vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Tuesday, December 27, 2011

Waiting for Tomorrow 11


Naging madalas ang pagsama ni Semuel sa barkada. Nagtataka naman ako dahil sa pagbabago ng routine nito. Dati kasi parati nitong kasama si Therese at halos wala na syang time para sa amin pero ngayon parang mas gusto nya na makasama kami kaysa sa kanyang girlfriend. Hindi ko naman din sya magawang tanungin kaya sa mga kaklase na lang ako ni Therese nagtanong. Balita nga daw na medyo nagkakalabuan ang dalawa.
Hindi ko na tinanong kung ano ang dahilan kasi wala naman na akong magagawa tungkol dito. Sa pagbalik ni Semuel sa barkada ay ang naging hudyat ito para sa akin upang lumayo. Awkward kasi kapag nasa iisa kaming lugar. Hindi ko mawari ang dapat kong maramdaman kasama pa nito ang pagbalik sa aking gunita sa mga katagang binitawan ni Semuel noong nagtapat ako sa kanya. Saka ayaw ko na din siyang magkaroon ulet ng pagkakataong makausap ako, ewan ko ba sa sarili ko natatakot ako sa kung ano ang maaaring maging takbo kung sakaling mag-usap kami.


Isa pang napansin ko ay ang di pagkikibuan ni Semuel at Nick. Kadalasan ay sina Lynn at Karen lang ang kinakausap nito. Hindi ko alam kung meron silang di pagkakasunduan pero kapag magkakasama kami ay parang ilang sila sa isa’t isa. Panay ang tingin ng masama ni Semuel kay Nick na parang meron itong kasalanan sa kanya. Ayaw ko naman nang makialam sa kanila lalo pa at may kinalaman din ito kay Semuel.

Isang hapon ay mag-isa akong naglalakad papuntang library dahil may isusuli akong libro ay may biglang tumawag sa akin.

“Jerome!”

Nilingon ko ang pinangalingan ng boses at nakita kong si Karen pala at hinahabol ako.

“Saan ang punta mo?” Pagtatanong nito.

“Magsusuli lang nitong libro, overdue na nga eh.”

“Sama na ako. Ibabalik ko din ito.” Sabay pakita sa akin ng bitbit nyang libro.

“Okey.”

Naglakad kami papunta library na walang imikan.

“Bakit parang ang seryoso mo naman ata? At bakit parang iniiwasan mo kami nitong mga nakaraang araw?”

“Ah di naman, madami lang sigurong iniisip. Saka hindi ko kayo iniiwasan, gusto ko lang mapag-isa at makapag-isip.”

“At ano naman ang mga pinag-iisipan mong yan?” Interesadong pagtatanong nito.

“Wala, mga bagay-bagay lang.” Matipid kong sagot.

“Ano ba yan parang kayong tatlong lalaki sa barkada ay lahat may lihim,”

“Ha?” Kunyari ay wala akong napapansin sa issue nina Nick at Semuel.

“Ewan ko kung napapansin mo pero parang may issue yang si Nick at Semuel. Di nagpapansinan. Kapag tinatanong naman namin sila ay wala naman silang sinasabi.”

“Talaga? Ako din di ko alam. Di ko na naman nakakausap yung dalawang yun.”

“Pansin nga namin ni Lynn, bakit parang lumalayo ka sa kanila. Hindi kami sanay, dati kayo ni Semuel ang parating magkasama tapos ngayon si Nick naman, ano ba talagang meron?”

“Kunyari ka pang di mo alam?”

“Wala kaming alam, wala namang nagsasabi sa amin. Siguro nga may mga hinala kami ni Lynn pero syempre hinala lang yun, malay ba namin kung ano talaga ang meron.”

“Kung ano man yung iniisip nyo, yun na yun. Saka ko na lang ipapaliwanag kapag kasama mo na si Lynn para isahang kwentuhan na lang.”

“Kung ano man yun maiintindihan namin, kaibigan ka namin at hindi magbabago yun.”

“Salamat.” Hindi na din nangulit pa si Karen tungkol dito. Tahimik kaming nakarating sa library at naisauli ang libro. Pagbalik namin sa classroom ay agad kong kinuha ang bag ko at nagbasa na lang ng libro. Wala akong ganang makipagkwentuhan pa sa kanila.
Natapos ang araw at nagkayayaan na pumunta sa mall pero hindi din natuloy kasi may lakad si Lynn, birthday ng kapatid habang si Karen naman ay kailangang umuwi agad sa bahay nila. At dahil nga iniiwasan ko si Nick at Semuel ay nagdahilan na lang din ako para hindi sila makasama.

Pilit akong niyaya ni Semuel pero di ako pumayag sabi ko dadaan pa ako ng library at may hihiraming libro. Iniwan ko sila sa ming room at nagmadaling pumunta sa library. Pagbalik ko sa classroom ay nakita kong may seryosong pinag-uusapan si Nick at Semuel. Ayaw ko namang makagulo sa kanila para kuhanin ang bag ko kaya naisip kong hintayin na lang na matapos ang kanilang usapan. Papaalis na sana ako nang marinig kong banggitin ni Semuel ang aking pangalan, nagkaroon tuloy ako ng interes na makinig sa kung ano ang sinasabi nila tungkol sa akin.

“Hindi yan ang usapan natin, nangako ka Nick.” Banat ni Semuel.

“Oo alam ko, tinupad at tinupad ko naman yun Semuel pero pasensya na nadala lang ako.” Sagot naman ni Nick.

“Nadala? Pero kung magkikilos ka parang gusto mo na din sya.”

“Oo, gusto ko na nga siya,  hindi ko naman kayang pigilan ang aking nararamdaman. Maniwala ka, sinubukan ko pero di ako nagtagumpay.”

“Ang sabi ko sayo bantayan mo sya  at alalayan hindi yung mahalin din sya.”

“Ikaw dapat kasi ang gumagawa nito pero iniwan mo sya at pinagtabuyan. Ngayon sisihin mo ako kung nagkakaroon na ako ng pagtingin sa kanya.”

“Alam mo ang dahilan ko. Malinaw yun saiyo.”

“Alam ko, pero anong magagawa ko kung sa bawat pagkakataon na nakaksama ko sya ay napapagaan nya ang loob ko. Sa bawat sandali ay napapasaya nya ako.”

Hindi ko na matiis pa ang aking naririnig kaya padabog akong pumasok ka aming classroom at dali-daling kihuna ang aking bag.

“Excuse me, mukhang seryoso yang pinag-uusapan nyo, kunin ko lang ang bag ko. Sige mauna na ako.” Madaming mga bagay ang pumasok sa isipan ko.

‘Tama ba ang aking narining na minamahal na din ako ni Nick? At ano itong sinasabing pangako nya kay Semuel? Bakit ako pinababantayan ni Semuel? At ano kaya ang dahilang tinutukoy nya?’

Mabilis akong lumabas sa school. Naghahalo ang emosyon sa aking dibddib. Galit, kaba, ligaya at takot. Di ko alam alin ang matimbang sa mga emosyong yun pero magulo ang isip ko. Bakit ba ngayon ko lang nalaman ang mga bagay nato. Ngayon hindi lang si Semuel ang aking lalayuan pati na din si Nick ay akin nang iiwasan. Ayaw kong maulit ang nangyari sa amin ni Semuel. Ayaw kong muli akong ipagtabuyan at itakwil. Ayaw ko na muling masaktan.

Dahil sa pangyayari ay pinilit kong lumayo muna. Pakiramdam ko gulo lang ang dinadala ko sa aming samahan. Ayaw ko na ako ang maging dahilan upang tuluyan na kaming magkawatak-watak, kaya bago pa man ito nangyari ay kusa na akong lumayo. Kapag break ay madalang na akong sumasabay sa kanila. Mag-iisip ako ng dahilan na kunyari may tatapusin pa ako o kaya naman na may pupuntahan saglit. Kapag hindi ko talaga maiwasan ay hindi na ako nakikisali sa kanilang mga usapan. Dumating ang punto na kahit niyaya nila ako ay ayaw ko nang sumama. Kapag kumakain ako mas gusto ko na yun mag-isa. Ewan ko ba parang naging kaibigan ko si katahimikan. Siya ang aking laging kasama. Sa piling nya malayang nakakapaglakbay ang aking isipan palayo sa mga suliranin ng aking buhay.

-----

“Oi Jerome, galit ka ba sa akin? Kanina pa kita tinatawag di mo ako pinapansin, kung hindi pa kita naabutan siguro di mo ako lilingunin. Si Nick hingal na nagsasalita.

“Ah eh hindi naman, di ko lang talaga naririnig ang pagtawag mo.” Pagpalusot ko pero narinig ko naman talaga sya ayaw ko lang makipag-usap sa kanya.

“Pero yung totoo, galit ka ba sa akin? Para kasing lumalayo ka sa amin. Dahil ba ito kay Semuel?”

“Ha? Hindi naman, siguro… Ewan ko, gusto ko lang siguro mapag-isa.”

“Halata namang may problema ka eh. Halata namang iniiwasan mo kami. Inuulit ko galit o may tampo ka ba sa akin? May nagawa ba akong mali?” Seryosong tanong ni Nick.

“Ano ba ang usapan nyo ni Semuel? Narinig ko kayo dating pinag-uusapan ako.” Seryoso ko ding tugon.

“Ah eh…”

Naghintay ako sa sagot nya pero wala na siyang nasabi para itong natigilan at lumingon na lang sa paligid na waring naghihintay ng pagdating ng kasagutan sa aking tanong.

“Kung di mo din naman sasabihin ayus. Mauna na ako.”  Papaalis na ako nang bigla akong hilahin ni Nick.

Tara meryenda muna tayo, tapos sasabihin ko na.” Kinakabahang pag-yaya ni Nick.

“Huwag tara dun na lang tayo sa ilalim ng narra mag-usap, di naman ako nagugutom.

Pinuntahan namin ang paborito kong senti-place at hinintay kong magpaliwanag sya.

“Sinabi sa akin ni Semuel na bantayan kita. Na dapat lagi kang may kasama. Yun ang aming usapan. Lalo nga siyang nangulit noong nalaman nya ang nangyari sa Kuya mo?”

“Ha? Bakit? At bakit ka pumayag?”

“Hindi ko alam kung nasa posisyon ako para sabihin yung dahilan pero kung gusto mo talagang malaman ay tanungin mo na lang sya. Pumayag ako kasi alam ko na nahihirapan ka. Kaibigan din naman kita Jerome, kahit di nya naman sabihin eh gagawin ko pa rin yung mga ginawa ko kasi alam ko na mahirap ang pinagdadaanan mo. Hindi naman ako manhid para hindi mahalata ang mga pagbabago sa mga kinikilos mo. Noon ngang nawala ng Kuya mo ay naging makulit si Semuel. Sabi nya sa akin ay gusto ka nyang puntahan at damayan kasi alam daw nya ang pakiramdam pero mas pinili na lang nyang huwag magpakita sayo kasi alam nya na nasaktan ka nya.” Pagpapaliwanag ni Nick.

Natahimik ako sa binunyag ni Nick, di ko alam kung ano na ang aking iisipin, siguro nga mahalaga din ako para kay Semuel pero hanggang ngayon ay nandoon pa rin ang sakit nang mga salitang binitawan nya tungkol sa aking pagkatao.

“Nick, ano naman yung sinasabing pingako mo, na sabi mo ay nadala ka lang?”

“Ha? Ah.. eh… Yun na yun…” Namumulang sagot ni Nick pero alam kong meron syang di sinasabi kaya kinulit ko pa sya.

“Alam mo naman Nick na kilala kita kaya sabihin mo na lang, kitang kita dyan sa hitsura mo na may itinatago ka.”

“Di ko alam kong matutuwa ka sa sasabihin ko pero bahala na, basta may isang kondisyon lang ako.”

“Ano yun? Andami namang kailangang gawin.”

“Basta mangako ka na walang magbabago.”

“Oo.” Mabilis kong sagot. Mabilis ang tibok ng puso ko habang naghihintay sa sasabihin ni Nick.

“Hindi  ko sinasadaya, hindi ko din pinilit, siguro ganun ka lang talaga kadaling makagaanan ng loob, noong una akala ko dahil sa kaibigan lang kita. Noong una ay pinipigilan ko pa, alam ko naman kasi wala akong pag-asa. Pero kahit anong pilit kong pagkumbinse sa sarili ko, isa lang ang sinasabi ng puso ko, at ikaw yun Jerome. Nahuhulog na ang loob ko sayo. Alam ko ang sitwasyon mo kaya hindi kita pipiliting mahalin din ako. Alam ko na si Semuel pa rin ang laman ng puso mo pero sana huwag kang lumayo sa akin. Huwag sanang magbago ang ating pagsasamahan basta hayaan mo lang akong andyan lagi para sayo.” Mahabang paliwanag ni Nick.

Wala akong maisip na maisagot sa sinabing yun ni Nick, hindi ko alam ang sasabihin kasi ako ay nalilito na. Tama sya, malaking bahagi pa din ng puso ko ang nakalaan para kay Semuel at hindi naman yun basta-basta mawawala ng ganun kabilis. Dahil sa tagal ng aking katahimikan ay aalis na sana si Nick pero natigilan sya nung ako ay magsalita.

“Pangako hindi ako magbabago, andito lang ako. Sorry kung hindi ko man masuklian ang pagmamahal mo. Nalilito ako. Mahalaga ka din naman sa akin at nagpapasalamat ako na nariyan ka lagi para alalayan ako. Isa kang tunay na kaibigan. Saka pasensya na pagiging malayo sa inyo, andami ko lang talagang iniisip, wala akong makausap.”

“Andito naman kami nina Lynn at Karen, makikinig kami. Naghihintay lang kami na lapitan mo. Alam mo sa ginagawa mong yan ay ikaw din ang nahihirapan.”

“Ewan ko ba sa sarili ko, may mga pagkakataon parang gusto ko lang mapag-isa. Minsan parang ayaw ko na…”

“Nako yan naman ang huwag mong iisipin Jerome, oo may mga problema ka ngayon pero lilipas din yan. Basta tandaan mo andito lang ako. Hindi kita iiwanan kahit ano pa man ang mangyari. Andito ka na kasi.” Sabay turo sa kanyang puso.

“Baliw ka talaga, may mga ganyan ka nang ka-kornihan.” Natawa ako sa sinabi niyang yun.

“Ayan dapat ganyan, nakangiti ka lang. Mas nahuhulog ang loob ko sayo.” Pilyong sabi ni Nick.

“Ewan ko sayo. Korni mo talaga.”

“Seryoso ako ah. Tara na kain tayo, libre ko. Nagugutom na talaga ako.” Hinila nya ako papunta sa canteen para dun kumain.

Nag-uusap kami nang biglang dumating sina Karen at Lynn.

“May himala!!” Bungad ng dalawa.

“At bakit parang okey na kayo? Lynn, mukhang sila na. Baka date ito, nakikigulo tayo.” Pabirong usal ni Karen.

“Isa pa kayong mga baliw. Anong date? Anong kami na?” Seryoso kong sagot sa kanila.

“Ay kala kasi namin kayo na!”

“Paano magiging kami eh di nga ako nililigawan nyan eh.” Pilyo kong sagot sa dalawa pero sa sinabi ko ay biglang napalingon si Nick at tiningnan ako.

“Ah ganun ba gusto mo, sige huwag kang magugulat kapag may dumating sayong bouquet ng white roses at chocolates ha.” Seryosong pahayag ni Nick.

Namula ako sa sinabing yun ni Nick. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag tinutuo nya yun.

“Joke lang Jerome!” Pagbawi ni Nick. “Pero kung liligawan ba kita, sasagutin mo ba ako?”

“Tama na Nick ha.” Nahihiya kong paki-usap. Kasi marami nang dumadating na mga tao sa canteen.

Tumigil na din si Nick at sina Lynn at Karen naman ay tumabi na sa mesa namin. Nagkwentuhan kami na parang tulad ng dati. Nakalimutan na ang pagbibiruan namin tungkol sa ligawan.

“Oy tapos nyo na ba ung project sa Biology? Kelangan ko pang mag-drawing  ng life cycle ng tutubi. Yun kasi ang naka-assign sa akin.”

“Di pa nga din eh, pero meron na akong materials. Gusto mo Jerome sabay tayong gumawa ngayong weekend. Dun sa bahay, wala naman akong kasama eh.”

“Sige. Punta na lang ako sainyo. Salamat ha.”

“Sama na din kami!” Sabi ng dalawang babae.

“Ok sige kita na lang tayo sa bahay.” Pagpayag ni Nick.

“Oy! Andito pala kayo. Pwede bang sumama din ako.” Bungad ni Semuel. Mag-isa itong dumating at nakisalo sa amin. Naging tahimik naman ako sa kinauupuan ko.

“Ayos lang Semuel, basta sa Sabado, sa bahay na lang. Punta ka na lang, ano bang naka-assign sayo?”

“Silkworm.” Sagot ni Semuel.

“Oy Jerome, ang tahimik mo naman dyan?” Pagpuna ni Lynn.

“Ah...eh… Iniisip ko lang yung project.” Pagpapalusot ko pero alam ko naman na alam na nila ang dahilan, at si Semuel yun.

“Ano ba kayo andami nyong issues. Hoy Semuel, umayos ka kausapin mo yang si Jerome.” Pagpipilit nito. Nagulat naman ako kasi ngayon ko lang nakitang umasal ng ganun si Lynn. Dati kasi lagi lang itong tahimik pero ngayon parang authoritative na ang dating.

“Nagkausap na kami, di ba Semuel?”

“Oo nga!” Pagsang-ayon nito.

“Hay nako, huwag nyo kaming lokohin, halata sa mga kinikilos nyo na naiilang pa din kayo sa isa’t isa. Akala ko ba magkakaibigan tayo, konting tampuhan lang eh nagkakaganyan na kayo.”

Tumayo si Semuel sa kinauupuan at akto nang lalapit sa akin nang biglang dumating si Therese. May galit sa mga mata nito. Lumapit sa akin at nagsalita.

“Luyuan mo nga siya Semuel. Di ba sabi ko naman sayo ayaw ko na sila ang nakakasama mo lalo na at andyan yang malanding yan.” Pagtuturo sa akin ni Therese.

“Walang masama na makasama ko sila. Mga kaibigan ko sila.” Sagot ni Semuel.
“Ikaw lang naman ang pinoprotektahan ko. Kilala mo naman sya, kung ano ang pagkatao nya.” Pagpaliwanag ni Therese. Nagulat ako sa sinabing iyon ni Therese. Kinakabahan kung ano pa ang sasabihin nya.

“Tama na yan Therese. Halika na. Sige alis na kami, pasensya na. Sorry Jerome.” Pagpapaalam ni Semuel pero di nagpatinag si Therese, derederetso ito sa pagsasalita at ngayon nga ay nakaharap na sa akin.

“Hoy tigilan mo na ang boyfriend ko! Nakakahiya ka pati kapwa mo lalaki pinapatulan mo. Bakit di ka maghanap ng ibang taong bibiktimahin  mo? Kaya mo ba sya kinaibigan dahil gusto mo syang matikman? Nakakadiri. Hoy bakla! Huwag na huwag mo nang lalandiin ang boyfriend ko, maghanap ka ng ibang lalaking papatol sayo.”

Noong mga oras na yun ay parang ay nanalangin na ako na bumuka ang lupa at lamunin ako. Pulang pula na ako dahil sa hiya, marami na kasing tao sa canteen at dahil sa eksenang yun ay lahat sila ay nakatitig sa akin. Para akong isang hayop na binabalatan ng kanilang pagtitig. Bawat hibla ng aking pagkatao ay gusto nang maghalo dahil sa pangyayari iyon. Matapos ang ilang minuto ay nag-umpisa na ang mga bulong-bulongan, may mga pagkakataong may magtuturo sa pwesto namin na waring sinasabi na andun yung bakla. Hindi ko na napigilan ang aking sarili at umiyak na lamang ako. Tumayo at umalis nang nakayuko. Di ko alam kung saan ako pupunta. Gusto ko lang makaalis na mapanuring mata ng mga tao. Bago pa man ako makalayo ay inabutan ako nila Nick, Karen at Lynn.

“Oy Jerome, ayos lang yan. Huwag mo silang pansinin. Hayaan mo sila.”

Tanging katahimikan lang ang naisagot ko. Hindi ko alam ang dapat kong sabihin. Hindi ko alam ang dapat kong gawin. Ang aking sekreto naisiwalat na. Ang pagkatao ko ay alam na ng lahat. Hindi ko na maiiwasan ang mga mapanghusgang lipunan. Paano ka tatakas sa iyong lipunang nakagisnan?

Sinamahan ako ni Nick makauwi sa bahay pero hindi na din ito tumuloy sa loob. Pagkapasok ko ay tahimik ang buong bahay. Tinawag ko si Mama pero walang sumasagot sa akin. Tiningnan ko ito sa kwarto nila at andun nga ito pero nakaupo lang kama katabi ang larawan ni Kuya. Lahat nang problemang iniisip ko ay nawala nang makita ko ang kalagayan ni Mama. Naawa ko sa kanya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ay nasasaktan pa din sya sa nangyari kay Kuya. Gustuhin ko mang humingi ng payo, ng tulong sa kanya tungkol sa nangyari sa school ay di ko magawa. Pakiramdam ko sa aming dalawa ay sya ang mas higit na nangangailangan ng tulong. Pilit akong nagpakatatag para kay Mama.

“Ma, kumain na po ba kayo?”

“Ay Jerome, ikaw pala. Kanina ka pa ba?”

“Kadarating ko lang po. Kumain na po ba kayo?”

“Ay di pa pala ako nakakapagluto.”

“Huwag na po kayong mag-alala, ako na ang bahala. Saglit lang at magpapalit ako. Tatawagin ko na lang kayo kapag kakain na tayo. Dito na lang muna kayo, magpahinga muna kayo.”

Nang matapos akong magluto ng pagkain ay tinawag ko na si Mama. Tahimik naming pinagsaluhan ang pagkain at nang matapos kami ay hindi na napigilan ang sarili ko ng tanungin si Mama.

“Ma, huwag kang magagalit pero lately napapansin ko lagi kayong tulala at minsan ay wala sa sarili. Okey lang po ba kayo?”

“Honestly anak di ko din alam, lagi ko kasing naalala ang kuya mo dito sa bahay. Lalo na at lagi akong mag isa.”

“Sorry Ma ha kung lately wala ako sa tabi mo. I know you're hurting. Naalala ko sa panaginip ko sabi ni Kuya maging matatatag daw ako para sa inyo pero ngayon parang di ko din kaya… andaming nangyayari… nakakatakot…”

“Bakit anak may problema ba?”

“Wala naman po Ma.” Pagpapalusot ko.

“Nako wag mo na akong bolahin. Kilala kita, sa akin ka nangaling. Alam ko may gumugulo na naman dyan sa isip mo. Ano yun? Makikinig ako.”

“Kasi ma natatakot ako eh…” At kinuwento ko na sa kanya ang nangyari sa school.

“Anak di ba wala ka namang ginagawang masama. Huwag mo silang pansinin.” Pagpapayo nito sa akin.

“Alam ko naman yun Ma pero alam ko din kung paano mang-mata ang mga tao. Hindi ko alam kung kakayinin ko pang magpakita sa kanila. Para tuloy tinatamad na ako pumasok.”

“Kung gagawin mo yan para mo na ring pinatunayang tama ang mga sinasabi nila. Patunayan mong mali sila at hindi totoo sa pamamagitan ng matapang na pagharap mo sa kanila.”

“Sige Ma, bahala na bukas. Sana maging ok lahat.”

[may kasunod]

No comments:

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.