick at Semuel.


“Para mahaba ang bonding time natin.” Sagot ni Nick na may kasamang pilyong ngiti at kindat. Hinayaan ko na lang si Nick sa kanyang ginawa at binaling ko na lamang ang atensyon ko kay Semuel.

“Wow, di na ako sanay na makita kang mag-isa ah, lagi kapag andyan ka ay andyan din sa malapit si Therese, buti pinayagan ka nya.” Sabay tawa ko.

“Baliw, di ba nga nagpaalam naman ako kanina sa kanya pagkatapos nating magsimba. Bilis na papasukin mo na kami at matutunaw na itong ice cream na binili namin ni Nick.” Pagkasabi nito ay inangat nya ang isang plastic bag na naglalaman isang lata ng ice cream.

“Anong flavor?”

“Eh di ano pa yung mga paborito mo, double dutch at rocky road. Saka may dala din ako chips dito.”
Nakangiting sagot ni Nick.

“Wow sige natatakam na ako. Tara na sa loob para matikman ko na yan.” Paanyaya ko sa dalawa.

“Ang takaw mo talaga Jerome, di ka pa rin nagbabago.” Sagot ni Semuel.

“Di kaya! Paborito ko lang kaya naman natatakam ako sa mga dala nyo.” Pumasok ako sa bahay at sumunod na din silang dalawa. Dumiretso ako sa kusina at kumaha ng lalagyan ng ice cream at mga kutsara at nagtungong muli sa sala.

“Magandang hapon po Tito, Tita!” Pagbati ng dalawa nang makitang nasa sala sina Mama at Papa.

“Ang aga nyo naman, kala ko maya-maya pa kayo.” Usal ni Mama.

“Ah eh kasi po itong si Nick eh, kanina pa nangungulit, namimiss agad yang si Jerome.” Pabirong sagot ni Semuel na sinuklian naman ni Nick ng isang matalas na tingin.

“Wala lang po kasi akong magawa sa bahay kaya pinilit ko na lang si Semjuel na pumunta na dito.” Pagpapaliwanag ni Nick.

“Wala namang problema yun Nick. Kumain na ba kayo?” Usal ni Mama habang napapangiti ito dahil sa pamumula ni Nick dahil sa sinabi ni Semuel.

“Tapos na po Tita.” Sabay na sagot ng dalawa.

“Eto na po pala may dala kaming ice cream para sa inyo.” Pag-abot ni Semuel ng bitbit nyang plastic na kinuha naman ni Mama at nilapag sa coffee table.

Isa-isa ko silang inabutan ng maliit na cup at kutsara at hinayaan ko na lang silang kumuha ng kani-kanilang kakaining ice cream. Masaya kaming lahat habang nagkukwentuhan at inuubos ang ice cream. Nang wala nang laman ang dalawang lalagyan ay niligpit na namin ang aming pinagkainan at dumiretso kaming tatlo sa kwarto ko.

“Jerome, anong bagong librong binabasa mo ngayon?” Tanong ni Semuel habang binubusisi ang mga librong nakakalat sa kwarto ko. Si Nick naman ay pumwesto na sa harap na aking computer at kinakalikot na ito.

“Wala bang bago, di na nga ako nakakapagbasa, mula noong...” Di ko na maituloy ang aking sasabihin, bumalik na naman sa aking gunita si Kuya Jomar.

“Sige Jerome, paalala mo sa akin , meron akong bagong libro doon, napakaganda, tiyak magugustuhan mo din yun.”Dugtong ni Semuel malamang naintindihan na nya ang dahilan kung bakit di ko naituloy ang aking sasabihin. Nilingon ko si Nick sa kanyang kinauupuan at nagsalubong ang aming tingin. Doon ko nadama na kahit di man sya magsalita ay waring sinasabi ng kanyang mga mata na magiging ayos din lahat at di dapat ako mag-alala at andyan naman sila. Sinuklian ko na lang ito ng isang ngiti at muli akong nakisalo kay Semuel sa pagtingin sa mga libro ko.

“Akin na yan Semuel!” Bigla kong sigaw nang makita kong hawak nya ang isang itim na libro. Dahil sa gulat ay di na nya nagawang pigilan pa ang ginawa kong pag-agaw dito.

“Ano ba yan at parang ayaw mong ipakita sa amin yan?” Nagtatakang tanong ni Semuel. Dahil din sa biglaan kong pagsigaw ay nakuha nito ang atensyon ni Nick na agad namang napalingon sa aming kinaroroonan.

“Wala! Basta, tingnan nyo na lahat huwag lang ito.” Mariin kong paliwanag.

“Ah ganun, sige Nick tulungan mo akong kunin natin yan kay Jerome.”  Tugon ni Semuel.

“Huwag na kasi. Private. Ipapakita ko na lang sa inyo kapag... tsk! Huwag na kasi...” Pagmamakaawa ko nang makita kong papalapit na sa akin ang dalawa.

“Nick ha, bantayan mo baka dyan sa side mo tumakbo yang si Jerome.”

Pilit akong umiiwas sa paglapit ng dalawa pero dahil nga sa bilis nila ay na-korner nila ako at wala na akong nagawa kundi ang ibigay sa kanila ang hawak kong itim na libro.

“Oh ayan!” Asar kong abot sa hawak. Pero bago pa man makuha ni Semuel ito ay kinuha na ito ni Nick.

“Ayan Nick tara tingnan natin ang laman.” Masayang pagpipilit ni Semuel.

“Oh ito Jerome, tago mo na yan. Alam kong wala kaming karapatan na pilitin kang ipakita sa amin yan dahil kung ano man ang laman nyan ay alam kong mahalaga ito sayo.” Asal ni Nick habang binabalik sa akin ang libro at pilit itong nilalayo kay Semuel. Wala nang nagawa si Semuel kaya tumigil na din ito sa pagpipilit na makuha ang libro.

“Salamat Nick. Journal ko kasi to, ito ang nagsilbing kausap ko mula nung wala na si Kuya, dito ko ibinubuhos ang lahat ng nararamdaman ko.” Tugon ko.

“Sorry na, kala ko kasi kung ano lang. Saka nacurious lang naman ako nang bigla mong agawin sa akin eh. Tara na nga dun na lang tayo sa sala at kainin na natin yung dala naming chips.” Usal ni Semuel habang papalapit ito sa pinto.

“Sige mauna na kayo. Tatago ko lang ito.” Pagbibiro ko sa dalawa pero inilapag ko lang ito sa aking kama at sumabay na din ako papunta sa sala. Wala na doon sina Mama at Papa pero andun pa din ang mga albums na aking tinitingnan. Binuksan ko ang tv at naghanap ng mapapanuod. Nagbukas ako ng isang bag ng chips at nagsimulang kumain.

“Jerome, ok lang ba na aalis ako?” Biglaang tanong ni Nick.

“Bakit saan ba ang punta mo?” Nagatataka kong tanong.

“Ha, ah eh wala pa pero kung sakaling aalis ako, malulungkot ka ba?”

“Yung totoo, syempre naman. Isa ka sa mga matalik kong kaibigan. Bukod kay Semuel, ikaw ay isa sa mga taong napakahalaga para sa akin.”

“Gaano ako kahalaga sayo?”

“Di ko alam kung gaano basta alam ko na kapag nawala ka ay di ko alam kung paano ang magiging buhay ko.”

“Ganun? Mahalaga na kaya ako para mahalin mo?”

“Ha? Ah... Teka nga saan ba galing yang mga tanong na yan?” Pag-iwas ko sa tanong ni Nick. Di ko sigurado sa sarili ko kung kaya ko nang sabihin mahal ko na sya.

“Ah ganun ba? Basta wag ka na lang malulungkot kapag nawala ako ha. Tandaan mo na lagi kang nasa puso ko.” Sabay hawak sa kanyang kanang dibdib sa tapat ng kanyang puso;.

“Ang korni mo Nick! Emo ka ata ngayon. Dahil ba yan sa ice cream na nakain mo?” Pagbibiro ko dito. Ayaw ko lang talagang isiping seryoso si Nick sa kanyang mga sinabi. Dahil natatakot din akong maging totoo ang mga ito.

Habang busy kami sa panunuod ay biglang pumasok si Papa mula sa garahe at dumiretso ito sa kusina at uminom ng tubig. Pagkatapos nito ay sinaluhan kami nito sa sala at nakinuod na din. Nang akma nitong aalisin na ang mga album sa lamesa ay naalala ko ang aking katanungan bago dumating ang dalawa kong kaibigan.

“Pa, di nyo pa sinasagot ung tanong ko, sino yang kasama nyo sa picture? Si Hector yan hindi po ba?” Mabilis kong pagtatanong.

Umupo si Papa sa tabi ko at biglang nagpakawala ng isang buntong hininga.

“Alam mo Jerome natutuwa ako na nakilala mo itong dalawa mong kaibigan, ganyan din kami ni Hector, magkaklase mula pa noong high school hanggang sa nagcollege kami ay halos di kami maghiwalay. Parang kapatid ang turingan namin.”

“Paano po kayo nagkakilala?” Pag-uusisa ko.

“Bagong lipat sa school namin, galing sila ng ibang probinsya pero napunta sila doon dahil nadistino ang kanyang amang pulis sa aming bayan. Tahimik si Hector, at laging nag-iisa. Kaya naman sa klase ay sya ang napaglalaruan ng mga ibang kaklase kong lalaki at hindi naman sya lumalaban kaya tuloy lang ang pang-aasar sa kanya. Noong una ay hinahayaan ko lang ang mga kaklase ko pero nung minsang naging magkasama kami sa grupo ay biglang naikwento sa akin ni Hector na baka daw lumipat sya ng paaralan dahil sa nahihirapan daw syang makisama sa mga kaklase namin. Doon ko nakita ang pagbabago sa mukha ni Hector, para itong talunan sa isang labanan at wala nang ibang gustong gawin kung hindi ang sumuko at umayaw. Nang mga sandaling iyon ay napagtanto ko na may kasalanan din ako sa sakit na dinaranas ni Hector, sa hindi ko pagkibo at pagsaway sa mga kaklase ko kahit nakikita ko nang nasasaktan sya ay parang kasali na din ako sa mga taong nanakit sa kanya. Mula noon ay naipangako ko sa aking sarili na gagawin ko ang lahat para maging maayos si Hector at ang aming mga kaklase at mapigilan na din ito sa binabalak na paglipat sa ibang paaralan. Sa ginawang pagbahaging iyon ni Hector ng kanyang saloobin ay parang nagkaroon ako ng kagustuhang lalo pa siyang makilala.”

“Ano pong ginawa nyo?” Interesado kong pagtatanong. Nakuha na din ang atensyon nila Nick at Semuel ng kwento ni Papa at kapwa ito naghihintay sa magiging kasagutan ni Papa.

“Kinausap ko ang aking mga kaklase at sinabi ko sa kanila na sana ay tigilan na nila si Hector at nahihirapan na ito.  Naikwento ko din sa kanila ang plano ni Hector na paglipat sa ibang paaralan. Mula noon ay nagbago ang pakikitungo ng mga kaklase ko kay Hector. Tinigilan na din nila ang panunukso dito at nakita ko din ang pagbabago sa pag-uugali nya. Naging mas malapit na sya sa mga kaklase namin. Nakikisama na din sa mga usapan at lalo pang lumalim ang aming pagkakaibigan. Natuklasan din ng aming klase ang talinong taglay ni Hector kaya naman siya ang nagsilbing tagaturo sa aming klase kapag may mga mahihirap kaming assignments. Syempre bilang kaibigan nya ay lagi akong tinutulungan ni Hector sa aking pag-aaral. Bilang kabayaran naman ay lagi ko siyang sinasama sa mga gala ko at dahil doon ay lalong dumami ang kaibigan ni Hector. Naging kasabwat ko pa yun sa mga kalokohang ginagawa ko sa aming mga kaklase at minsan ay siya ang nagsisilbing tulay ko sa babaeng gusto kong ligawan. Ni minsan ay hindi ko naringgan ng reklamo si Hector. Kahit anong hilingin ko sa kanya ay binibigay nya. Noong prom nga namin ay nakipagpalit pa sya sa akin ng pwesto para lamang maging partner ko ang kaklase namin na crush ko. Naging mabuti kaming magkaibigan at lalong tumindi ang aming samahan hanggang kami ay nagtapos ng high school.”

“Ang ganda pala talaga ng samahan nyo Tito. Sana ganun din ang aming pagkakaibigan.” Usal ni Nick.

“Yun nga din ang nakikita ko sa inyong samahan. Sana ay lagi nyong poprotektahan ang isa’t isa. Nakasasalay sa bawat isa sa inyo kung paano magtatagumpay ang inyong samahan.” Sa pagkakasabi nito ay parang may bahid ng lungkot ang boses ni Papa.

“Pa okey lang po ba kayo?” tanong ko.

“Masakit lang balikan ang nakaraan, maraming mga sugat na akala ko ay naghilom na ang muling nabubuksan at muling nagiging sariwa ang sakit.” Walang ka-kurap-kurap na sagot ni Papa habang para itong nakatitig sa kawalan. Parang palaisipan din ang nabuo sa aking isipan upang bigyang kahulugan ang mga katagang binitawan ni Papa. Kahit na nga nagsisimula na itong magkwento tungkol sa kaibigang si Hector ay hindi pa rin malinaw kung saang banda ang sinasabi nyang sugat at sakit.

Nang makita nyang may pagtataka sa aking mukha ay nagpatuloy ito sa pagkukwento, pero batid sa kanyang boses ang bigat ng mga emosyong nakakabit sa mga katagang binubulalas niya.

“Noong nasa kolehiyo kami ni Hector ang naging pinakamahirap na sandali para sa kanya. Noong umpisa ay naging maayos ang kanyang pag-aaral. May scholarship at may allowance pa syang natatanggap na nagagamit nya para sa kanyang mga pangagailangan sa pag-aaral. Lagi din kaming nagkikita kahit na nga magkaiba kami ng napiling kurso, kahit na nga ba magkaibigan na kami at halos iisa na lamang ang aming mga hilig ay magkaiba pa din pala kami ng mga gustong mangyari sa buhay. Business Management ang kinuha ko habang sya naman ay kumuha ng Communication. Sa panibagong bahaging ito ng buhay namin ay lalo siguro namin nakilala ang aming mga sarili, at doon ko unang nakita ang pagbabago kay Hector. Sa panlabas na anyo ay parang walang nagbago pero kapag matagal mo nang kasama ang isang tao ay napapansin mo na ang mga maliliit na detalye na sa karaniwang tumitingin ay di ito mahahalata. Pero napansin kong parang lagi itong may dinaramdam, parang may isang lihim na ayaw ipaalam sa iba pero nahihirapan siyang itago ito. Gusto ko man itong tanungin kong ano iyon ay mas pinili ko na hintayin na sya ang magsabi sa akin. Nirerespeto ko ang kanyang kagustuhan na huwag muna itong sabihin. Nagkaroon kami ng mga sariling barkada at naging madalang ang aming pagkikita, siguro ganun talaga. Sa mga pagkakataong iyon ay hindi ko maitatanggi na nangungulila ako sa aming samahan. Ganun siguro talaga, darating ang pagkakataong magkakaroon kami ng sariling mga buhay. Nagpatuloy ang ganun hanggang sa umabot kami ng aming third year. Yun na siguro ang naging pinakamahirap para kay Hector, nagkasakit ang kanyang ama at kinailangan nyang tumigil sa pag-aaral dahil mas pagtuunan ang pag-ako nya sa tungkulin na dapat sana ay sa kanyang ama.”

“Kawawa naman po sya, sayang ng kanyang pag-aaral.” Hindi ko napigilan ang sarili kong magkomento nang marinig ko ang kinukwento ni Papa.

“Ganun nga din ang naisip ko nung mga panahong iyon kaya naman ay nag-isip ako ng paraan para makatulong sa kanya. Pinilit ko siya na huwag tumigil sa pag-aaral, pinaliwanag ko sa kanyang mas mapapadali at mas matutulungan nya ang kanyang pamilya kapag nakapagtapos sya. Ginawa ko ang lahat para maibsan ang hirap na dinaranas ni Hector, pinilit ko syang lumipat sa apartment ko para di na sya magbayad ng dorm. Dahil dito ay naipapadala na nya ang kanyang kinikita sa paggiging waiter at yung allowance mula sa scholarshipnya sa kanyang pamilya at nagtatabi na lamang sya ng kaunti para sa kanyang mga gastusin. Hindi na gumaling ang kanyang ama sa sakit nito na naging dahilan ng maaga nito pagkawala. Nagpatuloy ang aming set-up na magkasama sa isang kwarto. Minsan niyaya ko siyang uminom kami sa apartment pero hindi ako nito pinagbibigyan, pero nagulat ako nung minsang maabutan ko itong lasing na lasing sa apartment. Nagkalat ang ilang bote ng alak at may isang kaha pa ng sigarilyo, kahit alam ko namang hindi ito naninigarilyo. Tinulungan ko syang magbihis at nang pinapalitan ko na ang damit nito ay bigla itong nagsalita, ‘ang daya mo naman... ang sakit, sobrang sakit... kailan kaya...’ wala akong naintindihan sa mga sinabi nya pero kahit anong pilit kong ipaliwanag nya ang kanyang mga sinabi ay di na ito nagising at mahimbing nang nakatulog. Noong minsang pinagbigyan nya ako sa aking imbitasyon na magkainuman kami ay doon ko nalaman ang lahat ng mga nakatagong damdamin nya. Ang mga sakit na kanyang dinaranas at ang isang lihim na matagal na nyang itinatago.” Biglang tumigil sa Papa. Akala namin ay di na ito magsasalita pero noong magtatanong na sana ako kung ano pa ang nangyari ay ipinagpatuloy nito ang kanyang kwento na masusi naming pinakinggang tatlo.

“Niyaya ko syang uminom dahil sa wakas ay sinagot na ako ng nanay mo, na sa tagal ng aking panliligaw ay sinagot na din ako. Dahil sa tuwa ko ay ninais kong makasama sya sa pag-celebrate. Nang nakailang bote na din kami ng alak ay naging mas malaya kami at mas naging matapang siyang sagutin ang aking mga katanungan at ikinagulat ko ang kanyang naisagot nang nabanggit ko sa kanya ang mga nasabi nyang salita nang minsang naabutan ko syang lasing sa bahay. Dito nya ipinagtapat sa akin na matagal na syang may nagugustuhan. Na matagal nang nagmamahal ang kanyang puso pero may takot syang kapag sinabi nya ito sa taong iyon ay baka lumayo ito at sa tingin nya ay di nya ito kakayanin kapag nangyari ito. Na kapag nakikita nya ang taong ito ay napupuno ng galak ang kanyang damdamin at pansamantalang nakakalimutan nya ang kanyang mga suliranin. Kaya pala kahit marami na akong pinapakilala sa kanya ay ni isa ay wala man lang itong niligawan. Nagiging kaibigan lang nya ang mga ito pero hanggang doon lang ang nagiging relasyon nila. Pilit kong kinilala ang taong sinasabi nyang minamahal nya pero naging mailap ang katotohanan. Dahil dito ay mas pinilit ko pang tanungin sya, di na kung sino o kung kilala ko kung hindi kung ano ang mga nagustuhan nya sa taong iyon, naisip ko na sa pamamagitan nito ay magkakaroon ako ng ideya kung sino ang kanyang tinutukoy. Wala siyang sinabi kung hindi ay basta nagising na lamang siyang ganun na ang kanyang nararamdaman at nahulog na ang loob nya sa taong iyon. Naisip ko na baka kulang lang sa alak kaya naman nagyaya pa akong uminom pa kami ng madami at ang naging dahilan ko sa kanya ay sobra lang akong masaya pero ang katotohanan ay gusto kong makilala ang taong sinasabi nya. Nang makita kong  lalo na siyang tinatamaan ng aming iniinom na alak ay muli ko syang tinananong kung sino ba talaga ang kanyang tinutukoy. Noong una ay ayaw nya talagang sabihin kung sino ito pero siguro naging makulit at mapilit ako kaya di na rin sya nakatiis kaya matapos ang napakaraming pagtatanong ko ‘kung sino nga?’ napilitan din itong sabihin sa akin. Mula sa pagkakatungo nya ay inangat nya ang kanyang ulo at tiningnan ako sa mata at nagbitiw ito ng isang salita, ‘ikaw!’...”

[may kasunod]

3 comments:

Anonymous said...

don, its me ronald.. sori ndi ko nareply ung text update mu... hay....un pla si hector...

Anonymous said...

weee don bukas lagay moh na karugtong..tgal qng inintay hehe ^_^ more more..

Anonymous said...

shet naman..

sarap nmn ng love life...

sna ako din..

asher_0606@ y . c

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.