vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Thursday, December 22, 2011

Waiting for Tomorrow 10

“Ma!”

“Mabuti at dumating ka na, ipapahanap na sana kita kay Tonton, malapit nang maghapunan.”

“Ma, wala po akong gana, doon muna po ako sa kwarto.”

“Sige anak.”

Umakyat ako sa kwarto at nahiga ako sa kama.

-----

Pinilit kong makatulog ng gabing iyon pero kahit anong gawin ko ay hindi ako dalawin ng antok. Sinubukan kong magbasa ng dala kong libro pero kapag nag-uumpisa na akong magbasa ay mawawalan ako ng gana na magpatuloy kaya wala din akong nagawa kundi ilapag ang libro. Bumangon ako at lumabas sa kwarto, pumunta ako sa sala at andun si Mama na malilim ang iniisip.

“Hindi ka din makatulog?”

“Opo Ma. Sinubukan kong magbasa nung mga libro ko pero walang pumapasok sa isipan ko. Parang nakatitig lang ako sa isang papel na may mga letra na hindi ko maintindihan ang mga sinasabi nito.”

Katahimikan.

“Kumusta ka na anak?”

“Sa totoo po hindi ko alam. Parang kasabay ng pagkwala ni Kuya ay nawala din ang gana kong magpatuloy sa buhay. Nahihirapan ako Ma. Ikaw na lang ang kakampi ko. Hindi ko alam kung paano na ang bukas. Kung paano na ako makikisama kay Papa. Natatakot po ako.” Na sa dulo ng aking pagsasalita ay napabuntong hininga na lang ako.

“Andito pa ako anak, saka maiintindihan ka din ng Papa mo. Hindi nya pa lang siguro matanggap kung sino at ano ka.”

“Bakit Ma, sino nga ba ako? Di ba ako pa din si Jerome na anak niya. Wala namang nagbago dun. Ano ako? Oo Ma, bakla ako, pero wala naman akong pinagkaiba sa mga tao dyan sa labas. Humihinga, umiiyak, umutot, natutuwa at nasasaktan din. Bakla ako pero tao din ako Ma. May damdamin at umiibig, yun nga lang sa aking kapwa lalaki at hindi sa mga babae. Eto ako Ma. Pilitin ko mang magbago eto na talaga ako, tanggap ko na. Ang hinihiling ko na lang sana sa inyo ay yung suporta at pang-unawa kasi alam ko kung paano manghusga ang lipunan natin. Kung paano minamata at minamaliit ang mga katulad ko. Kayo, ang aking pamilya ang dapat na unang tumanggap sa akin. Dahil kapag kalaban ko na ang ating lipunan kayo sana ang paghuhugutan ko ng lakas.”  Sa mga sinabi kong iyon nilabas ko ang lahat ng galit at sakit na nararamdaman ko. Yun na ding sandaling yun  ay natanggap ko sa sarili ko ang ako. Na papanindigan ko ang aking desisyon. Hindi ko pipiliting baguhin ang sarili ko para lamang makaayon sa kung ano ang tinatanggap ng lipunan.

Tinitigan ko lang si Mama habang pilit nyang iniintindi ang mga sinabi ko. Napansin ko na lang ang pagpunas nya ng luha sa kanyang pisngi. Naging tahimik ulit kami at tanging ang ingay ng mga kulisap ang madidinig sa paligid.

“Kumusta na pala kayo ni Semuel? Nagkausap na ba kayo?” Biglang pagtatanong ni Mama na bumasag sa aking pag-e-emote.

“Ewan ko po di ka sya nakakausap. Ganun pa din siguro.” Kaswal kong sagot na pilit na tinatago ang sakit na nararamdaman ko sa pagtalikod sa aking ng aking kaibigan.

“Alam mo bang nagpunta sya sa burol ng Kuya mo, noong umuwi ka ng bahay?”

“Opo.” Matipid kong sagot.

“Hinahanap ka nya, gusto ka daw nyang makausap.”

“Wala na po akong pakialam Ma. Kung gusto nya akong kausapan sana noon pa. Ngayon sanay na akong wala sya. Di ko na sya kailangan…” Madiin kong pahayag pero alam ko sa sarili ko na hindi ito ang nadarama ko. Na umaasa pa rin ako ng magkakaayos kami ni Semuel.

“Sana magkaayos kayo ni Semuel. Gusto ko sya para sayo.”

“Ewan Ma.” Kibit balikat kong sagot. Pero napuno ako ng pagtataka sa mga huling salitang tinuran ni Mama, na waring may pinapahiwatig siya. Hindi ko na lang ito pinansin at nagpaalam akong aakyat na ko sa kwarto at pipiliting matulog para kahit sandali, kahit sa panaginip ay matakasan ko ang aking mga suliranin.

-----

Ang liwanag ng paligid at puno akong ng pagtataka kung nasaan ako. Tahimik ang lahat at napakaaliwalas dito. Parang nasa isa akong parang na malayang dumadampi sa aking balat ang malamig at nakakakalmang simoy ng hangin. Wala akong nagawa kung hindi ang humiga sa damuhan at namnamin ang katahimikang noon ko lang naramdaman.

“Ang ganda dito no?” Sabi ng isang pamilyar na boses. Napabangon ako sa aking pagkakahiga at pilit na lumingon sa paligid upang hanapin ang pinagmumulan ng tinig. Nagulat ako nung nakita kong nasa tabi ko si Semuel na malaya ding nakahiga sa damuhan. Maaliwalas ang mukha at may ngiti sa kanyang mga labi.

“Se-semuel? Ikaw ba yan?” Pilit kong pagtatanong na sinuklian nya lamang ng isang ngiti.

“Kumusta ka na? Bakit andito ka?” Muli kong pag-uusisa.

“Dahil gusto kitang samahan, dahil alam kong kailangan mo ako ngayon at alam kong nangungulila ka ngayon.”

“Dati siguro nung magkaibigan pa tayo, hahanapin ko ang pagdamay mo pero ngayon na iniwan mo na ako ay sanay na akong wala ka. Kakayanin ko tong hindi umaasa sa pag-alalay mo.”

“Hindi naman ako nawala Jerome. Lumayo ako, oo inaamin ko pero sana maintindihan mo.”

“Paano ko iintindihan ang isang bagay na wala ka namang pinapaliwanag? Ano yun, tatanggapin ko na lang ang mga nangyari? Ang paglayo mo, ang pag-iwan at pagtalikod mo sa ating pagkakaibigan dahil lang sa mga inamin ko sayo? Masakit Semuel, sobrang sakit. Parang tinalikuran at iniwan ako ng nag-iisang taong inaasahan kong magtatanggol sa akin at uunawain ako.”

“Alam kong nasaktan kita inaamin ko yun pero nasasaktan din ako, Kapag nakikita kitang nahihirapan, doble pa ang aking nararamdaman. Pero sana lang maunawaan mo din ako. May dahilan.”

“Ano nga ang dahilan na yun?” Pilit kong pagsabat pero parang kasabay ng pag-ihip ng isang malamig na hangin ay natangay din si Semuel. Muli mag-isa ako sa parang nakatingin sa malayo at nakayap sa aking mga binti.

“Andito lang ako. Di kita iiwanan.” Si Nick nakatayo sa aking likuran nakatingin din sa aking tinititigan.

“Bakit andito ka?”

“Dahil kailangan mo din ako. Dahil sabi ko sayo na hindi kita iiwanan. Dahil sa pangako ko…” At hindi na tinuloy ni Nick ang kanyang sasabihin.

“Salamat Nick.”

“Siya pa rin ba?” Seryosong tanong ni Nick.

“Ang totoo hindi ko alam ang sagot. May mga sandaling oo. Mga sandaling hindi ko mapigilan. Pero may mga pagkakataong ayaw ko na. Mga pagkakataong mas matimbang ang sakit.”

“Tama. Siya pa rin nga.” Puno ng lungkot ang pagkakasambit nito ni Nick. Gusto ko syang lapitan pero sa mga sandaling iyon ay parang napakabigat ng aking katawan na kahit isang maliit na kilos lang ay hindi ko magawa.

Muli naging tahimik ang paligid at tulad ng biglaang paglitaw ni Nick ay biglaan din itong naglaho.

“Nakakalito. Magulo. Ayaw ko ng ganito!” Sigaw ko sa kawalan.

“Ikaw lang din ang makakapagdesisyon dyan sa kalituhang yan. Sarili mo din ang magbibigay sayo ng kasagutan. Tanungin mo ang iyong sarili, sino nga ba ang mas matimbang.”

“Kuya Jomar? Ikaw  ba yan?” Magkahalong gulat at pananabik ang aking nadama. Muli nasilayan ko ang maamong mukha ni Kuya. Ang mga ngiting nakakapagpaliwanag ng paligid.

“Ito na ang huling pagkakataong magkikita tayo. Alagaan mo sina Mama at Papa. Magpakatatag ka para sa kanila. Hindi lang ikaw ang nasasaktan at nahihirapan. Patawarin mo ako sa mga sandaling nagkulang ako sayo bilang kapatid, sinadya ko man yun o hindi ay humimihingi ako ng paumanhin. Lagi mong tatandaan na nasa tabi mo ako lagi nagbabantay sayo. Di mo man ako makita ay tandaan mong lagi akong kasama mo. Huwag nyo na akong isipin, ito ang buhay na nakalaan para sa akin. Ito ang silbi ko sa mundong ibabaw. Huwag kang mawalan ng pag-asa at huwag kang susuko, may mga taong handang makiramay at tumulong sayo. Mahal na  mahal kita Jerome, sana kahit sa sandaling nagkasama tayo ay naramdaman mo yun. Saka huli na ito, dyan sa pagkalitong nararamdaman mo, isa lang ang dapat mong tanungin, Ito.” Sabay turo sa aking dibdib. Sa aking puso. Nang lumapat ang kanyang daliri sa aking dibdib ay lumiwanag ang paligid at sa sobrang liwanag at pagkasilaw ay napapikit ako at pagdilat ko ay nasa parang na ulet ako pero hindi na sya tulad ng dati. Tuyo na ang mga damo. Mainit ang paligid. Masakit sa mata ang hangin, Isang tao lang ang pilit kong hinahanap sa aking paligid, pero walang ibang tao dun kung hindi ako lang, mag-isa.

“KUYA JOMAR!!!”

-----

Mabilis ang tibok ng puso ko at pawisan akong naupo sa aking kama. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako pagka-akyat ko. Kinilabutan ako sa aking panaginip. Bumabalik sa aking isipan ang mga sinabi ni Kuya. Hindi ko din alam kung ano ang iisipin sa mga salitang binitiwan nila Semuel at Nick sa aking panaginip. Naisip ko tuloy ang sinabi ni Marc, kailangan ko na talagang makausap si Semuel para na rin maging malaya ako at ang aking damdamin. Siguro ito na nga ang panahon para maging malinaw na ang lahat. Ayaw ko nang mabuhay sa mga akala na baka hindi naman totoo. Pinilit ko ulit na makatulog, kahit konting oras kasi nalalapit na ang aming muling pag-alis.

Ginising ako ni Mama upang mag-almusal at para na din maihanda ang aming mga gamit. Gusto ko sanang magpaiwan pero alam ko na hindi naman ako papayagan kaya hindi ko na lang sinabi. Nalulungkot ako dahil babalikan ko na naman ang bahay namin at alam ko na maraming mga bagay ang magpapaalala sa akin kay Kuya. Pero sabi nya nga ay maayos na sya kaya sarili ko naman ang aayusin ko.

Bago kami umalis ay dumating si Marc.

“Di ka man lang nagsabi na ngayon din pala ang balik nyo ng Maynila.” Bungad nito nang makita akong papalabas ng bahay dala dala ang bag na ilalagay ko sa aming sasakyan.

“Sorry, nawala sa isip ko.” Matipid kong sagot. Hanggang ngayon nahihiya pa din ako sa kanya dahil na din siguro sa aksidente kong pagkabunyag ng aking pagkatao.

“Ayos lang, mabuti na lang nasabihan ako ni Tonton kanina nung nasalubong ko. Sayang aalis ka na. Ang saya mo pa namang kasama. Hindi ako nababagot kasi andami mong kwento.” Sabay ngisi na parang may isang lihim siyang alam.

“Oo nga, sayang.”

“Bakit parang naiilang ka na ngayon sa akin? Kahapon naman ay derederetso ka kung makapagkwento.”

“Nahihiya ako sa mga nasabi ko.” Ang simpleng sagot ko.

“Wala ka namang dapat ikahiya. Hindi naman ako tulad ng ibang tao na dahil lang bakla ay nilalayuan o kinamumuhian na. Naiintidihan ko yan kayo, yan ang pagkatao nyo, hindi ko hihilingin na baguhin nyo ang mga sarili nyo para lamang makapasok kayo sa depinisyon ng lipunan kung ano ang normal. Saka matagal na akong naghihinala. Napansin ko kasing panay ang titig mo sa akin nung nasa beach tayo.” Sabay tawa ulet ni Marc.

“Ah eh…”

“Saka sabi ko nga masarap kang kakwentuhan. Masayang kasama. Ok na ako dun. Solve na yun.”

“Salamat ha. Sa lahat, sa pakikinig at sa mga payo. Masaya ako na nakilala din kita sayang lang at saglit lang ang sandali nakasama kita.”

“Ayos lang yun, at least nabigyan tayo ng pagkakataong magkakilala saka ano ka ba, may internet, may cellphone. I-message mo lang ako kapag kailangan mo ng kausap.”

“Ang weird lang, bakit kaya ang gaan ng loob ko sayo. Parang ganito din ang pakiramdam ko kay Kuya. Yung tipong pwede kong pagsabihan ng kahit ano at handa itong makinig.”

“At talagang ginawa mo akong matanda. Bata pa ako . Isang taon lang naman ang tanda ko sayo ah.”

“Kaya nga matanda ka nga, Kuya Marc.” Ako naman ngayon ang nakatawa habang napapaiisip si Marc.

“Bahala ka nga. Kung yan ang magpapangiti sayo eh di sige payag na akong tawagin mong kuya.” Pabirong sagot ni Marc.

Natahimik ako sa sinabi nya, napaisip ako kung talagang nakangiti ako habang kausap siya. Tama nga siya, ito ang unang pagkakataong nakangiti at tumawa ako. Nag-usap pa kami ng konti ni Marc, nagkasundo na magpalitan ng mga number at email. Sinabi ko sa kanya na di ako pala text at minsan lang ako magbukas ng email. Sabi lang nya na basta daw may problema ako i-text lang sya or kaya sulatan ng email. Muli akong nagpsalamat sa kanya sa mga sandaling naging sandalan ko sya at sinuklian lang nya ako ng isang napakatamis na ngiti. Tinawag ako ni Mama sa loob ng bahay para buhatin ang iba pang gamit.

“Hanggang sa muli, Jerome! Sana magkita tayong muli. Mag-ingat kayo sa byahe.” Pagkasabi nito ay biglang yumakap sa akin mahigpit si Marc at bumulong ng ‘kaya mo yan’. Ilang segundo din kami sa ganung ayos at siya din ang unang bumitaw. Nagpaalam sya dahil naalala nya may pinapabili pa pala sa kanya ang nanay niya.

Nakangiti akong pumasok ng bahay at pinuntahan si Mama. Napuna nito ang aliwalas ng aking mukha pero hindi na ako inusisa pa kung bakit. Sinabi na lang sa akin na isakay ko na ang naiwang bagahe para makaalis na kami. Nagpaalam ako kina Lolo at Lola at sinabing sana makabalik akong muli sa Bicol.

------

Dahil sa haba ng aming byahe halos lahat ng mga bagay na gumugulo sa akin ay sumagi na sa isip ko. Nariyan ang pangungulila dahil kay Kuya,ang pakikitungo ni Papa sa akin, ang mga nakakalitong damdamin na meron ako para kina Semuel at Nick at ang huli ay ang saya na hatid ng aura ni Marc. Hindi ko man nabigyan ng sagot ang aking mga katanungan ay napag-isipan ko naman ang mga dapat kong gawin. Una, tanggapin ang pagkawala ni Kuya na kahit na malungkot ay kailangang gawin dahil kahit ano pang pilit ay hindi na muling babalik si Kuya. Ang issue ko naman kay Papa ay hahayaan ko na lang muna, titingnan kung paano ko siya pakikitunguhan na hindi siya magagalit sa akin. Napagdesisyunan ko na din na kausapin si Semuel at pati na din si Nick para naman linawin ang lahat. At si Marc naman ay kaibigan lang sa ngayon kung hindi man kuya-figure sa akin. Yan ang game plan ko pagbalik namin ng Manila. Nakakapagod na kasi ang aking magulong buhay, panahon na para ayusin to.

Nang makarating kami sa bahay ay dumiretso agad ako sa kwarto  wala akong ganang kumain. Pinilit nina Mama at Papa na maging normal ang aming mga buhay. Si Papa ay bumalik na sa trabaho kinabukasan at kami na lamang ni Mama ang naiwan sa bahay. Madalas akong dalawin nina Nick, Lynn at Karen dahil hindi pa naman pasukan pero sa mga pagkakataong yun ay nagiging tulala lamang ako at hindi nagsasalita. Naiintindihan naman nila ang aking pinagdadaanan kaya masaya na silang nakakasama ako kahit hindi ako masyadong nakikipag-usap sa kanila. Alam kong sa mga pagkakataong pwede ko na sanang makausap si Nick pero naisip na si Semuel muna ang una kong kakausapin kasi siya naman ang may mas malaking issue sa dalawa.

Nagkamali ako sa dati kong akala na tanggap ako ni Papa. Isang linggo bago ang pasukan ay dumating itong nakainom. Inasikaso sya ni Mama at pinaghanda ng makakain. Habang nakaupo ako sa sala ay bigla ako nitong tinawag.

“Halika ka nga dito Jerome!”

Pagkadinig ko ng pangalan ko ay agad naman akong lumapit dito.

“Bakit po Pa?”

“Hindi ka na ba talaga magbabago? Kahit anong pilit ko sa sarili ko na okey lang na isa kang bakla ay ayaw tanggapin ng isipan ko.” Seryosong sabi nito.

“Wala na po akong magagawa, ito po talaga ako.”

“Punyeta! Hindi mo ba iniisip ang ating pamilya. Ang kahihiyan na aabutin natin kapag nagkalat ka na dyan sa labas.”

“Pa, hindi naman po ako ganun. Pinipilit ko naman pong maging maayos ang mga kinikilos ko sa labas.”

Naging tahimik kaming dalawa parehas kaming malalim ang iniisip.

“Wala ka bang balak magkapamilya? Magkaroon ng anak at bigyan kami ng apo? Ikaw na lang ang pag-asa namin dahil…” Hindi na naituloy ni Papa ang sasabihin nito pero alam ko na ang pagkawala ni Kuya ang kanyang babangitin bakas sa mukha nya ang lungkot habang sinasabi nya ito.

“Hindi ko po alam. Siguro may mga pagkakataong gusto kong magkaroon ng anak. Kapag naalala ko po yung mga panahon na masaya pa tayo. Na andyan kayo lagi… Nung andito pa si Kuya. Pa, sorry po talaga. Sinusubukan ko naman na magbago pero ito na talaga po ako. Tanggap ko na. Sorry if I am one of your biggest disappointments.” Pagkasabi ko nito ay tumungo na lamang ako at hinihintay ang magiging sagot nya pero nabigo ako. Wala akong sagot na narinig mula kay Papa. Nakatitig lang ito sa akin na parang pilit na iniintindi ang aking mga nasabi. Maya-maya pa ay tumayo ito at nagpunta sa kanilang kwarto. Pagkaalis nya ay umalis na din ako tinungo ang aking kwarto.

-----

Dumating ang aaw ng pasukan, naging normal ang takbo ng mga araw. Tulad ng nakasanayan namin, lagi kaming magkakasama nina Nick, Lynn at Karen. Paminsan-minsan ay sumasama si Semuel sa amin pero sa mga pagkakataong ganun ay gumagawa ako ng palusot para makaalis. Ewan ko ba, kahit napagdesisyunan ko nang dapat ko syang kausapin ay naiilang pa din ako. Nahihiya ako sa kanya. Pakiramdam ko nanliliit ako sa bawat titig nya sa akin.

Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansin sa pagbabago kay Semuel. Kapag kasama niya kami ay nagiging masaya siya pero kapag mag-isa lang ito ay matamlay at malungkot ito. Sa mga pagkakataong ito ay nais ko syang lapitan at damayan sa kung ano man ang kanyang pinagdadaanan pero kapag andyan na ang pagkakataon ay naduduwag ako. Natatakot akong muli nyang ipagtabuyan at itakwil. Hindi ko alam kung kakayanin ko pa ulet yung ganun kapag nagkataon. May mga sandaling gusto ko syang lapitan pero kapag gagawin ko na ay biglang nawawala ang lakas ng aking loob. Naging madalas ang pagsama sa amin ni Semuel pero halatang ilang pa rin kami sa isa’t isa. Hindi ako kumikibo kapag nag-uusap kami ayaw kong bigyang ng pagkakataon si Semuel para mapag-usapan ang mga nangyari sa amin. Nararamdaman ko din ang pagpupursige nya na makausap ako pero ako na mismo ang lumalayo. Alam kong darating ang pagkakataon na mawawalan ako ng dahilan para hindi sya kausapin pero ngayon iwas muna ako kanya.

“Jerome?” Marahang pagtawag sa akin ng isang tinig mula sa aking likuran. Nakatambay ako noon sa ilalim ng malaking puno ng narra, mag-isang nagbabasa.

“Bakit?” Kaswal kong sagot bago ako lumingon sa aking likuran. Laking gulat ko nang makltang si Semuel pala ang tumawag sa akin.

“Pwede ba tayong mag-usap?” May pagsusumamong pagtatanong nito.

“Bakit pa? Nasabi mo naman dati di ba? Ayaw mo sa akin. Tapos na ang lahat.” Sabi ko sa kanya, may bahid ng galit sa aking pagsagot.

“Sorry Jerome.”

“Okey na, tapos na yun. Hayaan na natin yun…”

“Gusto ko lang magpaliwanag sayo.”

“Huwag na. Kung ano man yun ay tapos na yun. Salamat na lang at sorry din.” Pagkasabi nito ay mabilis na akong tumayo at umalis na hindi na hinintay ang kanyang kasagutan. Hindi na din ako lumingon para tingnan kung nasaan sya. Tanging ang makalayo doon sa lugar na yun ang nasa isip ko. Ayaw kong ipakita sa kanya na hanggang ngayon ay nasasaktan ako. Lalong ayaw kong makita nya akong umiiyak. Gustong gusto ko nang kausapin siya sa mga oras na yun pero natalo ako ng takot. Sinabi ko na lang sa sarili ko na hindi pa lang iyong ang tamang panahon para magkaharap at makapag-usap kami.

[may kasunod]

2 comments:

Anonymous said...

waaa.. sna andyan agad next installment.. tgal ko nghhintay ng kasunod

Anonymous said...

ganda po ng story... more updates plz...


sa mga readers, try nyo din po yung "My Unconditional Love Experience"... ganda din po... :)

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.