vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Wednesday, February 1, 2012

Waiting for Tomorrow 16

“Ma, anong meron at mukhang busy ka dyan sa kusina?”

“Wala naman, gusto ko lang magluto.”

“Ano yang niluluto mo?”

“Hulaan mo?”

“Wow baked mac. Paborito ko yan, para sa akin?”

“Hindi! Para sa kapitbahay!”

“Hala! Ganun!” Nagpipigil ako ng aking tawa.

“Syempre para sayo. Naisip ko lang na magluto. Pantanggal stress sa lahat ng nangyari.” Seryosong sabi ni Mama.


“Baka may maitulong ako sayo. Ano may hihiwain pa ba? Yung bell pepper?”

“Sige lang, hiwain mo na ng maliliit, saka isama mo na din itong white onion.”

“Sige po. Nagugutom na agad ako.”

“Bilisan mo na lang yang hinihiwa mo para maluto na natin agad.”

“Opo.”

Mabilis kong ginawa ang paghiwa ng mga dapat hiwain. Minsan ay ako pa ang nagbabantay doon sa macaroning niluluto ni Mama habang siya naman ay gumagawa nung meat sauce at mornay sauce. Nung maluto nya ay tumulong din ako maglagay sa mga baking pan para ma-bake na ito.

“Tawagin mo na ang Papa mo at magmeryenda muna tayo.”

“Sige po saglit lang, nasaan po ba sya?”

“Nasa garahe ata.”

Pinuntahan ko si Papa para yayain muna itong magmeryenda.

“Pa, magmeryenda daw po muna tayo, may baked mac si Mama, masarap yun kapag mainit pa.”

“Sige Jerome, susunod na ako. May hinahanap lang ako.”

“Baka gusto nyo po tulungan ko na kayo. Ano po ba ang hinahanap nyo.”

“Yung mga lumang album natin, alam ko nakalagay lang yun sa isang kahon eh.”

“Baka po nandun sa tambak sa dulo ng garahe, alam ko may ilang mga kahon dun.”

“Sige ako na magtitingin, pumasok ka na dun at para makapagmeryenda ka na. Alam ko namang paborito mo ang baked mac ng Mama mo eh.”

Iniwan ko si Papa sa kanyang ginagawa. Dumiretso ako sa kwarto at kumuha ng tuwalya, maliligo muna ako bago kumain parang nanlalagkit na kasi ako. Saka para fresh ako.

“Anak kain na, ayan pinaghanda na kita.” Bungad sa akin ni Mama nang makitang papapunta na akong kusina.
“Salamat po Ma. Si Papa kumain na ba?”

“Tapos na. Ewan ko ba mula nung bumalik ka sa ospital parang laging balisa at parang may malalim na iniisip. Baka gusto mong kausapin, di kasi sinasabi sa akin, baka sayo makinig at magsabi sya.”

“Sige po. Gagawin ko yan, kain lang po ako.”

“Softdrinks ba o iced tea ang gusto mo?”

“Iced tea na lang po. Salamat Ma! The best ka talaga!”

Matapos kong kumain ay pinuntahan ko si Papa sa sala. Masusing pinagmamasdan ang mga lumang larawan sa mga album na nahanap nya.

“Mabuti at nahanap nyo na po yan?”

“Oo nga.” Matipid na sagot ni Papa.

“Pa? May sinabi sa akin si Mama kanina. May problema ba?”

“Ha? Wala naman bakit nyo naman natanong yan?”

“Sabi kasi ni Mama ay mula noong umalis ako sa ospital ay laging malalim na ang iyong iniisip saka lagi daw kayong balisa.”

“Huwag mo na akong isipin, naiisip ko lang yung nalalapit kong 1 week seminar-workshop sa Thailand.”

“Sige po Pa, basta kung ano man po yun, andito lang kami ni Mama. Saka huwag kang mag-alala dyan sa seminar nyo na yan, kaya mo yan. Sayo ata ako nagmana kaya madali lang yan para sayo. Saka ako na ang bahala kay Mama.”

“Salamat talaga Jerome ha saka patawad sa mga nagawa ko sayo dati. Kung sana...” Di na itinuloy ni Papa ang kanyang sasabihin halatang nahihirapan din ang kanyang damdamin para sabihin ito kaya di ko na din sya pinilit. Nagpaalam na lamang akong makikipagkita muna ako kina Semuel sa mall at uuwi din ako ng mga alas otso o alas nuebe ng gabi. Pinayagan naman ako ni Papa at nagbigay pa ng pera pang gastos ko daw. Aba talagang bumabawi si Papa.

-----

“Jerome, sabi ko na nga ba at andito ka.” Bungad ni Semuel nang makita akong nasa bookstore na naman naghahanap ng libro.

“Wala naghahanap lang ako ng babasahin. Nakakabagot ang bakasyon eh. Walang magawa.”

“Ito nabasa mo na? Maganda din ito.” Pagsingit ni Therese. Tiningnan ko ang tinururo nyang libro at nagustuhan ko nga din naman ang synopsis kaya kinuha ko ito at isinama sa mga babayaran ko pang mga gamit.

“Magbabayad lang ako. Anong plano ba Semuel?”

“Ha? Hindi naman ako ang may pakana nito.” Pagkasabi ni Semuel nito ay parang natigilan ito, na wari ay may nasabing hindi ko dapat malaman. Napansin ko din si Therese na tiningnan ng masama si Semuel na para bang may pagbabanta sa kanyang sulyap.

“Ano?” Paglilinaw ko.

“Ah eh wala sabi ko kahit ano, basta andito lang naman kami dahil malamig.”

“Oo nga eh, sobrang init sa labas, masarap lang tumambay dito sa loob. Kaya lang andaming tao, siksikan din. Nawawala tuloy ang epekto ng aircon.”

“Tara na. Tingnan natin sa arcade kung madaming tao.”

“Sige.”

Tinungo namin ang arcade at tulad nga ng buong mall ay madami din ang tao dito. Pero napagkasunduan na namin na doon na muna tumambay. Bumili si Semuel ng tokens at inabot ito sa amin ni Therese. Wala akong gustong laro kaya sumama na lamang ako sa dalawa. Nang magsawa kami at nasubukan na namin lahat ay nagyaya si Semuel na pumunta sa isang fastfood at kumain. Di naman ako tumanggi dahil sa mga sandaling iyon ay gusto ko din maupo saglit kasi napagod ako sa kaiikot namin at nauuhaw na din ako.

Nang marating namin ang kainan ay nag-alok si Semuel na sya na lang ang bibili matapos makuha ang order namin. Kami naman ni Therese ay naghanap na mauupuan, saglit din kaming naghintay na may umalis dahil punong puno ang loob ng kainan pero pinalad din kami at nakahanap ng bakanteng lamesa.

“Kumusta ka na Jerome?”

“Okey lang, mabuti na ang aking pakiramdam sabi ng doktor nung huli kong check-up ay maayos naman daw lahat.”

“Mabuti naman kung ganun.”

“Nakakaasar no ilang linggo na lang pasukan na ulet at ikaw ay graduating ka na.”

“Oo nga eh kay bilis lumipas ng panahon. Hindi nyo mamalayan kayo naman ang graduating.”

“Naku matagal pa yun. Dalawang taon pa ang bubunuin namin bago kami makawala sa high school.”

“Saglit lang yan.”

“Eto na po ang order ninyo.” Sabat ng isang pamilyar na tinig sa aming usapan ni Therese. Agad kong nilingon ang boses ang nakita kong ngiting ngiti ang taong pinanggalingan nito.

“Bakit andito ka? Di ka man lang nagsabi na darating ka pala.”

“Sorry naman! Eh kasi...”

“Nako Jerome, nang-iinterogate agad, di man muna pagpahingahin yung tao. Saka bakit dapat lagi mong alam ang ginagawa ni Nick, jowa ka ba?”

“Hindi pa.” Mabilis kong sagot pero nagulat ako sa nasabi ko. Sa loob loob ko ay napaisip ako kung tama nga ba na bigyang laya ko na ang aking puso para naman mailaan ko ito sa iba.

“Ayan na naman kayong dalawa. Bakit di pa kasi kayo mag-aminan.” Pagbubuyo ni Therese.

“Wala naman kasi kaming aaminin.” Pagpapalusot ko.

“Seryosong tanong ni Nick, kumusta na kayong dalawa?”

“Ewan ko dyan kay Jerome. Basta nasabi ko na naman sa kanya ang nararamdaman ko.” Sagot ni Nick. Hinayaan ko lang si Semuel na magtanong pero humarap na ito sa akin ay natigilan ako.

“Ikaw Jerome, seryosong tanong din...” Bungad nito pero bago pa man ito matapos ay nagmamadali akong tumayo sa aking kinauupuan at nasagbing, “Saglit lang ha, punta lang akong CR.” Hindi ko na hinintay ang sagot nila basta na lamang akong umalis.

“Wooh! Daya.” Narinig kong sinabi nung tatlo. Ewan ko ba ayaw kong tanungin nila ako, ngayon kasi di ko din naman alam ang isasagot ko. Sinadya kong tagalan ang pagpunta sa CR, kahit na nga hindi naman talaga ako naiihi ay sinabi ko lang iyon para makaiwas sa mga tanong nila.

Nang bumalik ako ay tahimik silang tatlo at tiningnan lang ako. Hinintay na makaupo ako at biglang tumabi sa akin si Semuel. Umakbay din ito sa  akin at nagsalitang muli.

“Akala mo makakatakas ka na?” Gusto ko sanang tumayo pero dahil sa pagkakaakbay ay di ko na magawa.

“Naiihi lang ako, nagpaalam  naman ako ah.” Palusot ko.

“Sige sabi mo eh, pero eto ulet ang tanong. Kumusta na kayong dalawa ni Nick?”

“Ayos lang, magkaibigan. Di ba Nick?”

“Ah magka-IBIGAN...”

“Baliw! We’re friends!”

“Showbiz!”

“Eh parang si Boy Abunda ka kung makapagtanong.”

“Pero mahal mo?” Diretsahang tanong nito sa akin.

“Ha?...” At di ko na alam ang sasabihin.

“Nag-isip pa!” Hirit ni Semuel.

“Ouch!” Sabay na sabi ni Nick na napahawak sa kanyang dibdib, sa kinaroroonan ng kanyang puso. Kahit na pabiro ang ginawang iyon ni Nick ay napansin ko pa din ang pagbago ng kanyang mukha. Kahit na pilit syang ngumingiti at nakikipagbiruan ay bakas pa din na nasaktan ito sa aking tinuran. Sa nakita kong iyon ay di ko napigilan ang sarili.

“Sa totoo lang hindi ko alam kung pagmamahal nga ba, basta isa lang ang natitiyak ko, mahalaga sya sa buhay ko. Isa sya sa mga taong kahit lagi kong nakakasama ay hindi ko pagsasawaan. Kahit nga korni ang mga jokes ay napapasaya nya pa din ako. Siya lagi ang andyan at tumutulong sa akin at nagiging sandalan ko kapag may mga problema ako. Natatakot lang akong sabihing mahal ko sya kung ako sa sarili ko ay naguguluhan pa. Hindi naman kasi ganun kadali diktahan ang puso na magbago agad ng nararamdaman. Ngayon ay tinitimbang ko pa din. Darating din ang panahon na masasabi ko sa sarili ko na pagmamahal na nga ang nararamdaman ko. At ikaw ang unang makakaalam kapag sumapit iyon.” Lumingon ako kay Nick habang binibigkas ang aking mga huling salita.

Naging tahimik silang tatlo sa aking pagpapaliwanag at dahil ramdam ko pa din ang pagiging awkward ng sitwasyon ay pilit kong binago ang usapan.

“Tara tayo ay mag-ikot-ikot muna. Malapit na din naman ang aking curfew.”

“Anong curfew? Nagtatakang tanong ni Nick.

“Ang paalam ko kasi kay Papa ay uwi na ako ng alas nuebe.”

“Ay ganun, yayain pa naman sana kitang manuod ng sine tapos...” Usal ni Nick.

“Wooh porke’t sinabi kong uuwi ako agad ngayon naman magyaya ng sine. Bukas na lang. Pero kung tutuloy kayo ay sige, enjoy!” Sabay kunyaring nalulungkot ako dahil di ako makakasama.

“Joke lang naman. Tara samahan mo na lang ako.”

“Saan naman tayo pupunta? Saka paano yang dalawang yan.” Sabay nguso ko na tinuturo sina Therese at Semuel.

“Okey lang kami, magpapasama nga din ako kay Semuel at may bibilhin akong gamit, pinapabili ni Mommy.”

“Ay sya, alis na muna kami. Text na lang kami pagkatapos na para pwede tayong sabay-sabay nang umalis o baka naman may pupuntahan pa kayo.” Sabay kindat ko kay Semuel. At nang tingnan ko si Therese ay namumula ito.

“Tara na Jerome at halatang nakakaistorbo na tayo dito.” Pagyayaya ni Nick.

“Sige, paalam.” Sabay naming sabi.

Sinundan ko lang si Nick kung saan sya pumunta. Kung saan saang boutique pumapasok na parang may hinahanap pero kapag tinatanong ko naman ay wala naman itong sinabi. Noong malapit nang mag-alas nuebe at gusto ko na ding umuwi ay nagpaalam na akong aalis na ako.

“Nick, di mo pa din ba nahahanap kung ano yung bibilhin mo? Kanina pa tayo paikot-ikot dito pero wala ka namang binibili.”

“Eh kasi... Basta mahirap hanapin.”

“Ewan mo ko sayo, di mo naman sinasabi kung ano yung hinahanap mo eh di sana natulungan na kita.”

“Basta. Malalaman mo din yun.”

“Bahala ka nga. Mauuna na ako, daan pa ako dyan sa bakeshop at mag-uuwi ako ng chocolate roll para kina Papa at Mama.”

“Samahan na kita, mukhang di din naman ako makakahanap nung bibilhin ko. Saka ihahatid na kita sa inyo.”

“Huwag na. Okey na ako. Saka gabi na.”

“Ayos lang, Basta ihahatid kita. Huwag ka nang makulit.”

“Opo sir.”

Matapos kung makabili ng chocolate roll ay umuwi na din kami. Medyo nahirapan kaming sumakay kasi madami kaming kasabay pauwi pero mabuti na lang at may isang dyip na dumaan na konti lang ang pasahero. Tahimik kami ni Nick pareho sa dyip. Ako pinagmamasdan ko lang ang mga dinadaanan pero di ko naman iniintindi kung ano ang nangyayari basta parang isang pelikula lang na patuloy sa pag-play pero wala naman akong naiintindihan. Nagulat na lang ako nang biglang pumara si Nick.

“Para po!” Huminto ang sasakyan sa tapat ng subdivision namin. Hindi ko namalayang na nakarating na pala kami.

“Ang lalim ng iniisip mo Jerome, di mo man lang namalayan na malapit na tayo pero panay naman ang masid mo sa dinadaanan natin.”

“Sorry, madami lang akong naiisip, buti na lang laging kang andyan.” Nilingon ko sya sabay pacute na ngiti. Hindi din ito nakapagpigil at bigla na lang kinurot ang pisngi ko.

“Aray!”

“Cute mo talaga!”

“Ano?”

“Wala sabi ko tara na.”

Lihim akong napangiti sa sinabing iyon ni Nick. Sa narinig parang sumikat ang araw sa mundo ko kahit na nga madilim sa aming nilalakaran. Nakarating kami sa bahay at pinagbuksan ako ng pinto ni Mama. Binigay ko ang dala kong chocolate roll at naupo muna ako sa sala kasama si Nick. Tinanong kami ni Mama kung kumain na kami at sabi namin ay busog pa kami.

“Ma, ako na pong bahala, magpahinga na lang kayo.”

“Sige, Nick, ikaw dito ka ba matutulog o uuwi ka pa?”

“Baka po umuwi na lang ako.”

“Hindi, dito ka na matulog, gabi na. Jerome pahiramin mo muna ng damit yang si Nick.”

“Opo Ma. Ako na pong bahala.” Pagkarinig nito ay umakyat na din si Mama.

Binuksan ko ang tv ang naghanap na mapapanuod, nang wala akong mahanap ay nagpapaalam ako kay Nick na pupunta muna ako sa kwarto at mag-aayos lang ng gagamitin namin. Sumabay na ito at nababagot din daw sya at wala syang mahanap na magandang channel. Mabilis lang akong naghilamos at nagpalit ng damit kasi naramdaman ko na ang pagod sa ginawa naming paglalakad ni Nick. Matapos kong makapagbihis ay nahiga na ako sa kama at pumikit. Ilang sandali pa ay naramdaman ko na lang ang paghiga din ni Nick sa tabi ko. Hindi ko na pinansin kung ano pa ang ginagawa nya at sobrang antok na ako.

Dahil sa maaga akong natulog ay nagising din ako ng maaga. Madilim pa ang paligid dahil wala pang sikat ng araw na pumapasok sa aking bintana. Tanging ang mahinang paghilik ni Nick ang maririnig na ingay sa kwarto. Nang magising ang aking diwa ay doon ko napansin na nakaunan pala ako sa balikat ni Nick at nakayakap ako dito. Unti-unti kong tinanggal ang aking pagkakayakap pero bago ko pa man tuluyang maiangat ang aking kamay ay bigla itong pinigilan ni Nick at nagsalita ito.

“Dyan ka lang please. Love you.”

“I know. Matulog ka pa.” Sagot ko sa kanya. Pero naisip ko, ‘bakit ba hindi ko kayang sabihin din sa kanya na mahal ko din sya?’. Hindi ko pa napigilan ang sarili ko at binigyan ko siya ng halik sa pisngi. Dahil sa ginawa ko ay bigla tuloy gumalaw si Nick at yumakap ito sa akin. Hindi ko na tinanggal ka kasi sa sandaling iyon  ay may kung anong tuwa akong naramdaman. Ilang minuto pa ang lumipas ay muli ko nang kapiling si antok at ako ay muling naglakbay sa mundo ng panaginip.

-----

Isang malakas na kulog ang aking narinig at pagkatapos ay biglang lumiwanag ang kalangitan dahil sa kidlat. Malakas ang hangin at walang humpay ang pagbuhos ng ulan. Nakaluhod pinakagilid ako ng bangin, may dalawang baul akong hawak na pilit kong hinihila paitaas para hindi malaglag sa pinakababa ng bangin. May mga nakaukit na mga letra doon sa mga baul pero dahil sa lakas ng hangin na patuloy ang paghampas sa mukha ko ay hindi ko mabasa ito ng malinaw. Basta alam ko lang sa sarili na sa mga sandaling iyong ay kailangang huwag kong mabitawan ang mga baul na yun. Ewan ko ba hindi ko din maintindihan, hindi ko naman alam kung ano ang nilalaman pero ingat na ingat ako at buong lakas kong hinihila ang dalawang kahon. Dahil na din sa pangagalay ay unti-unti nang namamanhid ang aking mga daliri, nararamdaman ko ang pagdulas ng kamay ko sa hawakan. Muli aking inaninag ang naka-ukit na pangalan at may tatlo akong letrang nakita ‘SGS’. Hindi ko naman maintindihan kung ano ang ibig sabihin noon. Halos nakadapa na ako sa gilid ng bangin dahil sa patuloy na pagbigat ng dalawang kahon. Nangangalay na ang kamay ko at nangingig na ang aking mga kalamnan hindi lamang dahil sa ulan at lamig kung hindi dahil na din sa kapaguran. Naisip ko na hindi ko kayang buhatin ang dalawa at kailangang bitawan ko ang isa para naman may maisalba ako kahit isa. Naiisip ko kasi na kapag pinagpatuloy ko pa ang paghawak sa dalawang kahon ay baka mabitawan ko lang ito pareho. Hindi ko alam kung alin ang mas mahalaga sa dalawa pero nakapagdesisyon akong pakawalan na ang isang kahon na may nakaukit na mga letrang ‘SGS’. Pagkabitaw ko ay parang may enerhiyang dumaloy sa katawan ko at nagkaroon muli ako ng lakas para tuluyang maiangat ang natitirang kahon. Buong pwersa ko itong hinila at nang maiangat ko na at malaya ko itong pinagmasdan. May mga letra ding nakaukit dito, ‘RNT’ pilit kong inaalog ang utak ko para namang bigyang linaw ang mga letrang aking nakita pero sa mga sandaling iyon ay tanging yung basa, lamig at pagod lamang ang nasa utak ko. Nang makapagpahinga ako ng konti ay naisipan kong tingnan ang laman ng nag-iisang kahong naisalba ko sa pagkahulog doon sa bangin. Pero bago ko pa man maingat ang takip ng kahon ay nakaramdam ako ng pag-uga ng aking katawan at may tinig na tumawag sa aking pangalan.

“Jerome! Hoy Jerome!” Naalimpungatan ako, pilit na pinoproseso ng aking isipan ang mga nangyari, hinahanap ko ang kahon, ang ulan at hangin pero wala akong nakita. Tanging ang magulo kong kama lamang at si Nick ka nakatingin lang sa akin.

“Bakit?” Naiinis kong pagtatanong.

“Wala sigaw ka kasi ng sigaw kanina pa. Anong kahon ang pinagsasabi mo?”

“Ha? Ah nanaginip lang ako kanina. Tungkol sa... hindi ko na maalala lahat pero basta may baul at may mga letra.” Yun lang ang tanging natira sa aking gunita. Muli akong nahiga at pumikit. Nagdadasal na sana magpatuloy ang aking panaginip nang malaman ko ang nilalaman ng kahon. Pero hindi na ako muling nanaginip tungkol sa bagay na iyon. Ang alam ko lang parang may kinalaman yun sa aking buhay. Sa ngayon di ko pa masyadong maintindihan pero umaasa akong magiging malinaw din ito pagdating ng panahon.

-----

Maaga kaming ginising ni Mama at magsisimba daw kaming tatlo, maaga ding umalis si Nick at sabi nito ay tatagpuin na lang nya kami sa simbahan. Mabilis akong naghanda at nagbihis. Magkahalong saya at lungkot ang nararamdaman ko sa mga sandaling iyon. Malungkot dahil hanggang ngayon ay may pangungulila pa din ako kay Kuya. Naalala ko ang mga sandaling magkakasama kami sa pagsimba. Pero may saya din akong nararamdaman kasi iisa na ulet kaming pamilya. Nagkaayos na kami ni Papa at sa tingin ko ay tanggap na nya kung sino at ano ako. Balik na sa dati ang aming samahan. Muling bumalik ang aking ama na pansamantalang naglaho sa buhay ko.

Nang makarating kami sa simbahan ay nandoon na si Nick sa may pintuan, hinihintay kami, nakaayos. Nakapolo na checkered na blue, denim pants at chucks na pula. Naka-gel ang buhok nito na di naman nya laging ginagawa pero sa mga sandaling iyon ay  napagwapo niyang tingnan.

“Oy Nick, pustura tayo ah.”

“Di naman sinipag lang mag-ayos.” Sabay tawa nito.

“Tara na sa loob at nang makahanap pa tayo ng mauupuan.”

Bago pa man kami tuluyang makapasok ay dumating din sina Therese at Semuel. Magkahawak ito ng kamay na tila ba naglalakad sa parke. Mabagal at may pa-sway sway pa.

“Tara na at baka mag-umpisa na ang misa, hayaan mo na yang dalawa na yan. Susunod na lang yang mga yan.”

Sinundan na namin sina Mama at tumabi ako dito, nasa tabi ko naman si Nick at si Therese at Semuel naman sa tabi nya. Wala akong ginawa kung hindi magmasid muli sa mga tao pero laging napupunta ang aking paningin  kina Therese at Semuel at kay Nick. Ewan ko ba kahit na nga sa ibang direksyon ako tumitingin ay sa kanila pa din bumabagsak ang aking pagtanaw. Nasa ganun akong estado nang mag-umpisa na ang misa.

Nang matapos kaming magsimba ay nagyaya si Papa na kumain muna kami dahil di pa nga kami nakakain ng matinong almusal. Deretso kami sa isang fastfood. Pancakes, hashbrown at hot chocolate ang kinain ko.  Nang matapos kaming kumain ay nagsiuwian na din kami. Si Nick bumalik sa kanilang bahay at may aayusin daw ito pero nagsabing makikitambay daw ito sa bahay after lunch. Ganun din ang sinabi ni Semuel, dadalaw din daw ito. Humihirit tuloy si Therese, “wow boy-bonding!”.

Nagpunta muna kami sa grocery at namili ng mga kulang na gamit sa bahay at nang matapos kami ay umuwi na din kami. Pagdating sa bahay ay nagbihis lang ako ng pambahay at tumambay sa sala. May dala akong libro na babasahin ko sana pero bago ko pa man maumpisahan ay binuksan ko muna ang tv para maghanap ng panunuorin. Tumabi sa akin si Papat at inabot ko sa kanya ang remote, baka kasi may gusto syang panuorin. Napansin kong nasa coffee talble pa yung ng mga album na hinanap ni Papa at kinuha ko ang isa at tiningnan. Mga lumang pictures ito ni Papa, meron pang mga black and white na baby pictures. Patuloy ako sa pagbuklat at tinitingnan ang mga nasa larawan kong mayroon akong makikilala.

Napatigil ako sa nang makita ko ang isang picture ni Papa at may nakaakbay sa kanyang kaklase. Pareho silang nakasuot ng puting toga tanda na graduation picture iyon. May ilang medalyang nakasabit sa kanilang mga leeg. Ngiting ngiti silang dalawa na parang may isang napakahirap na bagay ang kanilang nalagpasan. Masusi kong pinagmasdan ang lalaki at parang pamilyar ang mukha nya. Inisip kong mabuti kung saan ko nakita ang mukhang iyon. Tumingin pa ako sa ibang mga larawan sa album at laging kasama ni Papa ang kaklaseng iyon. Sa picture sa mga Christmas party at iba pang okasyon ay naroon ito lagi. Habang patuloy ako sa pagbubuklat at bigla na lang pumasok sa aking gunita ang pangalang ‘Hector’ at kasabay nito ang bumalik din ang aming pag-uusap noong ako ay nasa ospital.

“Pa, eto po si Hector di ba?” Pagkompirma ko kay Papa.

“Ha? Paano mo nalaman ang pangalan nya?” Halatang nagulat din sya sa aking nabanggit.

“Bigla na lamang pong pumasok sa isip ko pati may sinabi sya sa akin noong kami ay nagkita. Sabi nya sabihin ko daw sayo na namimiss ka na nya at sana ay masabi mo na daw lahat at saka hindi pa rin daw nagbabago ang nararamdaman nya para sayo. Sino po ba sya Pa?”

[may kasunod]

8 comments:

Anonymous said...

da best!! cant w8 for the next

VerdeIsip said...

NEXT !! NEXT !! PLS.PLS. xDD

Anonymous said...

ganda talaga ng istroya.... gusto kona mabasa yung kasunod... hehheheh nakaka intriga kc chector at yung daddy nya na parang may naka raan... kelan kaya ang kasunod....

JayVir said...

wow... next pls...

Anonymous said...

hai... at last... okey na rin daddy ni jerome... saka ung friendship nia with therese... nick is such a wonderful person.... kaya lang bakit ganun lagi sa mga stories... bitin hehehee... waiting for the next episode..

sa author.... tnx sa sa ag-update mu sakin thru txt... URAGON talaga mga bikolano!...


-ronald

Anonymous said...

Masyadong mapaglaro ang isip ng author at naging intriguing ang story that makes it more interesting to read. Hoping na mapublish agad ang kasunod.

Anonymous said...

galit ang papa nya dahil din sa dinanas nito noong high school... sa naudlot na pagtitinginan nila ni hector...


saimy

Anonymous said...

thumbs up,, ang ganda ng takbo ng story,, nakaka excite,,
sana meron ng next chapter,, hindi talaga nakakasawang basahin ito kahit paulit-ulit.. :)


-robin-

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.