vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Thursday, January 26, 2012

Waiting for Tomorrow 15


Nagising ako dahil sa isang nakakasilaw na liwanag. Hindi ko alam kung nasaan ako at kung anong nangyari sa akin.Wala akong maramdaman kundi ang isang sensasyong parang ako ay lumulutang. Nilabanan ko ito pero wala akong nagawa. Paglingon ko sa paligid ay nasa isa akong silid, may mga taong naka-green at nakakumpol sila sa isang kamang may parang katawang nakahiga. Di na ako lumapit at tiningnan ang ginagawa nila at parang abala sila. Napansin ko lang na duguan ang kanilang mga kamay. Tumalikod ako at naglakad papunta sa pinto. Pilit kong hinahawakan ang doorknob pero ito ay tumatagos lang sa aking kamay. Tinulak ko ito pero hindi ko rin ito nahawakan bagkus ay lumusot na lamang ako dito. Bago ko pa man mapagmasdan ang aking paligid ay nabalot akong muli ng liwanag. Pagmulat ko ay nasa isa akong gubat at sa aking tabi ay may isang batis na malayang umaagos ang malinaw na tubig, naisip ko parang nasa Rivendell lang ako sa Lord of the Rings.
Kitang-kita ko ang mga munting isdang lumalangoy pati na ang mga batuhan sa ilalim ng batis. Nilingon ko ang paligid, walang tao pero ramdam ko ang aliwalas ng aking kinaroroonan. Naririnig ko ang mahinang lagaslas ng tubig. Ang mga matatamis na huni ng mga ibon at ang paulit-ulit na ingay ng mga kulisap at kuliglig. Hindi ko alam kung nasaan ako sa mga sandaling iyon pero may nagsasabi sa isip ko na parang gustong manatili na doon sa lugar na yun. Isang lugar na wala akong nararamdamang sakit, walang pangungutya at panghuhusga. Isang lugar na kahit mag-isa ako ay malaya ako.

“Hindi ka nag-iisa, andito kami.” Sabi ng isang pamilyar na boses sa likuran ko. Binaling ko ang aking paningin sa pinangalingan ng tinig at nakita ko si Kuya Jomar at ang isang lalaking parang kasing edad ni Papa na nakatingin din sa akin at waring nababasa ang mga naiisip ko.

“Kuya Jomar!” Excited kong bati sa kanya. Tiningnan ko din ang mukha ng lalaking kasama nya. Pilit kong inaalala kung sino ba siya at parang pamilyar ang hitsura nya. Sa pagsulpot ni ay isang katotohanan ang pilit na sumisiksik sa aking gunita…ang aking pagpanaw.

“Hindi pa. Hindi ka pa tuluyang nakakatawid.” Sagot ng lalaki.

Po? Nasaan po tayo? Saka sino po kayo? Pamilyar po ang mukha ninyo pero di ko po matandaan ang pangalan nyo.”

“Hindi ko din alam kung nasaan tayo. Ikaw ang may likha nito. Kaya ikaw ang makakapagsabi kung nasaan tayo. Kung sino ako ay malalaman mo din pagdating na tamang panahon. Basta andito lang ako ngayon para magbigay sayo ng konting gabay.”

“Gabay po? Saan po ba ako pupunta?”

“Yan din ang gusto naming malaman ng Kuya mo. Ngayon ay nasa isang sangang-daan ka, kailangan mong magdesisyon kung aling daan ang tatahakin mo.”

Hindi ko pa rin maintindihan ang sinasabi nyang pagdedesisyunan ko. Bakas sa mukha ko ang pagkalito.

“Jerome basta tandaan mo na ikaw pa rin ang may hawak ng buhay mo.”

“Hindi ko talaga maintindihan Kuya.”

“Sa takdang panahon ay magiging malinaw din ang lahat. Ito lang ang tatandaan mo, palayain mo ang sarili mo sa lahat ng poot, galit at sama ng loob na dinadala mo dyan sa puso mo.”

Pagkasabi nito ay biglang nagbagong muli ang aking paligid at napunta ako sa isang silid. Nakita ko ang aking katawang nakahiga sa kama. May benda sa aking ulo at may aparatong nakakabit sa katawan ko. Nasa tabi si Mama hawak-hawak ang aking kamay. Pagkakita ko sa ginagawa nya ay tiningnan ko din ang kamay ko na parang ninanais kong maramdaman ang init ng hawak na iyon.

“Lumaban ka Jerome...Para kay Mama, lumaban ka please…” Maiyak-iyak na usal nito.

Nasa ganung ayus si Mama nang biglang bumakas ang pinto at pumasok si Papa. Nagtinginan ang dalawa at hindi ito nagkibuan. Magsasalita sana si Papa pero di na nya itinuloy ang kanyang sasabihn at inihapag na lamang ang mga dala nyang pagkain sa lamesa sa loob ng kwarto. Nagpunta ito sa tabi ko at pinagmasdan nya ang nakaratay kong katawan. Hahawakan nya sana ako sa aking balikat pero bigla din nyang binawi ang kanyang kamay. Puno ng pagsisi ang kanyang mukha at lalo pa itong napuno ng lungkot nang tingnan sya ng masama ni Mama. Waring sa tingin na iyon ay isinisisi nya kay Papa ang nangyari sa akin. Walang nagawa si Papa kung hindi ang ibaling sa ibang direksyon ang kanyang tingin.

“Sorry Jerome…” Eto ang tanging nasambit ni Papa. Di pa rin sya kinikibo ni Mama. Bigla na lang tumayo si Mama at  lumabas ito ng silid na pinupunasan ang kanyang mata na patuloy sa pagluha. Pumunta si Papa sa pwesto dating kinaroroonan ni Mama at tinitigang muli ang aking mukha.

“Anak, kung naririnig mo man ako ay sana mapatawad mo si Papa sa nagawa nya. Marahil tama nga ang Mama mo, sa ginagawa ko ay lalo kitang naitututlak papalayo. Kung alam mo lang kung gaano ako nasasaktan sa mga nangyayari. Ngayon ko naisip na mali ang mga ginawa ko. Sana lumaban ka at sana magkaroon pa tayo ng pagkakataong mabuong muli. Na sana ay may pagkakataon pa akong bumawi sa mga maling nagawa ko sayo.” Patuloy ang pag-agos ng luha ni Papa habang sinasabi niya ito. Ramdam ko ang lungkot at bigat ng dinadala ni Papa. Napaisip ako sa mga sinabi nya. Tunay nga siguro na mahal pa rin ako ni Papa.

Biglang bumukas ang pinto at iniluwal nito si Nick. Tulad ng iba parang galing din ito sa pag-iyak, mugto at pula ang kanyang mga mata.

“Kumusta na po siya?” Matapang na pagtatanong ni Nick.

“Ganun pa rin, di pa rin nagigising. Natatakot akong baka sumuko si Jerome at…” Di na naipagpatuloy ni Papa ang kanyang sasabihan. Nabalot muli ito ng lungkot, siguro ay iniisip nito kung magkakatotoo ang kanilang kinatatakutan at mawala na din ako.

“Lalaban po si Jerome. Hindi nya tayo iiwanan… Please Jerome…” Halatang pinipigil na ni Nick ang kanyang pagluha. Siguro natatakot na ipakita ang emosyon sa harap ni Papa.

“Patawarin mo ako iho sa lahat na pagkakataong nasaktan ko kayo. Alam ko marami akong nasabing masasakit na salita, sa iyo at kay Jerome…”

“Huwag nyo na pong isipin yun, naiintindihan ko po ang pinagdadaanan nyo. Ngayon po isa lang ang hinihiling ko, at yun ay magising si Jerome at sana ay maging okey na sya.”

“Mahal mo ba talaga si Jerome? Halos araw-araw lagi kang andito.”

“Hindi ko maiisip kung paano ang buhay kapag wala po sya. Siya ang dahilan ng mga ngiti sa aking labi. Siya ang nagbibigay lakas sa akin para harapin ang bawat araw. Hindi ko naman po hinihiling na maging kami ng anak nyo, basta alam ko lang na nasa mabuti syang kalagayan ay masaya na ako.” Mahabang pagpapaliwanag ni Nick.

Sana nga magising na sya para malaman nya kung gaano sya kahalaga sayo, sa ating lahat.”

Naging tahimik silang dalawa at muli lang nilang pinagmasdan ang nakaratay kong katawan. Bigla ko namang naramdaman ang muling pagliwanag ng aking paligid at napunta na naman ako sa ibang lugar. Nasa taas naman ako ng isang bundok. Ang buong paligid ay nababalot ng kogon na umiindayog sa saliw ng ihip ng hangin. May mangilan-ngilang puno ang nasa paligid pero isang dagat ng berdeng damo lang ang matatanaw at ang asul na langit. Maliwanag ang araw pero hindi ramdam ang init nito.

“Kailangan mo nang magdesisyon Jerome.” Bungad ulit ng lalaking kasama dati ni Kuya.

“Hindi ko pa rin po maintindihan, saka nasaan po si Kuya?”

“Tapos na ang bahagi ng Kuya mo, ngayon ikaw na ang pipili ng landas na tatahakin mo.”

“Papunta po saan? Saka kayo po ba si San Pedro?” Naiinis ko nang pagtatanong kasi hindi nya sinasagot ang mga katanungan ko.

“San Pedro? Mukha bang ganun na ako katanda? Saka wala naman akong dalang susi at manok. Ngayon ay nasa pagitan ka ng mundo ng mga buhay at yumao.Ngayon ay may pagkakataon kang tapusin na lahat ng paghihirap at sakit na nararamdaman mo kung pipiliin mong iwanan ang mundo ng buhay. Isipin mong mabuti, kung ano man ang maging desisyon mo ay yun na mangyayari. Mapalad ka sapagkat iilan lang ang mga taong nabibigyan ng ganyang pagkakataon.” Pagpapaliwanag nito.

Sa sinabing nyang iyon ay naunawaan ko na din ang lahat. Bumalik ang sakit na naranasan ko. Ang poot at galit na namayani sa puso ko para sa taong nakasakit sa akin. Si Papa, si Semuel, si Therese at ang lahat ng mga taong nanghusga sa pagkatao ko. Ang mga taong walang ginawa kung hindi ang pag-usapan ako. Pero kasabay noon ay bumalik din sa gunita ko ang mga masasayang alaala na kasama ko sina Papa, si Mama, si Kuya Jomar, yung mga panahong maayos pa kami ni Semuel, ang pagkakaibigan ni Karen at Lynn, at higit sa lahat si Nick. Si Nick na laging andyan at handa akong damayan at handang gawin ang lahat para lang maging masaya ako. Huminto akong muli at nag-isip ng malalim. Tinitimbang ang aking magiging desisyon.

“Alam mo Jerome, madaling sabihing nahihirapan tayo at nasasaktan pero tandaan mo na sa pamamagitan noon ay mas lalo tayong nagiging matatag at lalo nating napapahalagahan ang buhay.”

“Alin po ba dapat ang piliin ko?”

“Alin ba ang sa tingin mo ay kaya mong panindigan? Ikaw ang magdedesisyon. Kapag pinili mong bumalik, makakaranas ka ng sakit pero mararanasan mo din ang maging maligaya sa piling ng mga taong nagmamahal sayo at kasama din ang taong nakalaan para sayo. Pero kung iiwanan mo sila ay di mo na muling mararanasan ang sakit. Makakasama mo na ang Kuya mo.”

“Napakahirap naman pong pumili.”

“Pero kailangan, kaunti na lang ang sandaling nakalaan para sa pamamalagi mo rito sa kawalan.”

“Alam ko na po ang aking desisyon. Pero bago ko po ito sabihin pwede po bang makausap kong muli si Kuya?”

“Bakit Jerome?” Si Kuya Jomar biglang sumulpot sa aking tabi.

“Wala lang gusto ko lang kitang makita at gusto ko lang magpasalamat saiyo sa lahat. Miss na miss na kita ng sobra. Iba ang buhay kapag wala ka Kuya.”

“Di ba di naman ako nawala, andito lang ako sa puso mo. Hinihiling ko lang na sana magkaayos na kayo ni Papa, mahal na mahal ka nun.Saka magpatawad ka para maging tuluyan ka nang maging masaya. Pakisabi pala kina Mama at Papa na mahal na mahal ko sila.” Habilin ni Kuya.

“Jerome, pakisabi sa Papa mo na namimiss ko na sya at sana ay masabi na nya ang lahat. Sabihin mong hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman ko.”

“Hindi ko po maintindihan pero ano nga po ulet ang pangalan nyo?”

“Hector.”

Biglang naramdaman ko ang isang puwersa sa aking dibdib na parang hinihila ako papalayo kina Kuya at doon sa lalaking nagngangalang Hector. Pabilis ng pabilis ang paghila sa akin na hindi ko na namalayan at naaninag ang mga bagay bagay na mabilis na dumadaan sa aking paligid. Ilang segundo pa ay naramdaman ko na para akong bumagsak. Madilim ang aking paligid. Masakit ang aking buong katawan, lalo na ang aking ulo at dibdib. Buong lakas kong minulat ang aking mga mata. Noong una ay nasilaw ako sa liwanag ng silid kaya napapikit akong muli. Marahan kong minulat muli ang aking mata para masanay ako sa liwanag. Nang maaninag ko ang aking paligid ay tumambad sa akin ang muka ni Nick. Bakas ang saya sa mukha nito na parang nanalo ng lotto. May kislap sa mugtong mata nito.

“Kumusta ka na Jerome? Mabuti naman at nagising ka na?”

“Tubig.” Ito ang una kong nasabi dahil sa sobrang sakit ng lalamunan ko, tuyong-tuyo. Mabilis na kumuha ng tubig si Nick. Dumating na din sina Mama at Papa kasama ang doctor. Lumabas pala ito nang biglang magbago ang signal sa aparatong nasa tabi ko. Nagulat silang nakitang gising na ako.

“Salamat sa Diyos at nagising ka na anak.” Sabi ni Mama. Lumapit ito sa akin at biglang hinawakan ang aking mga kamay.

“Kumusta na ang pakiramdam mo?” Tanong ni Papa.

“Masakit pa rin ang katawan ko, ano po ba ang nangyari?.”

Pinaliwanag sa akin ni Papa ang pagkabangga sa akin ng isang truck habang naglalakad ako papalayo noong nag-away kami. Mabuti na lang daw at hindi ganun kalakas ang pagpapatakbo nito at hindi ako gaanong nagtamo ng matinding pinsala sa katawan. Pagkasabi nito ay hinyaan na nila akong tingnan ng kasama nilang doktor. Masusi akong sinuri ng doctor at sinabi nito na kailangan ko lang na manatili sa ospital ng ilang araw pa para maobserbahan nila kung magkakaroon pa ng pagbabago sa aking kondisyon pero sabi nito ay mukhang magiging maayos na ang lahat at gumagaling na naman ang mga sugat ko. Matapos makaalis ang doktor ay maraming katanungan ang pumasok sa isip ko. Bakit ako nasa ganitong ayos. Naalala ko lang ang away namin ni Papa at ang pagtawag sa akin ni Nick pero matapos noon ay isang malabong alaala na. Hindi ko maalala ng maayos ang mga sumonod na nangyari pero may mga konti akong naalala.

“Hector!” Bigla kong usal na ikinagulat ng lahat.

“Sino Jerome?” Seryosong tanong ni Papa. Namumutla ang mukha nito.

“Naalala ko lang po ang pangalang iyon, pero di ko maisip kong saan ko narinig yun. Bakit pa sino po ba si Hector?” Nagtataka kong tanong kay Papa.

“Ha...ah… eh kaibigan ko yun pero…” antagal bago naituloy ni Papa ang kanyang sinasabi. “Wala na siya.”

Napaisip tuloy ako kung bakit pumasok ang pangalang iyon sa aking gunita. Pinaglapas ko muna ang sinabing iyon ni Papa pero tatanungin ko na lang sya sa sunod na pagkakataon. May kutob kasi akong may dapat akong malaman tungkol sa kaibigang iyon.

Nang malaman ng barkada kay Nick na nagising na ako ay agad din itong dumalaw sa akin. Naunang dumating si Lynn at kasunod nito si Karen.

“Buti naman at nagising ka na. Kala naman kakaririn mo na ang pagiging sleeping beauty mo.” Pagbibiro ni Lynn.

“Kanino kayang halik ang hinihintay?” Paggatong naman ni Karen.

“Teka sino nga ba ang andito noong nagising yan?” Maintrigang tanong ng dalawa sabay tingin kay Nick.

“Tumigil na nga kayong dalawa. Hindi ako pinagsamantalahan ni Nick. Saka kung hahalikan man ako nyan di ako tatanggi.” Pagbibiro ko din na lalong nagpapula sa mukha ni Nick.

“Mga baliw.” Ang tanging naisagot ni Nick.

Dumating din si Semuel at syempre kasama si Therese. Halatang kinakabahan ito sa pagdalaw sa akin kasi palingon-lingon ito at mukhang balisa. Lumapit si Semuel sa kama ko at sumunod naman ito sa kanya pero nakapwesto ito sa may bandang likuran nya halatang iniiwasang makita ko sya.

“Kumusta ka na Jerome?” Bungad ni Semuel.

“Eto humihinga pa.”

“Huwag ka ngang magbiro ng ganyan. Ayaw kong naririnig yan mula sayo. Alam mo bang lahat kami dito ay nag-aalala sayo.”

“Alam ko naman yun eh. Pinapangiti ko lang naman kayo.”

“Pwes hindi nakakatuwang biro yan.”

“Opo sir.”

Sa usapan naming iyon ay tahimik lang na nakinig si Therese. Nakayuko ito at halatang nahihiya. Kaya ako na ang unang bumati sa kanya.

“Salamat sa pagdalaw Therese.” Nabigla ito sa sinabi ko at inangat nya ang kanyang ulo at tiningnan ako. Nakita kong mugto ang mga mata nito na halatang ilang araw na itong umiiyak. Naawa naman ako sa nakita kong hitsura nito.

“Bakit ang pula ng mata mo Therese, anong ginawa sayo ni Semuel?” Pagkasabi nito ay bigla kong tiningnan ng masama si Semuel.

“Hoy wala akong ginawa dyan ah. Lagi yang naiiyak kapag naikukwento ko ang kalagayan mo. Hanggang ngayon kasi sinisisi pa din nya ang sarili nya sa nangyari sayo.” Pagpapaliwanag ni Semuel na akin namang ikinagulat. Wala naman talagang kasalanan si Therese sa nangyari sa akin.

“Therese…” Mahinang pagtawag ko sa kanya. Lumapit ito sa tabi ni Semuel.

“Sorry…” Sabay naming bigkas. Napitigil kami parehas pero matapos ang ilang segundo ay nagsalita na din ako.

“Pasensya ka na sa akin ha kung hindi ko dati pinapansin ang paghingi mo ng tawad. Siguro ikaw lang ang naisip kong sisihin sa mga nangyayaring di maganda sa buhay ko kaya hindi ko mapakawalan ang galit ko. Patawarin mo ako kung may pagkakataon man na nasaktan kita, sinasadya ko man o hindi… Sorry talaga.”

“Hindi Jerome, wala kang kasalanan, ako nga ang dapat na magsorry sayo. Hindi ko na mababago ang mga nangyayari siguro nga nagseselos ako sayo dahil ikaw at kapakanan mo lagi ang naiisip nitong si Semuel. Alam mo , walang pagkakataon na magkasama kami na hindi ka namin napag-uusapan. Lagi ka nyang inaalala, laging iniisip ung mga dinaranas mo at kung paano ka nya binibigo bilang matalik na kaibigan. Oo, nagseselos ako, at dahil dun ay nagawa ko ang isang bagay na sobrang nagdulot sayo ng sakit at kalungkutan. Naiintindihan ko kung di mo man ako matanggap bilang kaibigan pero sana ay makuha mo dyan sa puso mo na patawarin ako, kahit hindi man ngayon. Sorry ulit.” Mahabang pahayag ni Therese.

“Not listening ka eh… Sabi ko sorry na nga din eh. Okey na ang lahat. At least malaya na din ako. Naisip ko kasi na wala namang patutunguhan kong pananatilihin ko yung galit ko sayo. Ako lang din ang maapektuhan sa huli. Saka sabi nga ni Semuel, girlfriend ka nya, bahagi ka ng buhay nya at ganun din naman ako, kaibigang matalik ko sya kaya okey na. Friends?” Sabay abot ko ng aking kamay sa kanya. Nagkamay kaming dalawa, tanda na ayos na ang lahat at magkaibigan na kami. Kitang-kita sa mukha ni Semuel ang tuwa at maayos na kaming dalawa ni Therese. Sa ginawa kong pagpapatawad ay naging magaan ang aking kalooban. May isang bagay na lang ang kailangan kong pagtuunan ng pansin at palihim ko itong sinulyapan.

Isang katotohanan din ang naging malinaw sa akin dahil sa naging takbo ng usapan namin ni Therese, na kahit gaano ko ipilit sa sarili ko na mamahalin din ako ni Semuel ay hindi ito mangyayari dahil ang buong atensyon nya ay kay Therese lamang. Magkahalong saya at lungkot ang aking naramdaman dahil sa realisasyong iyon. Siguro ay napansin ni Nick ang paglalaban ng emosyon ko kaya bigla na lang itong bumulong sa akin.

“Ayos ka lang ba? Huwag mo na munang isipin sila. Magiging okey din ang lahat.”

Nang marinig ko ang sinabing iyon  ay nagtaka ako kung paano nya nalaman ang mga bagay na tumatakbo sa isipan ko. Pero bago ko pa man mapagmuni-munihan iyon ay biglang humirit itong si Karen.

“At ano naman ang pinag-bubulungan nyo dyan?”

“Ah…eh…” Di ko maisip ang isasagot ko buti na lang ay sinalo ako ni Nick.

“Humingi lang ako ng isang ponkan kay Jerome, nagugutom na kasi ako. Beh!”

“Kala namin ay umamin na… Sayang antagal na naming hinihintay…”

“Ha?” Nagtataka kong tanong sa sinabing iyon ni Karen.

“Wala! Huwag mo na lang pansinin.” Pagkasabi nito tumawa ito na sinabayan na din nila Lynn at Semuel.

“Ayan na naman kayo.”

Nagtagal pa ng konti ang mga kaibigan ko pero sabay-sabay din itong umalis. Pagkaalis nila ay nakatulog na din ako. Nagising ako dahil sa liwanag ng paligid. Andun si Mama at Papa pero tahimik lang silang dalaawa. Na-guilty tuloy ako dahil pakiramdam ko kasalanan ko kung bakit di magkasundo silang dalawa. Hindi ko napigil ang sarili kong magsalita.

“Sorry po sa nangyari…”

“Aksidente ang lahat Jerome, wala kang kasalanan. Ang mahalaga ay magpagaling ka na para makauwi na tayo.” Si Mama puno pa rin ng pag-aalala.

“Ma, okey lang po ba kayo? Parang kanina pa kayo tahimik ni Papa.”

“Ayos lang kami anak, Marami lang siguro kaming iniisip ng Mama mo.”

Sana nga po maging maayos na ang lahat.” Pagkasabi nito ay muli kong pinilit matulog, medyo sumasakit pa rin kasi ang tagiliran ko.

Hindi na rin ako nagtagal sa ospital, mga dalawang araw pa ako bago pinayagan ng doktor para makauwi. Isang linggo din akong nasa kwarto lang. Unti-unti akong sumusubok na tumayo, nakakapagod na kasi ang laging nakahiga lang. Wala din naman akong ginawa kundi kumain at matulog, nakakasawa na. Nang medyo malakas na ang aking katawan ay pinilit ko nang maglakad-lakad sa loob ng bahay. Malaking tulong din ang palagiang pagbisita ng barkada. Kung hindi kami magmomovie marathon ay magkukwentuhan lang kami. Doon mas lalo akong naging malapit kay Therese. Doon sa mga pagkakataong iyon ay lalo ko syang nakilala at madami din kaming mga bagay na parehas naming gusto. Naisip ko nga na parang sya lang din si Semuel dahil halos magkatulad sila ng bagay na gusto.

Naging mabilis ang recovery ko. Siguro dahil na din sa masaya lagi ang aking disposisyon at dahil ginusto ko talagang gumaling agad para naman masulit ko pa ang nalalabing araw ng aming bakasyon. Ayaw ko namang ang isusulat ko sa aking “My Summer Vacation” sa English namin ay tungkol lang sa aking pagkaratay sa ospital.

Isang hapon habang mag-isa akong nasa sala ay biglang may tumawag sa akin.

“Jerome. Pwede ka bang makitambay muna dito sainyo?”

“Bakit Semuel? Anong atin?” Dumating sa bahay si Semuel may dalang isang box ng chocolate roll.

“Wala naman.Namiss lang kita ng sobra.”

“Hala! Eh lagi naman kayong andito ah. Kung makamiss ka naman parang nawala naman ako ng matagal.”

“Hindi ka nga nawala, pero maraming bagay ang nagbago.”

“Pumasok ka muna dito sa loob at lantakan natin yang chocolate roll mo.” Dumiretso kami sa kusina at kumuha ako ng maiinom sa ref habang si Semuel naman ay kumuha ng dalawang tinidor.

“Asan yung kutsilyo at plato?”

“Huwag na, hugasin lang yun. Tulad ng dati nating ginagawa, tinidor lang solve na tayo.”

“Bahala ka nga!” Pagkasabi nito ay kumuha agad ako ng malaking piraso, yung madaming chocolate icing.

“Takaw!” Pero ganun din naman ang ginawa nya.

“Seryoso bakit ang emo mo ngayon?”

“Namiss nga lang kita. Yung dating samahan natin. Yung dating… ewan, basta yun.”

Naging tahimik lang ako di ko alam ang isasagot ko. Alam ko sa sarili ko minsan hinahanap ko din ang mga sandaling iyon. Ngayon kasi lagi iba na ang kasama namin. Siya si Therese ako minsan sina Lynn at Karen pero kadalasan ay si Nick.

“Marami nang nagbago. Ang nakalipas ay nakalipas na. Di na namin mapapalitan yun.”

“Kaya ko nga hinahanap. Nawalan na ako ng panahon para sayo. Alam mo bang noong naaksidente ka doon ko lang narealize na kahit na nagkakausap na tayo dati ay malayo pa rin tayo sa isa’t isa. Parang pakiramdam ko ay may pader nang nakaharang sa ating pagitan.”

“Akala ko ako lang ang nakakaramdam noon Semuel, ikaw din pala.”

“Natakot  ako, nahiya ako sayo, alam ko kasing nagkamali ako sa ginawa ko pero naalala mo noong nag-usap tayo sa ospital? Di ba sabi ko may dahilan ako bakit ganun?”

“Oo, natatandaan ko.”

“Kasi ganito yun…” Lumapit siya sa akin at binulong ito sa akin.

“Ah ganun ba… Kaya pala… Ngayon naiintindihan ko na.”

“Sorry ulet Jerome ha. Alam ko masasakit na salita ang nabitawan ko noon. Tulad mo, siguro ay malalim din ang sakit na iniwan ng pangyayaring iyon sa buhay ko. Kaya siguro sayo ko nabuntun ang sama ng loob at lahat ng galit na nararamdaman ko dahil doon sa pinagtapat mo sa akin.”

“Huwag na nating ungkatin yun, basta ang mahalaga ay ayos na tayo. Kinalimutan ko na yun, ngayon pa na nalaman ko na may pinaghuhugutan din pala yung galit na yun.”

“Yun na nga ang masakit doon para sa akin,  alam ko na wala ka namang ginawang masama, sadya lang talagang nahulog ang loob mo sa akin pero ganun pa rin ang naging reaksyon ko. Hanggang ngayon ba ganun pa rin ang nararamdaman mo? Paano kapag andyan si Therese, nagseselos ka?”

“Ngayon, alam ko mahal pa rin kita pero kung tulad ng dati, di  na siguro, mahal kita pero ayos lang sa akin na hindi tayo, basta alam kong andyan ka lagi, na buo ang ating samahan at pagkakaibigan ay okey na ako. Ewan ko ba di ko nga magawang magalit sayo ng matagal. Parang lagi ko pa ding hinahanap ikaw, kahit na nasaktan mo na ako. Weird lang. Yung kay Therese naman ay minsan, may mga pagkakataong naiinggit ako. Yung tipong iniisip ko na sana ako na lang ang kasama mo. Pero alam mo nakita ko naman na mahal nyo ang isa’t isa eh. Kaya alam ko na napapasaya ka nya at ganun din sya sayo kaya masaya na din ako.”

“Alam mo ang weird, naiisip ko nga nung nasa ospital ka at walang malay, pilit kong iniintindi kung ano ba talaga ang nararadaman ko para sayo kasi aaminin ko bago si Therese at lagi tayong magkasama ay napakasaya ko lagi. Yung pagkagising ko sa umaga gusto ko ikaw agad ang nakikita ko at ayaw kitang nakikitang nasasaktan, na gusto kong gawin lahat para maging masaya ka lang. Inisip ko nga kung paano kaya kung inamin ko sayo yun nung mga panahong nagtapat ka, siguro mas magulo tayo ngayon?”

“Sa nangyari sa atin ewan ko wala akong pinagsisihan. Dahil dun napagtanto ko na isa ka sa mahahalagang tao sa buhay ko. Parang nahanap ko ang isang bahagi ng sarili ko sa katauhan mo.”

“Parang ganun din ako. Na parang noong wala ka pa ay laging may kulang sa buhay ko pero noong nakilala na kita ay para nabuo na din ako. Tama let’s keep this friendship forever.”

“To frienship and brotherhood!” Sabay kuha ulet ng cake.

Matapos naming maubos ang cake na dala ni Semuel ay naupo ulet kami sa sala. Dahil busog ay nanuod na lang kami ng TV. Hindi ko naman din naintindihan ang pinapanuod ko kasi laging bumabalik sa napag-usapan namin ang aking isipan na nagiging sanhi na pagkakaroon ng mga ngiti sa akin labi. ‘Balik na sa dati ang aming samahan. Sana pati yung iba maging maayos na din.’ Ito ang naging dasal ko bago tuluyang nahimbing ako sa aking pwesto sa tabi ni Semuel.

[may kasunod]

8 comments:

Gerald said...

Hector is Semuel's father. Jerome's father and Hector has a past. And maybe, Semuel is Jerome's brother.

Vinj said...

@Gerald, How did you know?

Anonymous said...

ang gulo mo gerald... kapatid ni jerome si semuel? bakit babae ba yung hector?

Anonymous said...

@ Gerald : nice! ,,, have you read this story already?


gustong gusto ko tlga ang story na to!!! next installment pls.. hehe

Anonymous said...

father plus father equals anak?

Anonymous said...

talaga? kakaintriga... ganda ng stories...
cno po author nito? can i ask permission para print ko ung story? sama ko lang sa collection ko ng mga stories.... tnx. pakitext naman ako if okey.. salamat ng marami... 09068360562

Gerald said...

Hahaha wala lang panggulo lang. Ewan ko rin di ko rin maintindihan comment ko e. Hehehe ignore nyo na lang.

Anonymous said...

inaabangan ko lagi toh, specially ung sa PAPA nya..., gusto ko na malaman kung sino si HECTOR sa buhay ng PAPA nya, at ung nararamdaman ni hector sa papa nya... nice.... love it...

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.