vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Friday, January 20, 2012

Waiting for Tomorrow 14

Magbubukang liwayway nang ako ay magising. Nakayakap ako sa katawan ni Nick. Ramdam ko ang init ng kanyang dibdib pati na ang pagtaas-baba nito kasabay ng kanyang paghinga. Umupo ako sa tabi nya at isinandal ang aking likuran sa headboard ng kanyang kama. Masusi kong pinagmasdan ang mukha ni Nick. Napakaamo at puno ng sigla. Ang cute din pala ni Nick kapag matagal mo itong tinitigan. Nagkaroon tuloy ng ngiti sa aking mukha. At hindi ko namalayang papalapit na pala ako sa kanyang pisngi at dumampi na lamang ang aking mga labi dito. Kumilos ng bahagya si Nick sa aking ginawa pero di naman ito agad nagising. Bumangon ako at nagpunta sa banyo. Inaayos ang aking sarili at pumunta sa kusina.

Abala akong nakatalikod sa sink nang biglang may naramdaman akong kamay na yumakap sa aking baywang.

"Good morning, love!" Bungad ni Nick na nakayakap pa din sa akin. Pagkatapos ay hinalikan ako sa pisngi.

"Yuck! Di ka pa nagmumumog!" Pabiro kong sagot pero ewan ko ba pero may konting kilig akong naramdaman sa ginawa nya.

"Tapos na po. Ano yang ginagawa mo?"

"Nagutom ako eh. kaya ayan nagluto ako ng almusal natin. Sorry ha nakialam na ako."

"Ahh... Ang sweet naman ng love ko... Pa-kiss nga ulet." Seryosong sagot ni Nick.

“Anong love ka dyan? Kagabi ka pa ah…”

“Sorry di ko na mapigil ang nararamdaman ko eh.”

Sa sinabing iyon ni Nick parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa gulat. Doon ko lang napagtatanto na baka nga nahihirapan si Nick dahil sa kinikilos ko. Minsan di ko din maiwasan na maging sweet sa kanya. Pero naiisip ko na kaibigan ko sya at alam kong hanggang ngayon ay si Semuel pa din ang hinahanap nito. Kahit na nga ba sinabi na nito na hanggang sa pagiging magkaibigan lang kahihinatnan ng aming relasyon ay di ko pa din mapigil ang umasa.

“Sorry Nick, nahihirapan ka dahil sa akin. Dahil naguguluhan pa din ako.”

“Di ba sabi ko sayo dati pa ay di ko naman hinihingi na maging tayo. Basta hayaan mo lang akong ibigay sayo ang pagmamahal ko ay sapat na sa akin. Basta alam ko na nariyan ka lang lagi ay okey na sa akin. Saka ang mga sandaling ganito ang isa sa mga pinakamasasayang sandali ng buhay ko.”

“Bakit di na lang maghanap ng iba?”

“Kasi ikaw lang ang pinagsisigawan nito.” Sabay turo sa kanyang dibdib. “Kahit na anong pilit kong pigilan ay di pa rin ako nagtagumpay dahil tanging ikaw lang ang tinitibok nito.”

“Pasensya na ha, hindi ko pa kayang tumbasan ang nararamdaman mo para sa akin.”

“Tama na nga yan, nagugutom na ako. Ano bang niluto mo?”

“Bacon at itlog saka kanin. Yan lang ang nakita ko.”

“Ok na yan. Tara na kain na tayo.”

Matapos naming kumain ay naupo kami sa sofa at muli ay naghanap ng papanuorin. Nang wala ulet na makitang channel si Nick ay sa isang music channel nya nilagay. Para namang nanadya talaga si tadhana sapagkat, puro mga love songs at mellow na mga tugtog ang pini-play nila. Wala na kaming ginawa ni Nick kundi ang magtinginan at sabay kaming napatawa.

“Oi Jerome, anong laman nung regalo mo sa akin?”

“Bakit di mo pa binubuksan?”

“Nakatulog na ako kagabi. Nakalimutan ko na, tanging yung halik mo lang ang nasa isip ko kagabi.” Sabay tawa nito.

“Baliw!”

“Hindi nga, nakatulog na din ako.”

“Eh bakit di mo pa buksan?”

“Saglit lang at kukunin ko lang.”

Mabilis na umalis si Nick papunta sa kanyang kwarto. Pagbalik nito ay dala-dala na ang maliit na kahon. May ngiti sa kanyang mga labi.

“Buksan mo na.” Utos ko kay Nick.

Tinanggal ni Nick ang silver na ribbon at ang itim na balot. Bumungad sa kanya ang isang munting papel na kahon. Tiningnan ako ni Nick na wari ay naghihintay na aking pahintulot. Tumango lang ako para ipaalam sa kanya na buksan na nya ang binigay kong regalo.

Mabagal ang ginawang pagbubukas ni Nick ng munting kahon. Parang maingat itong binubuksan. Nang tuluyan na nyang mabuksan ay nagulat ito sa laman. Isang kwintas na silver at may dalawang dog tag na nakakabit. Masusing kinilatis ni Nick ang dog tag at napansin nyang may naka-engrave na letra sa mga tags. Sa isa ay may “N” habang doon naman sa isa ay “J”. Muli akong tiningnan ni Nick na puno ng katanungan ang kanyang mukha.

“Nakita ko yan kanina habang naghihintay sa inyo. Mabuti na lang at late kayo at napagawa ko pa yan.”

“Bakit dog tag?”

“Wala lang. Ewan ko din kung bakit yan. Siguro dahil nasa iisang chain lang sila ay lagi silang magkasama. At saka mas malapit sa puso mo.”

“Korni mo!”

Nilingon ko lang sya sabay labas ng aking dila “beh!”

“Salamat Jerome, ito na siguro ang isa sa pinakamasayang birthday ko. Sorry nga pala kahapon ha.”

“Huwag mo nang isipin yun, nagulat lang talaga ako at andun sya. Alam ko naman na kailangan ko din syang harapin pero siguro ay hindi pa ako handa na makipagbati sa kanya.”

“Pasensya na ulet, naisip ko lang kasi na madami ka nang iniisip kaya gusto kitang tulungang mabawasan ang mga problema mo.”

“Naiintindihan ko naman yun. Nagpapasalamat pa nga ako at andyan ka pero ewan ko hindi pa talaga ako handang magpatawad. Masyado pang sariwa ang sugat na dinulot ng ginawa nya.”

“Basta tandaan mo Jerome, walang naidudulot na maganda ang pagtatanim ng galit. Ikaw lang din ang mahihirapan nyan.”

“Alam ko naman yun at sinusubukan ko naman pero natatalo pa din ako ng galit at yung sama ng loob ng naramdaman ko. Wala akong ginagawa sa kanya tapos bigla sa isang iglap nagbago lahat sa buhay ko.”

“Look on the bright side, at least ngayon malaya ka na.”

“Malaya nga pero mahirap din na parang parati akong tinitingnan ng mga tao na parang may mali sa akin. Tingnan mo ang nangyayari sa amin ni Papa. Pakiramdam ko ay wala na akong nagawang tama sa buhay ko. Ewan ko, alam ko na mali na isisi ko lahat ng ito kay Therese pero ngayon ay sya ang tagasalo ng lahat ng galit na nararamdaman ko sa aking puso. Galit kay Papa at galit sa lipunang mapanghusga.”

“I thank you!” Usal ni Nick sabay tawa ng malakas.

“Baliw ka talaga Nick. Ano ako contestant sa Miss Universe?”

“Eh kasi naman ang napakaseryoso ng sagot mo. Saka pinapatawa lang kita.”

“Oy anong oras na ba?”

“Mga alas-diyes na siguro, bakit?”

“Hala, uwi muna ako. Baka hinahahanap na ako sa bahay.”

“Saglit lang hatid na kita. Wala din naman akong gagawin dito. Tambay muna ako sainyo o kaya gumala na lang tayo.”

“Tingnan natin kung papayagan ako ni Mama.
Mabilis na nag-ayos si Nick dahil na din sa pangungulit ko. Mabilis ang naging biyahe namin at dumating kamina magtatanghalian na.

Niyaya kami ni Mama na kumain pero noong pagka-upo namin ni Nick ay agad namang tumayo si Papa. Kahit pa nga di pa ito tapos kumain ay umalis na ito.

“Nakakawalang gana!”

Di na lang namin pinansin ang inasal ni Papa. Si Mama ay masayang nakipagkwentuhan sa amin ni Nick. Kinumusta nya ang naging lakad namin kahapon. Masaya kaming nagkwentuhan at nang matapos kami ay ako na ang nag-alok kay Mama na magliligpit ng mga pinagkainan.

“Ako nang maghuhugas, kung gusto mo dun ka muna sa kwarto ko. O kung matapang ka, samahan mo sina Papa sa sala.” Pagbibiro ko kay Nick.

Habang nakatalikod ako sa kanya at naghuhugas ng mga plato ay bigla ko na lang naramdaman ang mga braso nito sa aking baywang isinandal ang kanyang ulo sa aking balikat at bigla itong nagsalita.

“Dito ko lang gusto. Dahil dito masaya ako.” Di ako nakaimik sa kanyang tinuran. Nagulat na lang kami nang may tinig kaming narinig.

“Ahmmm!”

Sabay kaming napalingon ni Nick. Andun si Mama at pinagmamasdan kami. Biglang napabitiw si Nick sa pagkakayakap.

“Ah eh Tita… Ah…” Pautal-utal na sagot ni Nick.

‘Di makapagsalita itong mokong na ito. Halatang nagulat sa pagsulpot ni Mama.’ Sabi ng isipan ko habang di ko alam ang magiging reaksyon sa nakitang iyon ni Mama. Di ko alam kung itatangi ko o magpapaliwanag na lang ako.

“Huwag ka nang magpaliwanag alam ko na. Kayo na ba?” Biglang tanong ni Mama. Lumingon sa akin si Nick na parang hinihintay akong sumagot sa tanong na iyon.

“Ma, naman… Magkaibigan lang kami ni Nick…”

“Ah sige magkaibigan na nagyayakapan at laging magkasama.” Nakangiting usal ni Mama.

“Ma... Nang-aasar pa…we’re just friends... for now.” Nagulat din ako sa sinabi kong iyon. Para atang makahulugan yun at nakita ko na lang si Nick na may ngiti sa kanyang mga labi dahil sa mga nasabi ko.

“Sige bahala kayo.” Akmang aalis na sana ito nang biglang naalala ang pakay sa pagpunta sa kusina. Humingi ito ng malamig na softdrinks at matapos bigyan ni Nick ay bumalik na din si Mama sa sala.

Umakyat kami ni Nick sa aking kwarto. Di pa rin maalis ang ngiti sa mukha nito.

“Mukhang masaya ka ata?”

“Wala lang. May narinig lang akong masayang balita.”

“Ha? Ano naman yun? May nagtext sayo?”

“Wala…ikaw ang nagsabi.”

“Ha?”

“Basta. Masaya ako.”

“Bahala ka nga.”

Wala naman kaming ginawa ni Nick sa kwarto ko kundi magkwentuhan. Tiningnan nya ang mga collection ko ng mga libro.

“Alin ang favorite mo dito, na kahit paulit-ulit mong basahin ay di ka magsasawa?”

“Ang hirap naman nun, madami akong gusto at lahat yan ay nabasa ko na ng mahigit sa limang beses.”
“Talaga? Bakit paulit-ulit, nagbabago ba ang kwento?”

“Baliw! Di naman. Masaya lang ako kapag nagbabasa ako. Escape ko lang ang pagbabasa. Sa mundo ng mga libro, nagiging iba akong tao. Hindi ako nahuhusgahan. Sa mundong ito ay malaya ako.”

“Ayan ka na naman, pang-Miss Universe na mga sagot.” Sabay tawa nito.

“Ewan ko sayo, sinasagot lang naman kita eh. Eh ikaw bakit ang hilig mo sa computer games?”

“Tulad mo, escape lang din. Nakakalimutan ko ang aking mga problema sa pamamagitan ng mga laro. Sa pagdrowing ko naman nabubuo ang mga gusto kong mangyari. Dito ko din naipapahayag ang mga nararamdaman ko.”

“Ah talaga. Parehas lang pala tayo. Tumatakas.”

“Kaya nga dapat tayong magsama para tulungan ang isa’t isa.”

Di ko na lang sinagot ang sinabi nya. Ayaw kong makapagsalita na naman ng bagay na sa bandang huli ay pagsisihan o kaya ay di ko kayang panindigan. Patuloy ang kulitan namin ni Nick at di namin namalayan na hapon na pala. Di ko napansin ang paglipas ng oras. Parang saglit pa lang naman kaming umakyat. Nagpaalam si Nick na uuwi na daw muna sya at titingnan na lang daw nya kung kailan ulet sya makakadalaw.

-----

Dahil nga bihira na kaming magkausap ni Papa ay kay Mama ko nabalitaan na napromote pala ito at baka papuntahin ng ibang bansa para sa training. Naging abala si Mama at sabi ay maghahanda daw sya ng isang sorpresa para kay Papa. Sabi ko ay tutulungan ko na sya. Spaghetti, cheese sticks at coffee jelly ang ginawa ko. Habang si Mama naman ang gumawa ng kanyang roast chicken at kaldereta na paborito ni Papa. Abala kami ni Mama sa pagluluto buong maghapon at nasabi din nito sa akin na imbitahin ko din ang aking mga kaibigan. Kahit na nga biglaan ang aking paanyaya ay pumayag na din ang aking mga kaibigan at sumang-ayon na  pupunta daw sila.

Unang dumating si Nick at sumunod sina Karen at Lynn. Masayang nagkukwentuhan ang tallo nang iniwan ko sila para maligo at maghanda na din para sa sorpresa namin kay Papa. Nang matapos akong mag-ayos ay binalikan ko sila at nagulat ako na andun na naman ang kaisa-isang taong ayaw kong makita, si Therese. Napansin ata ang pagbabago ng aking mukha ni Semuel kaya ito na ang kusang lumapit sa akin.

“Jerome.”

“Bakit andito na naman yan?” Sabay nguso ko sa kinaroroonan ni Therese.

“Sorry ha, nagpumilit sumama, gusto ka daw kausapin.”

“Ang kapal din ng mukha nya no, at ang tapang niyang sumugod dito sa bahay.”

“Galit ka pa rin ba Jerome?”

“Obvious ba? Semuel di mo lang alam ang pinagdaanan ko sa school dahil sa ginawa nya. Sobrang nanliit ako sa sarili ko, pakiramdam ko lahat ng tao ay pinagbubulungan ako at ako lagi ang pinag-uusapan.”

“Kaya nga gusto nang magsorry ng tao.”

“Ikaw ba ang spokesperson niya?”

“Di naman, girlfriend ko sya at kaibigan kita. Gusto ko sana magkasundo kayo.”

“Ipapaalala ko lang sayo na hindi ako ang nag-umpisa nito. Siya ang nanguna.”

“Kaya nga ayan na, gusto nang mag-sorry… Bigyan mo lang ng pagkakataon na kausapin ka.”

“So ako pa talaga ang magbibigay ng oras sa kanya? Well kung ganyan din lang naman eh maghintay sya kung kailan ako handa syang kausapin. I’ll just assure na magiging civil ako sa kanya. Di naman ako tulad nyang nag-eeskandalo. She can stay.”

“Tsk. Tsk.” At napailing na lang ulo si Semuel sa sinabi ko. Siguro ay naisip nya na hindi nya talaga ako mapipilit na makipag-ayos kay Therese. Dahil tulad nga ng sabi ko ay galit pa din ang nanaig sa puso ko. Ayaw ko naman din na may kasamaan ng loob pero ganoon talaga siguro. Nasaktan kasi ako.

Naputol ang aming usapan ng biglang may bumusina sa labas ng gate. Si Papa dumating na. Ako na ang nagbukas ng gate habang si Mama ay naghintay sa may pintuan ng bahay. Nag-usap saglit si Papa at si Mama. Siguro kino-congratulate lang ni Mama si Papa sa promotion. Papalapit ako sa pwesto nila Mama at Papa para batiin din ito pero bago pa man ako makalapit at nakita ako ni Papa at niyaya nitong pumasok na sa loob ng bahay si Mama. Di ko na lang pinansin ang pangyayari at sumunod na lang din ako sa loob. Sa loob ng bahay ay tuloy ang kwentuhan nina Mama at Papa, isa isa din bumati ang mga kaibigan ko kay Papa sa pagkakapromote nito. Nagpaalam ito saglit at sinabing magbibihis lang daw sya pero sabi nito ay mauna nang kumain ang mga kaibigan ko. Sinamahan ko na ang mga kaibigan ko sa hapagkainan kung saan nakahanda ang mga niluto naming pagkain ni Mama. Nang papaakyat na ako para tawagin din sila Mama at Papa ay narinig kong nag-uusap sila sa loob ng kwarto.

“Ano ka ba Ernest, bumaba ka na doon at makisalo ka na.”

“Ang sabi ko magbihis ka at lalabas tayo. Doon na lamang ako kakain.”

“Anong problema mo? Nalaman mo lang na si Jerome ang naghanda ng mga pagkain ay nagbago na agad ang isip mo at sa labas ka na kakain.”

“Eh sa ayaw ko. Kung ayaw mo sige huwag ka na lang ding sumama.”

Hindi ko na pinakinggang matapos ang kanilang usapan. Sapat na ang narinig ko. Bumamaba ako sa mga kaibigan ko. Parang robot ko silang inalok na kumain lang at sabi ko na lang ay susunod na sina Mama. Maya maya pa ay dumating nga si Mama nakabihis. Sinabihan ang mga kaibigan ko na lalabas daw sila ni Papa at mag-enjoy lang daw kami sa pagkain.

“Oy date!” Hirit ng mga kaibigan ko kay Mama na natawa lang sa reaksyon ng mga kasama ko. Pero noong nagtama ang aming mga mata ay alam ko na may ideya na sya na alam ko na ang tunay na dahilan ng kanilang biglaang pag-alis. Tumango na lang ako kay Mama hudyat na naiintindihan ko at ayos lang sa akin ang lahat.

“Sige po enjoy po kayo. Saka pasabi na lang din kay Papa na congratulations. Ingat po kayo Ma.” Sabay pili na ngumiti kay Mama.

“Ikaw nang bahala dito Jerome ha. Saglit lang naman siguro kami.” Pagkasabi nito ay dumating na din si Papa at niyaya na si Mamang umalis. Di na ito nagpaalam sa aking mga kaibigan at nagbago pa ang mukha nito noong makita ako.

Isang buntong hininga ang pinakawalan ko bago ako muling humarap sa mga kaibigan ko. Kahit nasasaktan sa mga nangyayari ay isinantabi ko na lamang muna ito. Di ko pinahalata sa kanila na mayroon na naman akong dinaramdam. Sinaluhan ko sila sa hapagkainan at naupo ako sa tabi ni Nick. Nawalan na ako ng ganang kumain. Inalok ako nina Lynn at Karen para kumain pero tumanggi ako, sabi ko ay busog pa ako sa kakatikim ko ng mga nakahandang pagkain. Hinayaan nila ako at hindi na nagpilit pa pero di na ata nakatiis si Nick at tumayo ito at kumuha ng plato, nilagyan ng konting spaghetti, cheese sticks at chicken at inilapag ito sa harapan ko.

“Kumain ka kahit konti!” Mariing utos ni Nick nung tinangnan ko ito ng masama dahil sa ginawa nya. Kahit na nga ba ayaw ko ay pinilit ko na ding kumain. Hindi ko man lang na-enjoy ang pagkain dahil sa kung saan napupunta ang aking isipan.

“Oy Jerome, bakit tulala ka na naman dyan?” Pagpansin sa akin ni Lynn.

“Ha?” Gulat kong sagot.

“Saan daw pupunta ang Papa mo?”

“Ay di ko pa alam eh… Di pa nakukwento sa akin ni Mama.”

“Eh di makakasama kayo nyan kung sakali.”

“Ewan ko…”

“Bakit parang wala ka na naman sa mood ngayon? Kanina lang ay ang sigla mo ah?” Pagpuna sa akin ni Karen.

“Ah eh napagod lang siguro sa pagluluto. Siguro ngayon ko lang naramdaman ang pagod sa mga pinaggagawa ko kanina. Multi-tasking kasi ako kanina, nagbabalot ng cheese sticks habang hinihintay maluto ang sauce ng spaghetti.” Pagpalusot ko.

Di na ako kinulit ni Karen at nagpatuloy na lang din sila sa pagkain. Nang matapos na sila ay naisipan nilang tumambay muna sa bahay. Habang nasa sala silang lahat ay nagligpit naman ako ng mga pinagkainan namin. Nagulat ako nang biglang may magsalita sa likuran ko.

“May problema ba Jerome?” Pagtatanong Nick na katabi si Semuel .

“Wala naman.”

“Alam mo kilala na kita, bawat kunot ng noo mo, ang pag-iiba ng mukha mo, ang mga kinikilos mo kapag may problema ka. Kanina pagbaba mo galing sa kwarto nila Tita ay nagbago ang mood mo. Pati na noong paalis na sila.” Pagpapaliwanag ni Semuel.

Isang buntong hininga lang ang naging tugon ko sa sinabing iyon ni Semuel. Alam ko na nahalata nila na may dinaramdam ako pero di pa ako handang sagutin sila. Nang nakita nilang wala akong balak na sabihin ang kung ano mang bagay ang gumugulo sa akin ay sinabi na lang nila na lagi silang nariyan para tulungan at makinig sa akin.

“Salamat. Doon na muna kayo at samahan sila, kaya ko na ito.”

“Sigurado ka?” Nag-aalangang tanong ni Nick.

“Oo.”

Iniwan nila ako at bumalik ang mga ito sa sala. Sinamahan ko na din sila nang matapos ko ang aking ginagawa. Pilit ko munang isinantabi ang tampo ko kay Papa para naman di na mangulit pa sina Semuel at Nick. Naiinis din ako ng konti kasi andun pa rin si Therese.

Naiwan akong mag-isa sa bahay nang makaalis na silang lahat. Dumiretso ako sa aking kwarto at nahiga sa kama. Yaka[p-yakap ang aking unan ay hinayaan ko ang sariling pakawalan ang lahat ng sakit at sama ng loob na aking nararamdaman. Kusang bumuhos ang aking luha. Muli ko na namang naitanong sa aking sarili ko may mali ba talaga sa akin? Bakit ba galit na galit si Papa sa akin? Sa aking pagkatao? Nakatulog akong walang naiisip na kasagutan.

-----

“Ihahatid na kita Jerome.” Pagpipilit ni Nick.

“Huwag na.” Pagtanggi ko.

“Sasamahan na kita. Huwag ka nang tumanggi.” Pagkasabi nito ay bigla na lang hinablot ang aking kamay at hinala ako papauwi sa amin. Kagagaling lang naming magbabarkada sa mall dahil lahat kami ay nababagot at walang magawa. Isa pa ay napakainit ng panahon kaya naisipan naming doon muna tumambay at magpalamig na din.

Masaya kaming nagkukulitan ni Nick nang makarating kami sa bahay. Hindi ko namalayan na magkahawak pa rin kami ng kamay. Nang makapasok kami sa gate ay nagbiro pa si Nick na bibigyan ako ng ‘goodbye kiss’. Sakto naman noon na papalabas ng bahay si Papa at kitang-kita nya ang aming ginagawa. Mabilis kong tinanggal ang kamay ko sa pagkakawak ni Nick at bahagya akong napaurong sa aking kinatatayuan. Nanlilisik at puno ng galit ang tingin sa akin ni Papa. Kung makakapatay nga lang ang titig ay siguro ay kanina pa ako binawian ng buhay.

Bago pa man ako makapagpaliwanag kay Papa sa kanyang nakita ay naramdaman ko na lang ang suntok nya na tumama sa aking pisngi. Naramdaman ko na lang na may mainit na likido na umagos mula sa aking ilong. Nagulat naman si Nick sa nanyari at ihinarang ang sarili sa pagitan namin ni Papa.

“Pa…”

“Putang-ina mo talagang bata ka! Talagang nanadya ka! Pinagsabihan kita di ba?”

“Nagkukulitan lang po kami ni Nick…”

“Bakit sino ba tong magaling na lalaking ito? Boyfriend mo ba?” Sabay turo kay Nick.

“Oo boyfriend ko nga sya, bakit po masama? Mahal nya ako di tulad nyo.” Matapang kong sagot kay Papa. Naisip ko lang na sabihin yun para lang asarin sya. Napapagod na akong lagi na lang syang ganito. Parehas na nagulat si Papa at Nick sa sinabi ko. Si Nick ay magkahalong pagkalito at tuwa ang makikita sa kanyang mukha habang si Papa naman ay lalong namula sa galit.

“Punyeta ka talaga. Matapang ka nang sumagot ngayon ha. Sige magsama kayo nyang boyfriend mo. Lumayas ka sa bahay ko.” Pagkasabi nito ay lumabas na din si Mama ng bahay siguro ay narinig ang sigawan namin ni Papa.

“Ernest! Jerome! Tama na yan!”

“Lumayas ka! Tutal di mo na din naman ako sinusunod.” Pagsabi nito ay tinulak ako papalabas ng gate.

Di na ako nanlaban pa sa kagustuhan ni Papa. Mabilis akong naglakad papalayo ng bahay. Narinig ko na lamang ang pagtawag ni NIck sa akin na sumunod pala ako.

“Jerome!”

Nilingon ko sya habang patuloy pa rin ako sa paglalakad at di ko namalayang tumatawid na pala ako ng kalsada at nagulat na lamang ako nang biglang makarinig ako ng isang malakas na busina at naramdaman kong may kung anong bagay na tumama sa aking katawan. Tumilapon ako at bigla na lang nagdilim ang aking paningin.
    

[may kasunod]

12 comments:

Anonymous said...

The story is nice...........

Anonymous said...

ang tagal kong hinintay to, , sinusubaybayan ko talaga ,,
sana ndi gnto ktgal ang susunod na installment,
hehe

Ganda kc ng kwnto, !

Anonymous said...

tagal ko tong inintay... haizt.. gandang kwento tlga.. sna naman mblis ung next installment.. nabibitin ako sobra. sobrang gnda n ng kwento ..

VerdeIsip said...

isa ito sa PINAKA-MAGANDANG story na
nabasa ko... :)) parang ayaw mo na more update po pls.pls. HEHEHE .xDD God bless.

jayvir said...

sa wakas, naipublish din... araw araw ko chinecheck kung may kasunod na...
sabi ko na eh... maaksidente si Jerome...
naku naku...
Go author...
I really love this story...
Kudos!!!
Cant wait for the next chapter...
Sana meron na bukas...
hahaha

Anonymous said...

super kaabang abang naman to.. kaya lang tagal lumabas ng nxt episode...

aqua16 said...

ang ganda talaga ang kuwento pero sana update naman plagi para hindi kami humanap ng iba....

thoshiro10 said...

i really love this story...sana masundan agad!!!

Anonymous said...

Journey said,

Jerome is very stong to face all the sequences happened to his life.... I hope that the story will not end up Jerome into tragedy instead it will end up to very successfull.... It seems the story will go into Quartet of the 4 guys in the story Jerome, Nick, Semuel and Marc.......

Gerald said...

Hey, this is a nice story to read. Pls update regularly. Pls?

Anonymous said...

i always wait for this story to be release... :)

Anonymous said...

ay bitin.. daya naman...
heheheheehe

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.