vote for gay blogs at Best Male Blogs!PLU Gay Blogs

Thursday, March 31, 2011

Pag-ibig Sa Gitna ng Kalungkutan 1

Submitted by Mister Ryan
Installment 1

PROLOUGE

Kasabay ng kalimliman ng hapon ay ang malakas na pagbagsak ng ulan. Ulang mas nagparamdam ng lubos na   kalungkutan sa bawat isa. Kitang-kita ko sa kanilang mga mukha ang paghihinagpis at pagdurusa, ngunit hindi ko  lubos na maintindihan ang mga nangyayari sa aking paligid. Iyakan dito, iyakan doon. Kahit saan mapabaling ang  aking tingin, puro nagiiyakan ang aking nakikita. Habang mabigat na bumubuhos ang ulan sa ulunan ng mga tao, mahigpit na nakahawak sa aking mga palad ang aking lola. Sa ilalim ng kanyang nakalulumbay na payong kami’y  nakasilong. Nararamdaman ko sa aking mga paa ang pagtilamsik ng ulan na bumabagsak sa madamong lupa na  tila ba nakikihinagpis ang kalangitan sa mga nangyayari.


Sa ‘di kalayua’y nakahimlay ang dalawang magarang kahon sa ibabaw ng malalim na hukay. Sa tingin ko’y napakaganda ng pagkakayari sa mga kahong ito. Para bang kapag nilagyan ko ito ng maliliit na gulong at mga pakpak ay magmimistulang eroplano na ang mga ito. Makintab, makinis, at kitang kita ang kalinisan nito dahil sa puti nitong kulay. Parang napakasaya sa loob ng mga kahong ito. Sa mga panahong iyon ko pinapangarap ang maging isang piloto. Pero bakit kagalakan ang aking nararamdaman ngunit sa iba’y pagdadalamhati. Hindi ko maintindihan. 

Nakaagaw sa aking pansin nang magsalita ang isang lalakeng nakaitim sa gitna ng dalawang kahon. May hawak pa itong maliit na libro sa kanyang mga palad at tila ba ito’y nangangaral. “Mga kapatid, tayong lahat ay binigyan ng Poong Maykapal ng pribelehiyong mabuhay. Atin itong mahalin at pangalagaan” sabi ng lalaki. Patuloy pa rin sa pagsasalita ang lalaki at hinikayat niyang lumapit sa mga tao sa kahon. Kahit malakas ang ulan ay hindi ito naalintana ang paglapit ng mga naka-itim na tao tulad ng pagkakasabi ng lalaki. Nagulat din ako ng hilahin ako ng aking lola papalapit sa kahon. Pinilit niyang makalapit kami nang husto sa mga kahon kung saan makikita namin ang kabuuan nito. Napakaraming tao ang aming hiningan ng pumanhin sa aming pagdaan. Sa daang masikip, makipot at maputik.

Di kalauna’y naabot namin ang nais naming puntahan. Nasa harap kami ng lalaking nangangaral  at kami’y nasa pagitan ng dalawang kahon. Hindi abot ng aking paningin ang nilalaman ng dalawang kahon sapagkat ito’y nakataas nang higit sa akin. Nananatiling nakakapit sa akin ang aking lola habang dala-dala ang madilim at nakalulumo niyang payong. Patuloy kaming nakikinig sa lalaking nangangaral kasabay ang ingay ng patak ng ulan at katahimikan ng mga taong nandoon. 

Isang lalaki, binatilyo, ang dumaan sa aming harapan at tinigan niya ng walang emosyon ang kahong nasa aming kaliwa. Blangko ang kanyang mukha. Hindi ito maipinta at tila namumutla ito. Kitang-kita sa kanyang mukha ang pagpipigil sa sariling maglabas ng emosyon. Kahit wala siyang dalang kahit na anong pangontra sa malakas na ulan, wala siyang pakialam. Patuloy niyang pinagmamasdan nang mabuti ang nilalaman ng kahon. Walang emosyong pagtingin. Totoo palang may mga taong hindi nagpapakita ng kanilang nararamdaman. Pero sa aking nakikita, ramdam na ramdam ko ang kanyang pagdadalamhati. 

Lumiban na sa kanyang kinatatayuan ang binatilyo. Tumalikod siya at humarap sa akin. Wala pa ring nilalaman ang kanyang mga mata. Lumapit ito sa akin at lumuhod sa aking harapan para makita niya nang buong-buo ang aking mukha. Hinawakan niya ako ng mahigpit sa aking mga balikat. Matagal akong tinitigan ng kayang malulummbay na mata. Maya-maya pa ay niyakap niya ako nang mahigpit sa kanyang dibdib. Yakap na punong-puno ng pagmamahal at pag-aaruga. Hindi ko man makita ang kanyang mukha ay alam kong umiiyak siya. Hikbi at luha ang lumalabas sa kanyang mukha na ngayo’y punong puno na ng hinagpis. “’wag ka mag-alala, Ry, nandito lang si kuya. Hinding-hindi kita pababayaan.” Ang mga salitang sinambit ng bintilyong nakayakap sa akin.

Binuhat niya ako, kinuha niya ako sa aking lola at sa unang pagkakataon ng pagpunta namin sa lugar na iyon ay naramdaman ko ang mabigat na buhos ng ulan sa aking noo. Pinagmasdan ko ang makulimlim na kalangitan at sa unang pagkakataon rin ay may naramdaman ako na mabigat sa aking puso. Kinakabahan na ako. Para bang may napakaimportanteng bagay sa aking puso ang biglang tinanggal. Hindi ko pa rin maintindihan.

Mahigpit kong niyakap ang nagbuhat sa akin sa kanyang leeg at yumukod ako sa kanyang balikat. Lumapit kami sa kahon na nasa aming kanan. Sa wakas ay malalaman ko na ang nilalaman ng napakagandang kahon. Patuloy pa ring dumadaloy sa aking ulunan ang ulan habang papalapit kami sa kahon na iyon. Napakabagal ng oras. 

Sobrang-bagal. Sa bawat paghakbang ng binatilyong nagbubuhat sa akin ay parang nadadagdagan ang kabigatan sa aking puso. Naramdaman ko ang takot, pangamba, at kalungkutan. 

Takot sa hinaharap. Pangamba sa aking makikita. At lubos na kalungkutan sa mga nangyayari sa paligid. Higit sa lahat, nakakaramdam ako ng pangungulila. Ngunit saan? Saan ako mangungulila? Nandyan naman si Lola, ang aking mga kuya, at siyempre, nandyan din sina Mama at Papa. Pero sandali lamang, nasaan na nga pala sina Mama at Papa? Kanina ko pa sila hindi nakikita ah.  Saan ba sila nag-punta? Nagdate na naman siguro yung dalawang yun. Kung kalian malungkot ang lahat, tsaka sila magdedate. Hay, sabagay, napakamapagmahal naman kasi talaga ni papa kay mama eh. Ganun din si mama kay papa. Kahapon nga lang, magkasama sila sa iisang kwartong napakaputi at napakaliwanag. Puro mga babaeng nakaputi ang pumapasok sa kwarto nila at may sinusulat pa sila sa bakal nilang sulatan. Natatawa ako kasi nakikita namin sila sa labas ng kwarto. Wala naman sila ginagawa. Nakahiga lang. Pero nasaan na nga kaya sila ngayon? Hindi ko sila makita sa paligid.Biglang nagkaroon ng tila napakahabang katahimikan. Buhos lamang ng ulan ang aming naririnig.

“Ryan, Wala na sina Mama at Papa. Nasa piling na sila ng Diyos.” Sabi ng binatilyo.

Biglang kumabog ang aking maliit na puso. Timibok ito nang napakabilis. Hindi alintana ang malakas na pagbuhos ng ulan sa aking katawan. Kasabay ng pagdungaw ko sa mga kahon ay ang pagtulo ng aking luha. Hindi ito totoo. Hindi ito pwede mangyari. Hindi. Hindi talaga. Hindi totoo ang aking mga nakikita. Isa lamang itong panaginip. Napakasakit ng aking damdamin. Kumikirot na parang kinukuryente. Bakit. Bakit nangyayari ito. Hindi ako makapaniwala. Tuluyan na akong umiyak sa balikat ng binatilyo. Umiyak nang napakalakas. Humagulgol ako ng sobra-sobra. 

“MAMA! PAPA!”. Patuloy ang aking pagtawag sa aking mga magulang. Ngayon naiintindihan ko na ang mga nangyayari. Lulan ng aking kamusmusan ay ang kaalaman at katotohanang wala na ang aking mga magulang. 
Pinilit kong umalis sa pagkakayakap sa aking kuya. Binitawan niya ako at naguluhan siya sa aking ginagawa.
Nang makababa ako sa pagkakabuhat ng aking kapatid, nakita ko ang napakaraming tao na nagkukumpulan sa  aking paligid. Gusto kong makaalis sa lugar na iyon dahil hindi ko makayanan ang mga nangyayari.  Sumiksik ako sa mga tao para makalabas. Marahil nagambala ko sila sa kanilang pagdadalamhati. Pinilit akong tawagin ng aking kuya ngunit hindi ko na ito pinansin. Tumakbo ako ng mabilis at hindi na lumingon pa sa kanila. 

Papa, bakit po nangyayari ito. Noong isang araw lang ay masaya tayong naglalaro ng aking mga robot at kotse-kotsehan. Hindi ba mama, palagi mo akong kinukwentuhan gabi-gabi bago ako matulog. Sino na ang makikipaglaro sa akin? Sino na ang magkukwento sa akin? Sino na ang magaalaga sa akin? Mama, Papa. Bakit ninyo ako iniwan. Patuloy ang aking pagtakbo sa kakahuyan ng lugar na iyon ngunit hindi ko napapansin kung nasaan na ako. Huminto ako sa pagkakatakbo dahil sa takot na muling nanaig sa aking puso. Takot ng pag-iisa. Lumingon ako sa aking paligid ngunit puro puno ang aking nakikita. Nasaan na ba ako? Naliligaw na yata ako. Sinubukan kong balikan ang aking mga nadaanan pero hindi ko na malaman kung saan ako galing. Pare-pareho ang itsura ng mga puno. Naligaw na nga ako nang tuluyan.

Umupo na lamang ako sa ilalim ng isang malaking puno. Natutuluan pa rin ako ng ulan kahit malaki ang punong ito. Umupo ako, niyakap ko ang aking mga binti at yumuko na lamang ako. Naghihintay at nagbabakasakali na dumating ang aking mga kamag-anak. Doon ko na binuhos ang lahat ng aking nararamdaman. Umiyak ako ng napakalakas. Humgulgol na parang wala nang bukas. Napakasakit talaga sa aking damdamin na parang sinasaksak ang puso ko sa tuwing maaalala ko ang aking mga magulang. Di kalaunan sa aking pagupo, ang huli kong natatandaan ay iyak na lamang ako nang iyak. 

“Huy.”

Mayroong tumatapik sa akin. Umungol lang ako senyales ng pagkainis.

“Huuuuyyyy..” 

Umungol muli ako ng mejo malakas. “ooooo. Bakeeetttt?” sagot ko.

“Bakit ka natutulog sa ilalim ng puno?” narinig ko ang isang maliit na boses.

Natauhan ako sa mga nangyayari. Nakatulog pala ako. Sa aking pagmulat ay nakita ko ang isang batang lalaki na siguro ay kasing edad ko. Siya ay ngiting-ngiti na nakatingin sa akin. Sa unang tingin sa kanya ay napansin ko ang balat sa kanyang leeg na hugis puso.

“Anong ginagawa mo jan? Bakit jan ka natutulog?” tanong ng bata. Biglang kunot ng kanyang noo.

“Ah, naliligaw kasi ako ehhh. Hindi ko alam palabas dito.” Sagot ko naman.

“Hmmmmm. Ganoon ba? Sige tara.” Sambit ng bata. Bumalik ang ngiti sa kanyang mga labi.
Kinuha niya ang braso ko at hinila ako patayo. Sabay takbo ng mabilis sa kakahuyan. 

“Sandali lang, saan mo ba ako dadalhin?” Tanong ko sa bata. Patuloy pa rin ang aming pagtakbo.

“Ilalabas kita dito.” Sabay ang masayang ngiti ng bata.

Natuwa ako sa aking narinig. Sa wakas ay makakalabas na rin ako. Hindi na ako nagtanong pa at alam kong makakalabas na ako sa lugar na iyon. Hawak-hawak pa rin niya ang aking braso habang kami ay tumatakbo. Medyo mahaba ang aming pagtakbo parang napakabilis ng mga pangyayari. Ilang sandali lamang ay nakalabas na nga kami sa kakahuyan ngunit may isang bagay ang hindi ko inaasahan. Isang napakagandang dalampasigan ang aking nakita. Mayroon pa itong maliit na isla sa gitna. Tumila na rin ang kaninang napakalakas na ulan. Kita ko sa malayo ang pagsalubong ng payapang karagatan at ng napakagandang araw. 

“Nasaan na tayo?” Tanong ko.

 “Nailabas na kita sa kakahuyan.” Sagot ng bata. Ngumiti siyang muli. Parang napakamasayahing tao nito.

“Teka. Doon ako galing sa may libingan. Bakit dito ako napunta?” sabi ko naman.

“Ayy ganun ba? Pasensya na bata. Di ko alam.” Sabay sipol at nilalaro niya ang buhangin sa kanyang paanan.

“Paano ba makabalik sa libingan? Kailangan ko nang makabalik. Malapit nang maggabi.” sabi ko nang may halong kaba sa bata.

“Naku. Pasensya na ulit. Hindi ko alam ang papunta doon ehh.” Sagot naman niya. Habang naglalakad papalapit sa baybayin.

Sumunod ako sa kanya. “Paano na yun? Baka hinahanap na ako ng lola ko at ng mga kuya ko at nila ma…” Bigla akong napatigil. Natahimik nang ilang segundo. Naramdaman ko na naman ang pangungulila sa aking mga magulang.

“O? Bakit ka natahimik?” Tanong nang bata. 

“Ahh wala. Gawa kasi ang mama at papa ko ay…” ako ay yumuko na lang at di na nagsalita. Naintindihan niya siguro ang aking dinaramdam. Narating namin ang baybayin at tinitigan ko ang kagandahan ng mapulang kalangitan at ang repleksyon nito sa dagat. 

Tumayo ang bata sa aking tabi at sinabi, “Sabi ng ate ko, kapag kinuha daw ng Diyos ang tao. Masaya na sila doon. Saya na hindi maibibigay dito.” Sabay turo sa buhangin.

“Saan?” naguluhan ako sa kanyang sinabi.

“Dito sa lupa.” Sabay ngiti. “Yun ang sabi ng ate ko. Hindi ko nga rin maintindihan eh.”
Nagtawanan kami ng malakas.

“Ako nga pala si James.” Sabi ng bata. Habang inabot niya ang aking kamay.

“Ryan” Pakilala ko naman. At ako ay ngumiti sa unang pagkakataon. 

Nang hapong iyon ay nagkwentuhan kami ni James at patuloy ko pa ring iniisip kung paano ako makakabalik sa aking pinanggalingan. Kami ay nagkaroon ng napakahabang kwentuhan. Tungkol sa cartoons, anime, pagkain, at kung anu-ano pa. Pinilit kong aliwin ang aking sarili at alam kong tinutulungan niya rin akong maging masaya. 

Nalaman kong sa matandang dalaga niyang tita siya at ang kanyang ate naninirahan dahil ang mga magulang nila ay nasa ibang bansa. Parang tunay anak na rin daw ang turing ng kanyang tita sa kanila. 

“Nakikita mo ba itong nasa leeg ko?” Tanong ni James.

“Oo. Hugis puso nga ehhh. Ano ba yan?” tanong ko naman.

“Balat daw. Sabi ni tita, kapag nakita ko na daw ang mamahalin ko sa habang panahon, mawawala daw ito. Kasi ibibigay ko daw ito sa taong mamahalin ko. Ewan ko. Naguguluhan din ako ehhh.” Sagot naman niya.

“Wow, para palang magic. Biglang mawawala.”

Mahigit isang oras na rin kaming nagkukuwentuhan ni James, halos lubog na ang araw, nang may narinig akong pagtawag sa aking pangalan. 

“Ryan! Ryan! Nasaan ka?” Sigaw ng mga tao sa malayo. 

Lumingon ako sa aking likuran. Nakita ko ang hugis ng katauhan ng aking mga kuya at Lola. Nabuhayan ako nang loob sa aking nakita.

“Kuya! Lola! Nandito ako!” Sumigaw ako kasabay ng aking pagtayo sa aking kinauupuan.

Tumingin ako kay James at nakita ko muli ang kanyang ngiti. Ngayon ko nakita ang napakagandang ngiti ni James.Nagpatuloy sa paglalakad ang aking pamilya at ako’y tumakbo papalapit sa kanila. Lumingon muli ako sa likod at nakita kong tumatakbo din si James papunta sa amin. Nang magkita kami ng aking panganay na kuya, binuhat niya ako at niyakap nang sobrang higpit at mangiyak-ngiyak pa siya.

“Ryan! Saan ka ba galing? Pinagalala mo kami nang sobra.” Paiyak sa sambit ng aking kuya.

“Sorry kuya. Masyado lang akong nalungkot sa mga pangyayari.” Sagot ko naman.

“Ok lang yun. Basta wag mo nang uulitin iyon ha. Hindi na kami magkanda-ugaga sa pagaalala sa iyo.” Sagot ulit niya. Sabay yakap sa akin.

“Sorry talaga Kuya.”

Bumaba ako sa pagkakabuhat at nakita ko sa medyo malayo si James. Tinawag ko siya para ipapakilala ko siya. Lumapit naman siya nang patakbo.

“Kuya, si James po. Siya po ang naglabas sa akin sa gubat. Kung hindi dahil sa kanya ay baka nasa gubat pa ako hanggang ngayon.” Pakilala ko sa aking pamilya. Ngumiti naman si James sa kanila. Napangiti din ang pamilya ko nang malaman nilang si James ang tumulong sa akin.

“Salamat James ahh. Kung hindi dahil sa iyo baka nawala na nang tuluyan sa gubat itong makulit kong kapatid.” 

Sabi ng kuya ko kay James.

“Wala pong anuman iyon.” Sabay ngiti. “Sige po mauuna na po ako. Kailangan ko na pong umuwi. Baka hinahanap na po ako ng tita at ate ko.”

“Ahh ganoon ba iho. Ihahatid ka na namin para makapagpasalamat na rin kami sa tita mo.” Sabi ni lola.

“Kayo pong bahala.” Sabi ni James.

Nang mga panahong iyon ay umuwi na ang ibang kasama nila Lola at kuya. Kaming apat na lamang ang tumuloy sa bahay nila James. Ang dalawa kong kuya, si lola at ako. Sa gate pa lamang ay sinalubong na kami ng tita ni James.

“Naku bata ka. Saan ka ba nanggaling at ginabi ka.” Habang pinupunasan niya ang likod ni James ng bimpo. 

“Basang basa ka pa ng pawis. Baka magkasakit ka.”

“Ahh tita, may kasama po ako.” Tinuro kami ni James sa kanyang tita.

Nang gabing iyon ay niyaya ng tita ni James ang mga kuya at lola ko na doon na maghapunan para makapagkwentuhan sila. Pinagusapan nila ang mga nangyari at kung anong nangyari sa aming pamilya. Napakabait ng tita ni James. Pinaliguan niya kami at pinahiram niya ako ng damit ni James. Maya-maya pa ay tinawag na niya kami upang kami’y makapaghapunan. Mabilis kaming kumain ni James para makapaglaro pa kami sa konting sandali ng aming pagsasama. Pagkaalis namin sa mesa ay biglang dumating ang ate ni James. Isa pala siyang nurse sa isang pribadong ospital. Ipinakilala siya nga tita ni James at sumabay na rin siya sa hapunan. 

Naupo kami ni James sa harapan ng kanilang pinto at nagkwentuhan muli. Naglaro ng bahagya ngunit pagod na rin kami sa dami nang nangyari ngayong araw. Sa pagupo namin, ibinigay niya sa akin ang isang kwintas na yari sa plastic. May nakasabit ditong pangil. Sabi niya ay pangil daw iyon ng pating.

“Eto, sa’yo na ito. Remembrance.” Ang sabi ni James.

“Remembrance saan?” tanong ko.

Pinatalikod niya ako at isinusuot sa akin ang kwintas.

“Aalis na kasi kami ng ate ko sa isang linggo. Susunod na kami ng aming mga magulang sa ibang bansa. Baka hindi na tayo magkita pa.” Malumanay na sabi ni James sa akin.

Bigla akong nalungkot sa mga nangyayari. Nawalan na ako ng mga magulang at ngayon mawawalan na din ako ng isang kaibigan. Tumungo na lang ako at hindi na ako nagsalita.

“Ry, ano? Tara na? Gagabihin tayo sa daan. Malayu-layo pa ang ibabyahe natin.” Yaya ng aking kuya. 
Tumayo na ako at tumayo na rin si James. Niyakap ko siya ng mahigpit. “Sana magkita pa tayo sa hinaharap.” Sabi ko sa kanya.

“Oo naman syempre, bibisita naman ako dito eh.” Niyakap niya rin ako nang mahigpit.
Maya-maya pa ay umalis na kami sa pagkakayakap at nagPinky Swear kami.

“Promise?” Tanong ko.

“Promise.” Sagot naman niya. Sabay halik sa aking pisngi.

Nagulat ako sa kanyang ginawa, ngunit pinabayaan ko na lamang. Marahil ay senyales iyon ng aming pagkakaibigan. Naging napaka espesyal para sa akin ni James. Kung tutuusin, siya ang unang naging pinakamalapit kong kaibigan. Kahit sa sandaling araw na iyon. Masasabi kong isa siyang tunay na kaibigan. At iyon ang huli naming pagkikita noong aming kabataan.

Sa daan namin paguwi. Masaya akong nakakalong sa aking lola sa sasakyan. Ang panganay kong kuya ang nagdadrive at ang pangalawa naman ay tulog na sa likod. Nakangiti kong pinagmamasdan ang kalaliman ng gabi sa labas ng sasakyan habang hawak-hawak ko ang isang pangil na nakasabit sa aking leeg.


itutuloy...

2 comments:

Anonymous said...

sana naman mtapos to,,, ganda kci,,

Anonymous said...

Parang ang daming mysteries. Interesting. :)

Post a Comment

What can you say?

 
FCOS would like to thank our contributors and loyal writers. You know who you are guys. ^_^
Work licensed under a Creative Commons Attribution-NonCommercial-NoDerivs 3.0 Unported License. FILIPINO COMING OUT STORIES.